Part 41 . . . " Mahal Kita Maging Halimaw Ka Man"

150 14 1
                                    

"Mahal kita maging halimaw ka man"

--------

Nakatayo si Kiel sa kanto nang kalsadang kinatatayuan ng gusali ng RME. Naglakad siya patungo sa likuran ng gusali. Naghahanap siya ng madadaanang papasok. Sarado ang likuran. May security naman sa harapan at sa loob ng gusali. Tinignan niya ang wall ng gusali. May makakapitan siya. Dalawang tubong malalaki na nasa gilid ng gusali hanggang sa pinaka itaas na floor. May dala siyang maliit na bag. Itinago niya ito sa isang sulok. Tumingala siya sa langit. Maliit ang buwan pero pwede na para sa kanya.

"Ngayong gabi na ang katapusan mo Nick!" bulöng niya sa sarili.

Nagtago siya sa likod ng isang malaking lagayan ng basura. Pumikit siya. Mayamaya ay napapangiwi ang mukha niya. Nagbabago ang kanyang anyo. Tinutubuan siya ng mga balahibo. Umuusli ang bibig niya at humahaba ang mga tenga. Nagbago ang hugis ng ilong. Naglala gutukan ang kanyang mga buto sa katawan. Lumalaki ang mga ito. Humahaba ang kanyang mga kamay, paa at mga daliri. Umusli ang kaniyang dibdib. Napunit ang suot niyang damit at pantalon. Nawarak ang kaniyang mga sapatos. Sa taas niyang 5' 7" ng hindi pa siya nagbabago ay nabago na. Malahigante na ang taas niyang 6'5". Nagkorteng bibig ng aso ang bibig niya. Umusli ang mga matutulis na ngipin at pangil. Sumigaw siya sa sakit ng pagbabagong anyo. Ang Kiel na kilala ay isa ng ganap na taong lobo.

Tumingala siya. Hinawakan ang dalawang tubo at nagsimula na siyang umakyat papunta sa pent house.

Nasa sala si Nick ng penthouse. Nag-iimpake na siya ng ilang kagamitang dadalhin sa mansion. Suot niya ang isang uri ng tela na gawa sa makapal na sinulid na yari sa pilak. Nakadoble sa loob ay manipis na telang bakal din na gawa sa sinulid na titanium. Kahit tamaan siya ng bala ay hindi tatagos dito. Mahaba ang manggas, pati ang sa kwelyo, safe ang kanyang leeg sa ano mang kakagat dito. May kabigatan ang damit na bakal. Pero kaya niyang kumilos o gumalaw ng parang walang suot. Kinuha niya ang isang samurai na yari sa pilak at titanium. Pasadya niya ito ng nasa Japan sila noong ika 17 siglo. Isang tanyag na samurai warrior ang gumawa. Subok na niya ang tibay nito. Ilang ulo na rin ang pinugot, hindi na niya mabilang sa dami.

Dadalhin niya ang mga damit na bakal para sa pamilya niya. Maigi na ang may proteksiyon sila sa katawan. Hindi dapat ipag walang bahala ang lakas ng mga kalaban. Papasok sana siya sa silid ng maramdam niya ang tila may paparating na pwersa. Naririnig niya ang isang magulong kaisipan, papalakas. Hindi tao ang dumarating. Naka-amoy siya ng kakaiba. Dagli niyang pinatay ang ilaw. Tumingin siya sa labas ng penthouse. Maliwanag sa labas. Kitang-kita niya ang anyong lumalaki sa gilid ng gusali. Lumapag ito sa sahig na malapit sa pool. TAONG LOBO!

Tumayo siya sa gitna ng sala. Hihintayin niya ang pagpasok ng kalaban. Sumisingasing si Kiel. Nakatingala ito sa langit.

"Awoooooo"

Tumingin si Kiel sa paligid. Pinagmasadan ang dingding ng penthouse na gawa sa salamin. Bumuwelo siya at tumakbo. Bumangga sa salamin, nabasag ito, nawarak pati na ang aluminong poste nito. Nakapasok ang halimaw sa penthouse!

Sa aparment, mag aala-una na ng madaling araw, gising pa rin si Mira. Hindi siya makatulog. Nababagabag siya. Nasa isip niya ang binata. Bumilis ang tibok ng kanyang puso na parang bigla siyang kinabahan. Dinampot niya ang cellphone na nakapatong sa mesitang katabi ng kama niya. Pinindot niya ang # ni Nick. Nag ring ito. Matagal! Walang sumasagot kundi ang operator.

" Sorry! The subscriber you are calling is busy for the moment. Please try to call later. Thank You!"

Ilang ulit niyang tinatawagan, wala pa ring sumasagot. Kaya nag text na lang siya.

" Mahal ko. Kumusta ka na? Nasaan ka ho? Bakit hindi mo ho sinasagot ang mga tawag ko. Nag alala akong bigla! Please call me! I love you so much! " at sinend na niya.

Red Moon (Complete)Where stories live. Discover now