Kabanata 9

8.6K 212 104
                                    

09 – Confused

Pinagmasdan ko ang kotse niyang mabilis na humarurot palayo. Hindi ko alam ang dapat na maramdaman sa pag-alis niyang iyon. Dapat ay maginhawaan ako dahil wala na siya rito at wala nang dahilan para kagalitan ako ni Ma'am Camila ngunit hindi ko iyong naramdaman. Siguro kasi ay kahit papaano, naging mabait naman siya sa akin. Sa umpisa lamang naging arogante.

Ipinagamot ko rin ang nadisgrasya kong braso. Kinailangan kong magsuot ng cast para ro'n. Noong una ay natakot ako dahil siguradong makikita at malalaman na ng kuya ko ngunit nagawan naman namin ng paraan. Nang isang beses na makita ako ni kuyang mayroong cast ay sinabi ni Maui na kukuha kami ng video para sa requirement niya sa isang subject. Ako ang pasyenteng nadisgrasya at siya ang nurse. Naniwala naman si kuya dahil nursing student nga siya.

Nagpatuloy ang paglipas ng mga araw, ganoon din ang pag-aaral namin ni Maui. Hindi naging madali ang pagsasabay ng pagiging estudyanye at katulong. Kahit na maraming gagawin para sa eskuwela ay kinailangan naming intindihin muna ang trabaho. Kadalasan ay nakakagawa kami ni Maui tuwing gabi na. Kulang pa sa tulog dahil doon.

"Mauuna na ako sa'yo, Maui! Hindi na kita mahihintay!"

"Bruha ka, sis! Isabay mo ako, wala na akong pamasahe!"

Mabilis akong tumakbo palabas ng kabahayan. Maliwanag na at siguradong aabutan na ako ng traffic. Late na akong nagising at ako lang din ang gumising kay Maui. Hindi ko na siya kayang hintayin ngayong naliligo pa lang siya.

"Late ka yata, Malia? First time, ah."

Humihingal akong ngumiwi. "Inabutan ako ng traffic. Marami na bang nai-discuss?"

"Medyo. Habol ka na lang."

Tumango ako at tahimik na nagpunas ng pawis. Halos na sa kalagitnaan na ang discussion. Mabuti na lamang at mukhang marami namang notes si Tyler. Kokopyahin ko na lamang at pag-aaralan mamaya.

Sa tuwing uuwi ako ay palagi kong inuuna ang trabaho kaysa sa mga dapat kong gawin sa eskuwela. Si Manang Linda ang naging kakampi namin sa bahay na iyon. Sa tuwing sumisilip siya sa kuwarto namin na marami kaming ginagawa ay hindi na niya kami inuutusan pa. Akala ko noon ay masungit siya, ngunit dito ay para pa siyang naging nanay at tagapag-tanggol namin.

"Magandang hapon, manang."

Kumunot ang noo niya sa akin. "Anong mayroon?"

"Wala po.." umiling ako. "Kayo naman. Bumati lang naman ako."

Bumusangot lang siya sa akin na ikinatawa ko. Sa tuwing hapon naman ay si Sir Greg ang inaabutan ko sa backyard. Iba-iba halos ang mga board games na nilalaro niyang mag-isa. Minsan ay hindi ko na nga alam kung ano iyon, at minsan ay hindi ko na siya nasasamahan. Pero, kahit ganoon ay sinisikap kong batiin at magpaalam nang personal sa kaniya. Alam ko kasing wala naman siyang ibang makakasama dahil wala ang dalawa niyang apo rito.

"Hello po, Sir Greg."

"Malia, apo!" Natutuwa niyang tawag. "Maglaro tayo?"

Ngumiti ako. "Tatapusin ko lang po ang pagdidilig, ha? Pupuntahan ko kayo r'yan mamaya."

Tumango lang siya at nagpatuloy sa paglalaro. Hindi ko maiwasang maisip si Sir Caleb lalo na kapag napapatingin ako sa terrace. Sarado na ang sliding glass door at wala nang kahit sino doon. Naaalala ko rin ang lalaking iyon tuwing gigising ako ng umaga. Pakiramdam ko ay dapat akong magdala ng kape sa kuwarto niya kahit wala naman siya ro'n. Pati ang sticky notes niya ay hindi ko inialis sa salamin ko.

Hindi ako makahanap ng dahilan kung bakit patuloy na sumasagi sa isip ko si Sir Caleb. Siguro ay dahil lang iyon sa nasanay ako sa presensiya niya sa tuwing gigising ako at tutungo sa kuwarto niya. Pati na kung na sa backyard ako at naroon siya sa terrace ng kuwarto niya. Hindi ko alam. Baka nga dahil doon.

The Stars Above Us (Louisiana Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon