Chapter 75: Better

107 5 0
                                    

Nadine's POV

Pagdating na pagdating ko sa school namin, ramdam ko ang mga mapanghusgang tingin nila sa akin. Kasama rito ang mga bulungan at mapanglait na tawa ng karamihan. Hindi man nila sabihin mismo sa harap ko, ngunit alam kong ako ang pinag-uusapan nila. Akala ko magiging maayos na ang lahat, pero akala ko lang pala iyon. Napapatanong na lang ako sa sarili ko kung bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko.

Ano bang ginawa kong masama para tratuhin nila ako ng ganito?

Bakit tila pinaglalaruan ng tadhana ang buhay ko?

Para akong nasa dagat na hindi ko malagpasan ang kahit anong alon doon. Kahit anong gawin ko, para akong nalulunod sa sarili kong dagat.

Hindi ko magawang ituon ang atensyon ko sa klase namin 'pagkat malalim pa rin ang iniisip ko. Nagpatuloy ang discussions sa ibang subject. 'Di ko naman napansin ang oras at maya-maya ay lunch time na. Wala naman akong ganang kumain at gusto ko munang lumayo, lalo na sa kaniya. Hindi ko rin naman alam kung meron ba talagang dapat sisihin sa mga nangyari. Kung meron man dapat sisihin, iyon ay ang mga sarili namin. Pero kung ako ang tatanungin, parang kasalanan ko nga ang mga nangyayari.

"'Di ka talaga sasama sa 'min, Gaille?" tanong muli ni Kate. Hindi ko alam kung pang-ilang beses niya na iyan tinanong sa akin. Kanina ko pa kasi sinabi sa kanila na hindi muna ako sasabay. Sa mga panahon na ito, gusto ko rin muna mapag-isa. Umiling na lang ako kay Kate at tipid na ngumiti.

Ngumuso naman siya. "Sige, bilhan ka na lang namin! Ano gusto mo?"

"Kahit 'wag na. Busog pa naman ako," pagdadahilan ko.

"Busog? Ano'ng kinain mo?" tanong naman ni Haeri. Mukhang alam niya na nagsisinungaling ako. "Paano ka mabubusog kung wala ka namang kinain?"

"Kaya nga! Hay nako, Gaille! Huwag mo kaming lokohin!" singhal ni Kate.

"Sige, kahit ano na lang."

"Aba't walang kahit ano do'n!" angal pa ni Kate, at mukhang walang balak na tantanan ako.

Narinig ko namang magbuntong hininga si Haeri. "'Yung io-order na lang namin ni Kate ang bilhin para sa 'yo, ayos lang?"

Tumango naman ako. "Salamat."

"Wala 'yon. Andito lang kami," tugon ni Haeri at ngumiti kasabay ng pagtapik niya sa balikat ko.

"Oo nga! Tandaan mo na nandito ang magaganda mong kaibigan. Ipagtatanggol ka namin!" dagdag ni Kate.

Napangiti naman ako sa mga sinabi nila. Salamat talaga sa inyo.

Salamat at nandiyan kayo lagi para sa akin.

"Wait mo lang kami dito, ha! Tara na, Haeri!" bilin ni Kate, "bye, Gaille!"

"Una na kami, Nads!"

Umalis na silang dalawa at naiwan akong mag-isa rito sa classroom. Nilibot ko ang mga mata ko, at nandito rin pala si Liezel. Nakaupo siya at tahimik na kumakain. Siguro ay wala rin siyang gaanong kaibigan. Tatayo sana ako upang kausapin siya kahit saglit pero pinangunahan ako ng kaba at pagkahiya ko.

Napagpasiyahan ko na manatili na lang sa upuan ko at magbasa-basa. Pero, hindi ako mapakali, kaya tumayo ako para magpunta sa restroom. Kaso habang naglalakad ako, nakasalubong ko si Arwyn. Nasa harapan ko siya at nahaharangan niya ang dadaanan ko. Nagtaka pa ako kung paano siya mapupunta sa parte ng university na 'to, pero kaagad kong naalala na magkalapit nga pala ang College of Business Administration or CBA building at College of Engineering or CE building.

The Waves In The OceanWhere stories live. Discover now