Part 68 ... "Nag-aapoy na Galit"

Depuis le début
                                    

Lumabas sa tunnel ang mag-ama. Nauuna sa kanila ang malaking naglalagablab na asul na apoy. Nahahati ito at pumapasok ang nahati sa mga sanga-sangang tunnels. Hindi alam ng mga bampira kung ano ang malakas na hanging pumipitong paparating. Huli na upang sila ay tumakbo. Abo na sila pagdaan ng asul na apoy.

Huminto sa paglakad si Arielle at nawala ang asul na apoy. Tumingin siya sa isang sanga ng tunnel.

"Daddy may bihag silang mga tao sa tunnel na ito." sabi ng bata.

"Sila marahil ang mga dinukot na palaboy." sagot ng ama.

Pumasok sila sa tunnel. Sa sahig ay puno ng mga abo. Ito ang mga labi ng mga bampirang nilamon ng asul na apoy. Dalawang sliding doors na bakal ang kusang bumukas. Nasa loob ng dalawang kulungan ang labinglimang mga dalagita na nag-iiyakan pa rin. Natakot pa sila kina Arielle ng makita nila ang mag-ama pero nakilala ng lima si Nick. Lumapit sila at isa-isang yumakap kay Nick at nagpasalamat.

"Ligtas na kayo. sumunod kayo sa amin. Basta huwag kayong matatakot kung ano man ang makikita ninyo. Naririto kami upang ipagtanggol kayo." Sabi ni Nick.

Nauna silang mag-ama. Kahit takot ay sumunod ang mga dalagita sa kanila. Malinis na ang mga tunnels na kanilang dinadaanan. Nilinis na ng asul na apoy. Nakarating sila sa bukana ng tunnel papasok sa malaking lumang simbahan.

Nagulat ang may limangpung bampira sa loob ng bulwagan ng simbahan nang makita ang mag-ama palabas ng tunnel. Sumingasing ang mga bampira at handa ng sagupain ang mag-ama. Biglang umurong ang isang parte ng dingding ng lumang simbahan. Lumabas sina Yuri, Mira, Ross, Vladimir Renaldo at Beto. Hawak nila ang kanilang mga matalas. Parang ipo-ipong dinaluhong nila ang mga kalabang bampira. Tumitilapon ang mga ulo, nahahati ang mga katawan at sumasabog ang mga dibdib ng mga bampira. Lumiwanag ang loob ng lumang simbahan dahil sa mga nagliliyab na katawan ng mga kalabang bampira. Wala pang tatlong minuto ay ubos na ang mga kalaban nila.

Mabilis na nilapitan ni Mira ang asawa at niyakap ng mahigpit. Hinalikan niya sa mga labi.

"Mahal ko! Labis mo akong pinag-alala. Hu hu hu!"sabi niya habang nakadikit ang kanyang pisngi sa dibdib ng asawa.

"Shhhhhh! Tahan na! Narito na ako!" sagot ni Nick.q

"Anong nangyari sayo Nick at wala kang damit? Ha ha ha!" tawa ni Yuri at lahat ay napatawa na. Nakasapatos at boxer short lang kasi si Nick.

"E balak yata nila akong suotan ng bagong damit kaya nila ako hinubaran!" Tugon niya na lalo silang tumawa.

Niyakap ni Nick si Arielle. Hinalikan niya sa pisngi at saka kinarga.

"Maraming salamat sa napakaganda kong anak. Iniligtas niya ang kanyang amang sutil. Ha ha ha!" Hinalikan niyang muli ang bata.

"Daddy hindi pa tayo tapos mamasyal ni mommy." sabi ni Arielle.

"Bukas na mahal ko. Uuwi muna tayo at magbibihis pa si daddy."

Lumakad si Yuri at nilibot ang loob ng lumang simbahan. Matagal na rin siyang hindi pumapasok dito mula ng manirahan sila sa Pilipinas.

"Papa saan kayo dumaan?" Tanong ni Nick.

"Ako lang ang may alam ng mga lihim na lagusan dito. Hindi ko sinabi sa kanila. Isang paghahanda ko sakaling dumating ang pagkakataong kailangan ko silang gamitin katulad ng nangyari ngayon."sagot ni Yuri.

"Beto, Renaldo isama na ninyo ang mga dalagita at ihatid sila sa kanilang mga magulang. "Atas ni Yuri sa dalawa. Nagpasalamat ang mga dalagita sa kanila bago sila sumama kina Beto at Renaldo. Sumama na rin sina Ross at Vladimir para masigurong ligtas ang mga dalagitang maka-uwi sa kanilang mga magulang. Pumasok sila sa lihim na lagusan.

"Kailangan matapos na ang mga kabuktutan ni Estefano. Sayang at wala siya rito ngayon. Nasaan na kaya siya?" Sabi ni Yuri.

"Lolo gusto mo hanapin ko siya? Alam ko na ho ang hitsura niya. Nakikita ko siya ngayon dito sa loob. Marami nga siyang pinatay lolo." sabi ng bata.

"Ha? Nakikita mo apo?"

