Part 25 . . . Pangako

163 10 1
                                    


"Pangako"

---------

Vladivostok, Rusya. Isang maunlad na siyudad. Tagpuan ng mga mangangalakal sa timog Europa at Asia. Ibat-ibang lahi ang nagkikita kita rito para magtinda ng mga kalakal at mamili ng kalakal ng iba. May isang malaking cathedral ng mga Kristiyano at isang obispo ang namumuno. Malapit sa hangganan ay isang malaking kastilyo na nakatirik sa tuktok ng isang matarik na bundok. Iisa lang ang daan paakyat at sa palibot ng kastilyo ay malalim na bangin. Mataas ang pader na bato. May malaking pintuan sa harap na gawa sa makakapal na kahoy.

Malawak ang lupain sa harap ng kastilyo. May mga maliliit na bahay na tirahan ng mga tagapag silbi sa may-ari na isang Duke. May mga alaga silang mga hayop, baka, kabayo, kambing, baboy, tupa at mga manok. May malaking balon sa harapan na kuhanan nila ng tubig. Kayang hindi lumabas ang mga tao sa loob kahit ilang buwan pa. Si Duke Constan at ang kaniyang pamilya ang may ari. Tinitingala sila ng lipunan. May balitang kapatid siya sa labas ng Czar ng Rusya. Kapag nag-utos kailangang ay  sundin kahit na ang alkalde ng siyudad ay walang magagawa.

Nang mga nakaraang mga linggo ay bihira na siyang lumalabas pati na ang kanyang pamilya. Mga piling tagapag silbi lamang ang nakapapasok sa loob ng kastilyo. Mula ng dumating ang kanyang mga dayuhang bisita ay  naging malungkutin na ang Duke. Bihira na rin siyang makita mismong lumalabas sa kastilyo kahit sa harapan man lang. Sa isang malaking silid ng kastilyo ay kausap ng Duke ang kanyang bisita.

" Kailan mo pakakawalan ang aking asawa at mga anak Gustav.? Maawa ka sa amin." sabi ng Duke.

" Kapag natapos ko na ang aking misyon Duke. Basta't sundin mo lang ang gusto ko at pinag-uutos ay walang masamang mangyayari sa kanila. " sagot ni Gustav ang pinakamalupit na bampira.

" Papaano ang mga bata. Kawawa naman sila. " sabi ng Duke.

" Sabihin mo sa lahat ng mga katulong na  ligtas ang mga anak nila. Huwag silang magkakamaling magsumbong sa labas at tiyak ay uubusin ko ang mga bata at sila na rin."

Nanlumo ang Duke. Wala siyang magagawa. Ilang gabi na rin na may pinapasok na bangkay o mga tao ang mga alagad ni Gustav na itinatago nila sa ilalim ng kastilyo.

" Kapag sapat na ang bilang ng mga alagad ko ay  aalis na kami rito Duke at makalalaya na ang lahat."

Isang alagad ni Gustav ang pumasok sa silid.

" Gustav! Nagapi ni Duke Croft ang mga taong lobo sa hangganan ng Bolstok. Bakit hindi natin sila tinulungan? Sana nakaganti ka na kay Duke Croft ang kalaban mong mortal." sabi ng alagad.

" Carl, kahit kailan ay bobo ka at tanga. Alam mong kalaban din natin ang mga taong lobo. Napaganda ang pagkakatalo nila. Ngayon ay si Croft na lang ang ating problema." sagot ni Gustav.

" May nagroronda na pala sa gabi sa syudad. Mahihirapan tayong manguha ng mga magiging alagad mo."

" Magpalipas muna kayo ng ilang araw. Saka kayo kumilos ulit. " atas ni Gustav.

" May isa pang masamang balita Gustav."

" Ano yun? "

" Tila may halimaw na gumagala sa bayan ng Bolstok. 13 dalagita na ang napapaslang. Hindi taong lobo at marahil ay katulad natin. Pugot ang ulo ng mga biktima. Walang kadugo dugo, wakwak ang ang mga dibdib at nawawala ang mga puso! " sabi ni Carl.

" Hmmm. Masama nga yan para sa atin. Duke! Pumili ka ng dalawa sa mga katulong mo. Papuntahin sila sa Bolstok. Manatili sila doon. Makibalita at magmatyag kung ano na ang mga nangyayari roon. Sabihan ako kapag may kahinahinalang pagkilos ng mga mamamayan. Sige na labas na kayong lahat. Gusto ko ng magpahinga!" atas ni Gustav.

Red Moon (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon