Part 64 . . ."Lababan ng mga Nilalang ng Kadiliman"

Start from the beginning
                                    

Matagal ng pinaghandaan nina Yuri ang depensa ng isla. Alam niyang darating ang araw ay mapapalaban sila sa isla. Kahit kaya nilang lumaban ng sabayan ay gusto niyang mabawasan man lang ang kanilang mga kalaban lalo na kung may kasamang mga tao ang mga bampira. Pero hindi niya inaasahan na may kakamping mga taong lobong sasalakay si Jansen. Nahuli ang dating ang intelligence report sa kanila tungkol sa isa pang yate. Mabuti na lang ay nakita nila sa long range radars ang pagdating ng dalawang yate na singkwenta kilometros pa ang layo sa isla. Hindi alam ni Jansen na ang isla ay isang malakas na moog.

"Tita ano ho ang  gagawin nina lolo,  daddy at mommy sa mga sumasalakay sa atin? Ang dami nila tita." inosenteng tanong  ni Arielle kay Michelle habang kalaro niya ang dalawang batang babae.

"Nakikita mo ang mga kalaban Arielle?" tanong ni Michelle.

"Opo. Nakapalibot sila sa isla."

"Lalabanan nila siyempre. Huwag kang mag-alala. Kaya sila ng lolo mo. Basta't dito lang tayong lahat." sagot niya sa batang bampira.

Sa ilalim ng dagat ay nagsimula ng sumabog ang mga mina.

"Kaboom! Kaboom!"

Umaangat at tumatalsik ang tubig sa ibabaw ng dagat. Malalakas na shock waves ang tumama sa mga divers sa ilalim ng dagat. Para silang mga isdang hinagisan ng mga dinamita. Nagsimulang lumutang ang iba. Lumalabas ang dugo sa kanilang mga tenga, ilong at bibig. Napilitan ng puma-ibabaw sa tubig  ang  iba at lumangoy na patungo sa tabing dagat. Nagsimula na ang labanan.

Umatake na ang mga asong lobo sa pangunguna ni Mikhail. Napilitan silang umatake dahil sa mga pagsabog sa ilalim ng dagat.

"BROOM! BROOM!"

Sumabog ang mga landmines na naapakan ng mga asong lobo. May nahahati ang katawan, napuputulan ng mga paa, sumasabog na mga katawan sa mga tumatakbong asong lobo. Hindi nila inaasahan ang mga mina.

Biglang umilaw ang mga UV (Ultra Violet) rays na nakakabit sa itaas ng mga punong niyog at nakatago sa mga batuhan. Ang isang UV ray ay katumbas ng sikat ng araw sa tanghaling tapat. Nasinagan ang makapal na mist o puting usok na gumagapang sa lupa. Nagbago ang anyo ng mga bampirang nasisinagan. Biglang nasusunog ang buo nilang katawan at nagiging abo. Napilitang magpalit ng anyo ang lahat ng mga bampirang kakampi ni Jansen at Vitorio para maka-iwas sa mga UV rays.

Sumugod na rin ang mga banyagang mersenaryo. Nagsimula na silang magpaputok. Tinitira nila ang mga cottages. Gamit ang kanilang mga dalang high powered na armas at granade launchers. Ang iba ay patungo sa pantalan upang pasukin ang malaking lantsang nakadaong.

"Boom! Boom! Boom!"

"Prattttt! Praaaaatttt! Praaaaattttttt!"

Sinalubong ng mga mersenaryo ang mga bala ng mga 30 cal. gatling guns na automatic na pumuputok kapag nakakadetect  ng gumagalaw ang kanilang motion sensors. Sa dami  ng volume na mga balang lumalabas sa limang cylinders na umiikot  ng mga gatling guns pati mga punong niyog na pinagtataguan ng mga mersenaryo ay tinatamaan.  Nadudurog ang mga katawan ng mga punong niyog at natutumba. Sapol ang mga kalabang nakatago sa likuran ng mga puno. Kahit may suot na armor vest ang mga mersenaryo ay wasak ang kanilang mga katawan sa tama ng mga armor penetrating bullets ng mga gatling guns. Nangalahati ang bilang ng mahigit sa tatlong  daang mga banyagang mersenaryo. Nataranta si Rene ang Pranses na pinuno nila. Hindi niya inasahan na may malakas na mga armas sina Yuri. Nakikita nina Yuri ang mga nangyayari sa labas.

"Tayo na!" Sabi ni Yuri. Pinindot ng operator ang berdeng pindutan. Umilaw  ng berde sa silid ng mga bampirang kapanalig nina Yuri.
Lumabas sila at naghintay sa elevator na magmumula sa ibabang level ng bunker.
Bumukas ang elevator. Nasa loob na sina Yuri at suot ang kanilang pasadyang  titanium black suits.

"Kalahati sa inyo ay sumama kina Beto, Renaldo, Ross at Vladimir. Sa timog kayo sa may mga cottages at pantalan. Kami nina Mira at Nick at mga natitira sa inyo  ay sa norte at palibot nitong burol para harapin sina Jansen. " sabi ni Don Yuri. Sumakay na sa elevator ang mga kapanalig nila.

Paglabas nilang lahat sa nakatagong guwang ay umilaw ang mga loob ng mga kahong pinagtataguan nina Kiel. Lumabas silang lahat mula sa mga nakabaong mga kahon. Nag-anyong asong lobo silang lahat at sinalubong ang paparating na mga asong lobong alagad ni Mikhail. Iba ang kulay ng mga balahibo ng mga Russong asong lobo. Light grey ang kulay  nila  at itim ang kulay ng kina Kiel. Nagsalpukan ang dalawang lahi ng mga asong lobo.

Bihasa sa labanan sina Kiel dahil matanda sila at maraming karanasan kaysa sa mga Russo na kailan lang naging mga taong lobo. Pero malalakas sila at malaki dahil malalaking tao  ang mga Russo.

Kahit iisa ang mata ni Kiel ay hindi siya nagpapatalo. May kalakihan din naman siya. Bawat makagat niya sa leeg ng mga kalaban ay wakwak ang leeg. Patay na kung bitawan niya. Ganoon rin ang kanyang mga alagad. Ginamit ang bilis nila at talino sa laban. Pero marami ang mga Russo. Mahigit pa silang isang daan. Tagilid sina Kiel sa labanan. Marami na ang mga alagad niya ang sugatan at patay na ang iba.

"Prattttt! Praaatttt! Praatttt!"

Timbuwang ang ilang mga Russong asong lobo. Dumating na sina Yuri. Gamit ang armas nila na may liquid silver nitrate ang mga bala. Kahit madaplisan lang ang mga Russong asong lobo ay nagkikisay at namamatay sila.

Lumabas ang mga  banyagang alagad na bampira ni Jansen. Sinugod nila ang grupo nina Yuri. Dinadaan nila sa dami kasama ang mga Russo. Pero hindi umatras ang grupo nina Yuri. Binuksan nila ang UV rays ng kanilang mga armas. Bawat masinagan na kalabang bampira ay nasusunog at nagiging abo kaagad. Kapag asong lobo ang kaharap ay pinapuputukan naman nila.

Sa timog ay sinalubong nina Ross ang mga mersenaryong nakalampas sa mga cottages. Bampira laban sa mga tao. May suot na night vision goggles at armor vests ang mga mersenaryo kaya nakipagsabayan sila kina Ross. Dahil sa titanium suits na suot nina Ross ay hindi nila iniinda ang mga tama sa kanila. Lalo na ordinaryong bala lang ang gamit ng mga mersenaryo.

Lumabas na rin ang mga piling alagad na bampira ni Vitorio. Mabibilis at may kakayanan ang iba. Naglabas na ng mga matatalas ang grupo nina Ross. Sinalubong ang mga kalabang bampira at mersenaryo. Lakas laban sa lakas. Bilis laban sa bilis ang naging labanan ng dalawang grupong mga bampira. Nanaig ang grupo nina Ross. Nangalahati na ang kanilang mga kalaban.

Parang ipo-ipo sina Beto, Renaldo, Ross at Vladimir. Ginagamit nila ang kanilang mga natutunan sa mga ensayo. Bawat madaanan nila ay tigpas ang mga ulo o kaya ay putol ang mga katawan. Pero sadyang marami ang mga kalaban nina Ross. May mga sugat na ang iba sa kanilang mga kasamahan. Lumabas pa si Vitorio. Gamit ang lakas ng kanyang isipan ay tumitilapon ang bawat makaharap na kapanalig nina Ross.

Madugo rin ang laban nina Yuri, Nick at Mira. May hawak na silang matalas. Parehong ginagamit na nina Yuri at Mira ang kanilang isipan. Kung hindi natitigpas ang ulo ng kanilang kalabang asong lobo man o bampira ay sumasabog naman ang mga ulo at katawan. Kung minsan ay sabay pa ang tatlo o apat ang sumasabog ang mga ulo.

Lumabas na rin si Jansen. Nasa anyong may pakpak siya. Sumisisid siya at dumadagit ng mga asong lobong alagad ni Kiel. Dinadala niya sa itaas at tinutuhog niya ng kanyang buntot ang puso ng kanyang mga nadadagit saka pinugutan niya ng ulo. Tumatagilid ang laban nina Yuri sa dami ng kanilang mga kalaban. Iilan na lang ang mga alagad ni Kiel. Sugatan naman ang karamihan sa mga kapanalig nina Yuri.

Sa silid sa ilalim ng bunker ay tahimik na nakikipaglaro si Arielle sa dalawang batang nagtatawanan. Wala na sa isip ng bata ang kanyang nilalaro. Nakikita niya sa itaas ng bunker ang mga labanan ng dalawang panig sa buong isla. Nakikita niyang tumatagilid ang laban ng kanyang buong pamilya. Tumayo siya at lumapit sa kanyang Tita Michelle.

"Tita lalabas po ako!" sabi niya.

"Bakit? Ang bilin ng mommy mo ay dito ka lang at babantayan ko kayo." sagot ng kanyang tita.

"Pero Tita! Natatalo ho sina Lolo. Kailangan ko ng lumabas." tugon ng bata na nakatingin sa pintuan ng silid.

"Pero Arielle. Magagalit ang mommy mo kung lalabas ka."

"Sige ho Tita. Akong bahalang magpaliwanag  kina daddy at mommy. Sorry po!"

Biglang nawala si Arielle sa kinatatayuan. Nagulat na lang si Michelle at hindi na niya napigilan ang bata.

**************



Red Moon (Complete)Where stories live. Discover now