Chapter 6

1.2K 72 18
                                    


Nakalamukos na ang mukha ni Lucas buhat pa nang makauwi siya sa kaniyang bahay at dala ang parcel na kaniyang natanggap. Pagkatapos niyang maglinis ng kaniyang katawan ay bumaba na siya sa dating opisina ng kaniyang papa na kaniya na ngayong ginawang sariling opisina lalo pa at magsisimula na siya sa panibagong hakbang na kaniyang gagawin para sa rancho Oasis.

Pero nang buksan na niya ang kulay brown na envelope at inilabas na niya ang mga papel na may nakatalang computer printed na mga salita ay doon na nagsimulang malukos ang kaniyang mukha.

Hindi naman siya hirap na umintindi ng salitang ingles kahit pa ang tinapos lamang niya ay senior high-school at hindi na niya itinuloy pa ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo dahil nga sa hands-on siya sa pagpapalakad ng kanilang rancho. Hindi mataas na pinag-aralan ang nararapat sa pangangalaga ng isang malaking rancho kundi ang pisikal na pangangalaga at mga pangunahing kaalaman sa pangangalaga ng baka at kabayo na kaniya nang minana ang kaalaman sa kanyiang ama at kay tatay Kermit at sa mga vaqueros na sa kanila nang rancho tumanda at nagka-anak.

Naintindihan naman niya ang mga salitang ingles na nakasulat pero may mga terminolohiya na sa papel na hindi na niya masyadong maintindihan. Kaya naman hindi na kuminis pa ang gusot sa kaniyang mukha kahit na paulit-ulit na niyang binasa ang mga hawak niyang papel at dokumento.

"Ugh! Anak nang,"-

"Huwag mong ituloy," ang biglang sambit ng kaniyang nanay Lucing na hindi na niya namalayan na pumasok na pala sa loob ng silid.

Mabilis niya itong nilingon at nakita niya itong humahakbang papasok at papalapit sa kaniyang mesa habang may dala itong tray na naglalaman ng mug na may umuusok na kape at ang paborito niyang kakanin na bibingka.

Mabilis siyang tumayo mula sa kinauupuan niyang silya para tulungan si nanay Lucing ngunit mabilis na umiling ang ulo nito para tanggihan ang kaniyang tulong.

"Maupo ka na," ang sabi nito na may ngiti sa mga labi para sa kaniya. Isang ngiti rin ang kaniyang iginanti kasabay ng pagtango niya at naupo na siyang muli sa silya at itinabi niya muna ang mga papel na nagkalat sa lamesa para bigyan ng espasyo ang tray na dal ani nanay Lucing.

"Naistorbo ba kita?" ang tanong nito sa kaniya nang ilapag na nito ang tray.

Mabilis na umiling ang kaniyang ulo kasabay ng pagdampot niya ng tinidor na kaniyang itinusok sa malagkit na bibingka na may matamis na latik sa ibabaw. At agad niyang isinubo iyun sa kaniyang bibig.

"Mainit," ang tanging sambit ni nanay Lucing ngunit huli dahil naisubo na niya ang bagong lutong bibingka na may latik. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at sumagap siya ng hangin habang pinapaypayan ng kaniyang kamay ang loob ng kaniyang bibig para mabawasan ang init bago niya nilunon iyun sa kaniyang lalamunan.

"Napaso ka?" ang tanong ni nanay Lucing sa kaniya na halata ang pag-aalala. Kahit pa matanda na siya ay hindi pa rin pumapalya na hindi siya alagaan nito. Minsan nga napapaisip siya na marahil ay tingin pa rin nito sa kaniya ay kinse anyos pa rin siya.

Tumango ang kaniyang ulo habang may pilyong ngiti sa kaniyang mga labi na tila ba isa siyang batang maliit.

"Okey lang po na mapaso ako, masarap naman po ang luto ninyo...palagi naman," ang kaniyang sagot at muli siyang humiwa ng bibingka na nasa platito para sumubo na muli.

Isang malapad na ngiti ang isinagot sa kaniya ng kaniyang nanay Lucing at naupo ito sa may silya sa harapan ng lamesa.

"Alam mo bang noon ay madalas ko rin na hatiran ng meryenda ang iyong papa kapag abala siya rito sa loob ng kaniyang opisina?" ang tanong ni nanay Lucing sa kaniya na ibinabalik nito ang nakaraang memorya ng kaniyang ama.

COWBOYS : LUCAS MALVAR (Complete)Where stories live. Discover now