Part 26 . . Jansen ... Ang Halimaw

158 10 1
                                    


"Jansen...Ang Halimaw"

------

Vladivostok. Sa hangganan ng syudad ay may isang lumang abandonadong hospital. Ilang bahay lamang ang nakatirik sa tabi ng hospital. Dahil sa kalayuan sa syudad ay lumikas na ang mga doktor at lumipat na sa syudad kasama ang mga pasyente. Iniwan ang hospital na walang katao-tao. May isang bantay lamang ito. Hindi nagtagal ay nawala na rin ang bantay. Walang makapag sabi kung ano na ang nangyari sa kanya. Maging ang mga bahay na kalapit ng hospital ay nawalan ng nakatira. Madalang ang mga taong nakapupunta sa lugar na ito.

Sa loob ng hospital ay puno ng mga ataol. Bawat silid ay may mga ataol. Sarado lahat ang mga bintana. Hindi man lang makapasok ang sinag ng araw. Pagsapit ng dilim ay isa-isang bumubukas ang mga ataol. Tumatayo ang mga nakahiga sa loob. Lumalabas sila ng hospital. Nawawala sila sa kadiliman ng gabi. Bago mag madaling araw ay isa-isa silang nagbabalik sa kanilang higaan. Buhay ang isa sa mga salot sa Vladivostok!

***

Lumabas si Nick sa monasteryo. Pumunta siya sa hotel na tinutuluyan ng mga magulang niya. Nagtagpo sila sa lobby ng hotel.

" Kumusta ka na Nick? "

" Mabuti naman po Papa. Nagkita na kayo ni Jansen?"

" Oo Nick. Nagpunta siya rito. Pinabalik ko na siya sa taberna. Alam mo na ba ang kumakalat na balita rito? "

" Opo Papa. Naririnig ko ang mga tao na pinag-uusapan ang pagpaslang sa mga dalagita rito."

" Kailangan nating magmasid at makiramdam Nick. Kailangang mapuksa ang halimaw na gumagala rito. "

" Sige po Papa. Pupuntahan ko na muna si Jansen baka may alam siya. "

" Sige Nick. " Lumabas si Nick para magpunta sa taberna. Nakasalubong niya ang dalawang lalaking nagbubulungan.

" Kawawa naman si Mona. Kaisa-isang anak na dalagita ay napaslang pa. " sabi ng isa.

"Oo nga. Ang ipinagtataka ko ay wala ng kadugo-dugo ang bangkay. Pinugutan na, winakwak pa ang dibdib. Kinuha pa ang puso. " sabi ng isa.

" Sabi ng iba baka bampira ang halimaw. Kasi naubos ang dugo ng mga biktima."

" Kaya pala iyak ng iyak si Mona. Pumunta siya sa morge kanina. "

" Tsk! Tsk! Kaya dapat na tayong magbantay sa gabi!"

Nang makalampas na ang dalawa ay minabuti ni Nick na sa morge muna siya pumunta. Ipinagtanong niya kung nasaan ang morge. Nang malaman na niya ay dumiretso na siya roon.

Sa morge ay naabutan niyang inilalagay na sa kahon ang bangkay ng dalagita. Umiiyak ang ina na nasa tabi at kinakalma ng asawa. Lumapit ang binata sa bangkay. Pinagmasdan niya. Wakwak ang dibdib. Tinignan niya ang ulo, ang naputol na leeg.

" Hmmm! Pinilipit ito at hinila. Malakas ang halimaw. Walang dugo na nga. Teka. Butas ang ugat na ito. Kinagat siya! Bampira ang may kagagawan nito. Bakit kailangan pang kunin ang puso? Puntahan ko muna si Jansen. Baka may alam na siya" sa isip ni Nick.

Lumabas siya ng morge at nagpunta ng taberna. Wala si Jansen sa taberna. Umakyat siya sa silid nila. Wala rin ang kapatid niya. May naamoy siyang kakaiba. Parang tuyong dugo. Pero iba-ibang amoy. Tumingin siya sa paligid ng silid. Matalas ang kanyang mga mata. May napuna siya sa bintana. Binuksan niya. Tumingin siya sa labas. May mga gasgas ang dingding sa labas. May ilang patak na dugo na natuyo na sa hamba ng bintana. Inamoy niya. Iba-iba ang may ari ng ilang patak na dugo. At naamoy niya ang dalawang patak na parang bago pa. Amoy ng bangkay ng dalagitang kanyang tinignan sa morge.

Red Moon (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon