Part 63 . . . "Kiel"

Start from the beginning
                                    

"Sige! Kung gusto mong talagang masaktan. Tara sa labas." tugon niya sa bata at lumabas sila ng cottage.

Naglabasan na rin ang buong pamilya. Gusto nilang makita kung ano ang magagawa ni Arielle. Galit si Don Yuri ngayong nalaman niya ang lihim ni Kiel. Sumira ang taong lobo sa kasunduan nila noon na walang inosenteng tao ang mamatay na.

Dumating rin ang mga alagad ni Kiel. Nalaman nila ang sagupaan ng dalawa ng tawagin sila ng palihim ni Kiel  na hindi nalingid kay Arielle. Pumunta sila sa dalampasigan. Naghubad ng damit si Kiel. Sineseryoso na niya ang laban. Iniisip niyang buhay na niya ang nakataya. Wala na siyang pakialam kung bata man ang kalaban niya. Ang mahalaga ay manatiling lihim ang kanyang mga kasalanan.

"Sa akala mo ba ay bubuhayin pa kita! Sasabihin ko lang kay Don Yuri na nasobrahan ang pagbira ko sayo at hindi ko sinasadya ay maniniwala sila dahil ako lang ang makatutulong sa kanila  laban kina Jansen. Kaya humanda ka batang mayabang!" sabi ni Kiel.

Nangigigil si Mira ng marinig ang isipan ni Kiel. Gusto na niyang durugin ang taong lobo. Pinigilan siya nina Nick at Don Yuri.

Magkaharap na ang dalawa sa ibabaw ng mga batuhan sa dalampasigan. Para silang sina David at Goliath dahil sa laki ni Kiel kay Arielle.

Nagbago ang kulay ng mga mata ni Kiel. Nagsisimula na ring magbago ang kanyang anyo. Tinanggal niya ang takip ng isa niyang mata. Ukab ito. Lumabas na ang ang tunay niyang anyo. Isa na siyang mabangis na taong lobo. Lalo siyang lumaki at tumangkad.

"GROWWWLLLL "  Itinaas niya ang kanyang dalawang kamay. Nakabuka pa ang kanyang malaking bibig na tumutulo  ang laway. Nanlilisik ang kanyang matang nakatingin kay Arielle.

Nakatayo lang sa ibabaw ng isang malaking bato si Arielle. Hinihipan ng malakas na hangin ang kanyang mahabang buhok na nagbabago na ang kulay. Nagiging kulay pula ito mula sa pagiging ginintuang kulay. Naging berdeng matingkad lahat ang kanyang mga mata katulad ng kanyang ina. Lumabas  sa unang pagkakataon ang dalawa niyang pangil. Sumingasing na siya.

Biglang umigkas si Kiel. Halos labinglimang metros ang taas ng kanyang talon. Nakatingin siya sa ibabang babagsakan niya, si Arielle para kanyang sunggaban. Itinaas ni Arielle ang kanan niyang kamay. Isang malakas na pwersa ang lumabas sa kanyang palad. Sapol si Kiel sa dibdib ng malakas na pwersa. Tumilapon siyang pataas pa. Biglang nawala si Arielle sa kanyang kinatatayuan at lumitaw sa ibaba ni Kiel na nasa ere pa. Nakatingala ang lahat ng mga nanonood sa dalawa.

Muling nagpakawala ng isang pwersa ang bata at sapol ulit sa dibdib ang taong lobo na lalong tumilapon pataas. Nawala si Arielle at lumitaw sa likuran ni Kiel. Nakalutang sa ere ang bata at hinihintay niya ang papalapit na taong lobo na dilat ang matang nakatingin sa kawalan. Hinawakan niya ang batok ni Kiel. Sumisid siyang pababa sa lupa dala ang katawan ng taong lobo. Bago sila bumagsak sa basang buhanginan ay ibinato ni Arielle ang katawan ni Kiel pababa. Bumaon sa basang buhangin ang kalahating katawan ng taong lobo. Nasa ilalim ang ulo hanggang lampas baywang ang nakabaon. Ang mga paa ang nasa ibabaw. Hindi na gumalaw pa si Kiel. Takbuhan ang kanyang mga alagad upang hukayin ang buhangin at bunutin sa pagkakabaon ang kanilang pinuno.

"Ha ha ha! Ang galing mo apo! Ha ha ha! Nakalilipad ka pala! Nawala ang galit ko sa aking nakita!" sigaw ni Don Yuri na pinagmamasdan  ang kanyang magandang apo na nakalutang pa rin sa ere. Lumapag ito sa buhangin malapit sa pinagbaunan ni Kiel. Umiwas sa kanya ang mga alagad ni Kiel at halata sa kanilang mukha na kinatatakutan nila ang bata. Itinuro niya ang katawan ni Kiel at kusa itong nabunot sa pagkakabaon sa basang buhangin. Tulog ang taong lobo. Puro buhangin ang laman ng bibig at ang ukab na mata. Binuhat siya ng kanyang mga alagad.

"Halika rito apo ko!" sabi ng don at lumapit sa kanya si Arielle. Niyakap niya at kinarga.

"Lolo tama ba ang ginawa ko? Hindi ko siya pinatay. Alalay lang ang pwersang pinakawalan ko  para sa kanya. Binuhay ko siya para sayo lolo." sabi ng bata.

"Bakit apo? Gaano ba kalakas ang pwersa mo?"

"Ganito kalakas ang kalahati lolo!" Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay at parang itinulak niya ang hangin ng kanyang palad. Isang malaking puno ng niyog na halos limangpung metros ang layo sa kanila ang biglang sumabog ang katawan. Durog ang lahat ng himaymay ng puno. Naputol ang tinamaan ng pwersa at bumagsak ang puno ng niyog.

"Whoaaaa! Nakita ko na apo." sabi ng don na nagulat. Namangha silang lahat sa ipinakitang kakayanan ni Arielle.

"Tara na at pumasok tayong lahat sa cottage. Gusto kong mag-inuman tayong lahat. Saka ko na iisipin kung anong parusa ang igagawad ko kay Kiel." Masaya niyang sabi. Inakbayan naman ni Nick si Mira.

"Anong gagawin mo mahal kay Kiel kung hindi ka namin pinigilan ni Papa kanina?" bulong niya.

"Wala lang. Aalisin ko lang sana yung natitira pa niyang mata. Hi hi hi!" At kinurot niya si Nick sa baywang.

---------

Nakarating na kay Jansen kung saan naroroon ang buong angkan ni Yuri.  Dagli niyang inutusan ang lahat na sumakay na sa dalawang yate. Sumakay siya sa yate ni Vitorio. Sa loob ng isang espesyal na silid ay tumuloy si Jansen. Naka-upo sa isang mahabang sofa si Vitorio at umiinom ng dugo sa isang kopita ng datnan niya.

"Darating tayo sa isla bukas ng gabi Vitorio. Gusto kong ilaw ang humarap kay Yuri." Sabi niya at umupo siya sa isang sofa. Kumuha siya ng isang kopita at nilagyan niya ng dugo mula sa boteng katabi ng tray.

"Bakit ako lang ang haharap kay Yuri. Tayong dalawa dapat." tugon ni Vitorio.

"Gusto kong isipin niya na hindi mo ako kasama. Maghihintay kami ng mga alagad ko. Sasalakay kami ng hindi niya inaasahan."

"Malakas ang isipan ni Yuri. Malalaman niyang kasama kita."

" Vitorio! Para kang hindi isang bampira kung mag-isip. Sige subukan nating dalawa. Hanapin mo ako gamit ang iyong isipan. Pumikit ka muna." sinunod ni Vitorio ang sinabi ni Jansen. Pumikit siya. Nagbago ang anyo ni Jansen. Naging puting hamog na parang usok siya. Lumabas siya sa silid at ang bilog na bintana ang kanyang dinaanan na nakabukas. Dumilat si Vitorio. Wala na nga si Jansen. Ginamit niya ang kanyang isipan at parang radar itong naghahanap sa loob at labas ng yate. Ang isipan ng mga taong lobo ang kanyang nasasagap. Hindi niya nasasagap ang isipan ni Jansen. Pumasok ang puting usok sa bintana at nagbago ang anyo nito. Limitaw si Jansen.

"Ha ha ha! Tama ka Jansen. Hindi ka niya mararamdaman."

"Ako at ang mga alagad ko ay parang hamog sa gabi na kakalat sa buong isla. Ang mga mersenaryo ko at ang mga taong lobo ay nasa ilalim ng dagat. Maghihintay sila ng signal mo. Sabay kaming lahat na sasalakay sa isla."

"Mahusay ang naisip mong plano. Ang problema ko lang ay kung paano ko mapapaniwala si Yuri na wala akong intensiyon na masama sa pagpunta ko sa isla."

"Iyan ang isipin mo mula ngayon kung ano ang iyong magandang idadahilan sa kanya.  Tuso at matalino si Yuri. Isang pagkakamali mo lang ay patay tayong lahat. Iiwan na kita kaya mag-isip ka na  ngayon pa lang kung ano ang idadahilan mo sa kanya."

Muling naging puting usok si Jansen at lumabas sa bukas na bintanang bilog.

---------

Sa loob ng isang cottage ay nagising na si Kiel. Nakapalibot sa kanya ang jsnyang mga tauhan.

"Kumusta na ang pakiramdam mo Kiel?" Tanong ng isa at ibinigay kay Kiel ang damit nito.

"Medyo hilo lang pero okey na ako. Anong nangyari?"

"Para kang naging bola Kiel. Mabuti at hindi nilakasan ng bata ang pagbira sayo. Hindi ka na sana magigising ngayon."

"Oo nga Kiel. Kita namin paanong sumabog ang katawan ng punong niyog ng tamaan ng kanyang pwersang enerhiya. Kung katawan mo iyun naku Kiel sabog ang katawan mo. Wala kang kabuhay-buhay"

"Ganoon ba? Malakas nga siya." Nag-iisip siya ng malalim. Hindi niya akalain na matatalo siya ni Arielle. At alam ng bata ang kanilang sikreto.


***********

Red Moon (Complete)Where stories live. Discover now