Tumango si Arielle. Lumapit si Yuri sa kanya at si Mira. Hinawakan nila ang kamay ng bata na karga pa rin ni Nick. Nakikita na nila ang nakikita ng bata sa kanyang isipan. Mabilis na dumaraan ang mga nakaraan sa loob pa ng simbahan ni Estefano. Nakita nila ang ginawa ni Estefano simula pa nang una siyang pumasok sa loob ng lumang simbahan. Ang mga pagpatay niya sa mga birheng dalagita, ang mga kausap niya sa mga pulong ay nakita nilang lahat. Namanghang lalo si Yuri sa kakayanan ng kanyang apo.

"Lolo wala siya rito sa Milan."sabi ni Arielle. Hindi niya naramdaman ang mga alaga ni Estefano na nakakulong sa apat na kulungan sa isa sa mga tunnel dahil blanko ang kanilang mga isipan.

----------------

Sa isang lumang kastilyo sa bayan ng Transilvania sa bansang Romania ay papasok ang isang itim na sasakyan. Bumaba si Estefano. Sinalubong siya ng isang katiwala na isa ring bampira.

"Tumuloy na kayo sa bulwagan. Kanina pa naghihintay ang inyong ama." Sabi ng katiwala.
Pumasok si Estefano. Naka-upo sa isang mataas na sandalang upuan ang isang matandang hapis na ang mukha, payatin at nangingitim ang kulay ng balat na nangungulubot na sa katandaan. Siya si Borgel ang dating ministro ni Conde Drakul. Isa siya sa mga pinakamalakas at makapangyarihang bampirang nilikha ni Conde Drakul.

"Ahhhh! Ang suwail kong anak. Bakit ka pa nagbalik?" Sabi ng matandang bampira. Parang nanggagaling sa ilalim ng balon ang garalgal niyang boses.

"Tama ka ama ko. Hindi ako mabubuhay sa dugo lang ng mga hayop. Pinalakas ako ng mga dugo ng mga tao lalo na ng mga birhen."

"Malakas ka na pala. Mabuti at nagising ka na sayong katangahan. Naniwala ka kay Yuri. Tinalikuran mo ako na iyong sariling ama at lumikha sayo!"

"Matagal na akong nagsisi ama. Noon ko pa gustong pumarito wala lang akong panahon. Magkalaban na kami ngayon ni Yuri. Tinalo niya si Vitorio." Lumapit si Estefano at umupo sa tabing upuan ni Borgel.

"Natalo pala ang kapareho mong tanga. Bakit ka pumarito ngayon?"

"Dagdagan mo ang aking lakas at kapangyarihan ama para matalo ko si Yuri!"

"Ha ha ha! Ang suwail kong anak ngayon ay gustong tulungan ko siya. Talagang hindi ka mananalo kay Yuri dahil hindi si Yuri ang matindi mong makakalaban."

"Anong ibig mong sabihin ama?"

"Isang bata ang isinilang ng isang bampira at ang kanyang ama ay isa ring bampira. Mataas ang antas ng dugo ng bata bilang isang bampira. Purung-puro ang kanyang dugo. Kahit malayo siya ay naramdaman ko ang kanyang lakas. Kahit ako ay hindi mananalo sa kanya." Sumandal si Borgel sa kanyang upuan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata.

"Anong gagawin ko ama upang matalo ko siya?" Dumilat si Borgel at tumingin kay Estefeno.

"Kilala ka na niya. Hinahanap ka niya sa Milan. Wala ka nang pagtataguan ng hindi ka niya matatagpuan kahit magpakalayo-layo ka pa. Iisa lang ang paraan para talunin mo siya kung matatalo mo nga."

"Anong paraan ama?"

"Inumin mo ang dugo ni Conde Drakul ang bampirang pinagmulan nating lahat." Sabi ng matanda.

"Saan ako kukuha ng dugo ng konde?"

"Matanda na ako para lumaban pa. Hindi ko na kaya. Masaya na ako na hanggang ngayon ay buhay pa ako. Kaya sayo ko na lang ibibigay ang tanging kayamanan ko. Goran kunin mo ang kopita sa aking taguan sa aking silid at dalhin mo rito." Sabi niya at sumunod ang kanyang katiwala. Makalipas ang ilang minuto ay bumalik si Goran dala ang gintong kopita na may takip. Ibinigay niya ito kay Borgel.

Binuksan ni Borgel ang takip ng kopita. Sariwang dugo ang laman kahit ilang daang taon na ang lumipas mula ng ibigay sa kanya ni Conde Drakul ito.

"Estefano inumin mo ito. Dugo ito ng lumikha sa akin."sabi ni Borgel at ibinigay ang kopita kay Estafano. Tinignan muna ni Estefano ang dugo bago niya ininom lahat.

"Ahhhhhhh! Tama ka ama. Kakaibang lakas ang aking nararamdaman ngayon. Ha ha ha!" Tinignan ni Estefano ang kanyang mga kamay. Kuminis at bumata ang kanyang balat. Nagmukha na siyang isang beinte años na lalake. Nararamdaman na niya ang kakaibang lakas at kapangyarihan. Ang lakas ni Conde Drakul.


**********

Red Moon (Complete)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant