Kabanata 12

8.6K 200 85
                                    

12 – Mine

Gaya ng napag-usapan ay nanatili kami buong magdamag sa plantasyon. Ni hindi ako nakatulog o ano man. Sari-sari ang mga napag-usapan namin. Ang iba ay tungkol sa pangarap, pamilya, at pag-aaral. Hindi rin ako nabagot dahil maagan naman palang kausap si Sir Caleb. Marami siyang alam na hindi ko alam. Marami akong natututunan kapag kausap ko siya.

Madaling-araw na akong umuwi. Inihatid niya ako ngunit hanggang daanan lamang sa pagtawid ng bahay namin. Patay na ang lahat ng ilaw kaya naman siguradong tulog na sina nanay. Nang magising sila ay naroon na ako sa bahay at natutulog din. Hindi nila alam na kauuwi ko lang.

Hindi ko naiwasan ang makonsensya dahil hindi ko sinabi ang totoo. Pero, tuwing naiisip ko na pagbabawalan ako nina tatay na puntahan siya ay mas mabuti nang hindi nila malaman. Pipigilan lamang nila akong pumunta sa kaniya.

"Mamaya, ah? Plaza tayo."

Bumuntong-hininga ako. "Hindi nga ako puwede, Maui. Marami akong ginagawa sa bahay."

Mataas ang sikat ng araw lalo na nang sumapit ang alas-dos ng hapon. Ang mga costumer namin ni Maui ay isa-isa nang dumadating para bumili ng mga palamig at merienda. Ang mga tricycle driver ay sa amin din tumitigil para kumain. Lalo tuloy lumalakas ang benta namin.

"Hindi pa ba natatapos iyan? Ilang araw ka nang ganiyan?"

Bumaling ako sa kaniya habang hinihintay maluto ang footlong. Si Maui ay nanatiling nakaupo sa bangko habang sinusubukang ituwid ang buhok niya sa harap ng maliit na salamin.

"Ngayon ko lang ulit makakasama ang magulang ko kaya nilulubos ko na. Hangga't maaari ay sa bahay lang ako."

Nagkibit-balikat siya. "Sabi mo, e."

Tumikhim ako sa pagsisinungaling ko. Hindi ko naman talaga iyon gusto. Ayoko lang na malaman niya at asarin na naman ako. Saka, may kadaldalan si Maui. Paano kung bigla niyang masabi sa mga tiga-Maynila? Malalagot ako.

"Nga pala, narito pa ba si Sir Caleb?" Tanong niya.

Natigilan ako. Huminga ako nang malalim at nagkibit-balikat na lang. Nagpatuloy ako sa pag-aasikaso ng order bago sumagot.

"Hindi ko alam. Umuwi na yata."

Kumunot ang noo niya. "Umuwi na agad? Akala ko ba ay pinuntahan ka?"

Kinakabahan akong umiling. Iniabot ko sa bata ang footlong na mayroong tinapay bago bumaling kay Maui. Nilalagyan na niya ng clip ang buhok niya.

"Bakit naman ako pupuntahan no'n? Kaibigan nila ang mga Aguilar at iyon ang pinunta niya."

Ngumuso siya. "Sayang naman. Gusto ko pa sana siyang ipasyal sa plaza!"

Umangat ang kilay ko. "Close kayo?"

Humagalpak ng tawa si Maui habang inaayos ang buhok niya. Umangat din ang kilay niya sa akin. Nanatili ang kaba ko nang tabihan ko siya.

"Hindi. Bakit, ikaw lang ang puwedeng maging malapit kay sir?"

Umiwas ako ng tingin. "Wala akong sinabi."

Muli siyang tumawa nang malakas. Mahina niyang tinampal ang braso ko saka bumalik ang tigin sa salamin.

"Sus, Malia!"

Hindi na lang ako umimik dahil baka kung ano pa ang masabi ko. Ayon sa usapan namin ni Sir Caleb kagabi ay babalik kami ro'n sa parehong oras at lugar. Manonood pa rin naman kami ng mga bituin sa langit. At siguro, kakain ulit at iinom ng kape.

Lihim akong napangiti habang iniluluto ang fries at burger na dadalhin ko ro'n. Nang makapagsara kami ni Maui ay umuwi na ako agad at naglinis ng katawan para makapagpalit ng damit. Itinali ko ang jacket sa baywang ko at hinayaang ladlad ang buhok ko gaya noong nakaraang nagkita kami.

The Stars Above Us (Louisiana Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon