Chapter 38

1.4K 87 68
                                    

Pinunasan ni Lucas ang luha sa kaniyang mga mata habang nagmamaneho siya ng kaniyang jeep pabalik sa bahay nang hapon na iyun pagkatapos na bayuhin ng malakas na bagyo ang Villacenco. Hindi pa man humuhupa nang husto ang bagyo ay agad na siyang lumabas ng bahay nang may nakita na siyang pagsilip ng liwanag mula sa makapal na kalangitan.

Mas gugustuhin pa niyang lumabas na lang ng bahay at harapin ang sama ng panahon kaysa sa harapin niya ang sakit na nadarama ng kaniyang puso mula pa kagabi.

Masakit sa kaniya ang nangyari. hindi pa man niya naipaliliwanag ang kaniyang bahagi ng kuwento ay hinusgahan na siya ni Presley. Pero hindi naman niya ito masisisi. Sino ba ang magtitiwala sa isang katulad niyang namuhay sa kalokohan. Hindi naman nagkamali si Presley sa sinabi nito na isa siyang lalaking nambabalewala noon ng babae kapag nakuha na ang kaniyang gusto. Pero, iba na ang sandaling iyun. Iba na ang Lucas Malvar na nakaharap kay Presley kagabi. At masakit sa kaniya na hindi na siya tinanggap at pinaniwalaan nito nang dahil sa kung ano lamang ang nakilala nito sa kaniya.

Masakit at mahirap ang hindi matanggap dahil sa nauna na siyang husgahan. Pero gayunpaman, ay wala siyang sama ng loob kay Presley at wala siyang hinanakit dito. Nag-aalala nga siya rito nang husto at gusto niya sanang puntahan si Presley sa Pedrosa pero alam naman niyang nasa mabuti itong kalagayan kasama ng pamilya nito at kaniyang iginagalang ang hinihingi nitong espasyo mula sa kaniya.

Ngunit ang sakit na nadarama niya mula pa kagabi ay nadagdagan pa nang tumambad na sa kaniyang mga mata ang pinsalang natamo ng rancho. Isang malaking dagok ito sa kaniyang rancho na sinisimulan pa lamang niyang paunlarin na muli. At nang maalala niya ang mga taga-Oasis na umaasa ng kabuhayan sa kaniyang rancho ay hindi na niya napigilan ang mga luha na pumatak mula sa kaniyang mga mata.

Nagsanib na ang sakit na nadarama niya nang dahil sa dalawang kabiguan na dumagok sa kaniya sa isang bagsakan lamang at ang kinikimkim niyang luha na kanina pa niya gustong pakawalan ay pinakawalan na niya nang sandaling iyun habang nagmamaneho siya pabalik ng kaniyang bahay.

Alam ni Lucas na wala na siyang daratnan sa kaniyang pag-uwi at isang hungkag na bahay na lamang ang babati sa kaniya. Kanina ay nagpaalam ang kaniyang lolo at lola na dadalawin ang kapatid nitong nasa kabilang bayan na lubha o maaaring mas lubha pang napinsala ng bagyo. Dala ng mga ito ang mga stock ng pagkain, gasolina, at generator na mayroon ang rancho Oasis para sa mga ganitong sakuna.

Suminghot siya at pinahid niya ang luha sa kaniyang pisngi gamit ang kaniyang bisig at saka niya nilunok ang emeosyon na na namuo sa kaniyang lalamunan.

Mas gugustuhin pa niyang matulog na lang sa kaniyang pagdating dahil sa wala rin naman siyang gana na kumain at sa ganun din na paraan ay makatakas siya sa pighati na kaniyang nadarama.

Pero mukhang hindi bahay na hungkag ang naghihintay sa kaniya sa hapon na iyun dahil sa mula sa kalayuan ay natanaw na niya agad ang sasakyan ni Presley sa harapan ng kaniyang bahay.

Muli niyang pinahid ang kaniyang mga mata. Tila ba gusto niyang masigurado na hindi siya namamalikmata lamang at nakikita niya si Presley na nakaupo sa patio na tila ba naghihintay ito.

Ngunit kahit na pinahid at kumurap-kurap na ang kaniyang mga mata ay hindi nawala sa kaniyang paningin ang imahe ni Presley. Bagkus ay mas luminaw pa ito sa kaniyang mga mata nang unti-unti nang makalapit ang kaniyang jeep. At mula sa kinauupuan nito ay tumayo si Presley para salubungin siya.

Inihinto niya ang kaniyang sasakyan at saka siya bumaba para humakbang palapit kay Presley na kagabi lamang ay tinakbuhan at ipinagtabuyan siya. Ngunit ibang-iba ang sandali na iyun dahil sa humakbang si Presley palapit sa kaniya.

Ramdam man niya ang labis na pagod ng kaniyang katawan ay parang isang magaan na ihip ng hangin ang umuhip nang sandali na iyun at nawala ang madilim na kalangitan na kanina lamang ay nakabalot sa kaniyang damdamin nang makita niyang nakatayo sa kaniyang harapan ang babaeng nagbigay sa kaniya nang dahilan na magmahal at magbago sa kaniyang gawi. Si Presley ang nagtimon ng kaniyang buhay.

COWBOYS : LUCAS MALVAR (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon