Chapter 25

1K 68 36
                                    


"Wow, sosyal naman ng lugar na iinuman natin, nagsawa ka na ba kay tandang Simon?" ang tanong ni Carlos sa kaniya.

"Maiba lang, selebrasyon nga at opisyal nang partnership namin ni Haiden," ang kaniyang sagot nang makaupo na sila at hinihintay na nila ang beer at pulutan na inorder.

"Sa bahay mo na lang sana tayo uminom, mas masarap pa magluto si nanay Lucing, pasosyal lang naman dito," ang sagot ni Canaan.

"Palibhasa lakas mong mumulutan, mabuti na rin na dito tayo at nang di na natin maabala si nanay Lucing kahit pa gustong-gusto niyang naroon tayo sa bahay nila Lucas," ang sagot naman ni Rauke. Isang tikom na ngiti ang isinagot niya sa kaibigan gusto man niyang maging masaya sa selebrasyon na iyun ay hindi niya tuluyan na magawa dahil sa bigat na kaniyang nararamdaman.

"Hindi ba natin makakasama ang business partner mo sa selebrasyon? Yung abogado rin?" ang tanong ni Rauke sa kaniya habang nakalapat ang likod nito sa sandalan ng malambot na hugis letter C na sofa at habang naka-dekuwatro rin ang mga binti nito.

Naisip niya ang sinabi sa kaniya ni Presley noong huling nag-usap sila nito sa telepono na nauwi sa pagtatalo. Alam niyang sa isang ilang araw na ilalagi ni Haiden sa Pilar ay si Presley ang magiging kasama nito.

"Uhm hindi may ibang lakad yata siya," ang kaniyang walang buhay na sagot.

"Eh si Presley? Hindi mo man lang ba inimbitahan na mag-selebreyt? Kahit man lang nagpakain ka sa bahay ninyo, party parang ganun?" ang tanong naman ni Canaan sa kaniya.

"Basta talaga pagkain," ang sabat ni Carlos, "pero ano nga ba ang sagot sa tanong niya?" ang dugtong na tanong ni Carlos sa kaniya.

"Hindi eh, mukhang may iba ring balak din siya," ang wala ring gana niyang sagot at isinandal na rin niya ang kaniyang likod sa malambot na sandalan ng sofa.

"Ganun? Eh di tayo-tayo lang?" ang tanong ni Canaan.

"Puwede ko bang tawagan sina Claudine? Magkikita sana kami kaso mas gusto ko na dito na magpunta, sabihin ko na bukas na lang," ang sabi ni Carlos sa kaniya.

"Sige, papuntahin mo na lang din dito para matuloy ang lakad niyo, baka hindi ka pa maka-kasta niyan," ang sagot niya kay Carlos an malapad na ngumiti sa kaniya.

Dumating na ang kanilang inorder na inumin at pulutan at kumuha na sila ng kani-kaniyang beer at napuno na naman ng kuwentuhan ang kanilang mesa habang nasa kanilang background ang musikang hatid ng bandang tumutugtog. Hindi naman ganun kalakas ang tugtugan, sapat lang para mabigyan ng musika ang nakikinig at umiinom na magkarinigan din kapag nag-uusap. Kaya naman naman napakikinggan niya ang usapan ng mga kaibigan.

"May problema ba?" ang narinig niyang tanong at nanatili lang na nakatitig siya sa hawak niyang lata ng beer.

"Huy Lucas, ikaw ang tinatanong ko," ang mariin na sabi ni Rauke sa kaniya. At mula sa hawak na lata ay dahan-dahan na umangat ang kaniyang mga mata para tingnan ang kaibigan at sinalubong niya ang nagtatanong na mga mata nito.

Kumunot ang kaniyang noo saka siya umiling, "wala naman," ang kaniyang sagot dahil sa iyun naman ang totoo. Wala naman talaga siyang problema, kung tutuusin ay malaking biyaya na nga ang dumating sa kaniya para sa kaniyang rancho kaya naman wala siyang karapatan pa na sabihin na mayroon siyang problema. May isipin lang dahil sa nasaktan siya.

"Sus, parang hindi ka namin kilala, hindi kami sanay na tahimik ka Lucas, may kota ka eh, one hundred thousand words ka kada araw, hindi ka pa kumukota, kaya, alam namin na may problema ka," ang giit ni Rauke sa kaniya.

"Problema agad hindi ba puwedeng napagod lang ako sa pagdaldal?" ang kaniyang tanong at pilit na ngiti ang kaniyang isinagot sa kaibigan.

"Hindi, hindi ka kailanman mapapagod sa pagdaldal, at saka...halatang pilit ngiti mo Lucas, kami pa ba? Pagsisinungalingan mo?" ang giit ni Carlos sa kaniya.

COWBOYS : LUCAS MALVAR (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon