Kabanata 4

9.6K 250 111
                                    

04 – Coffee

Lumipas ang dalawang araw namin sa mansyon na iyon. Marami ang ginagawa namin dahil sa laki ng bahay. Puro paglilinis ang ginagawa ko, samantalang si Maui ay magkahalong linis at luto. Hanggang ngayon ay wala pa akong nakikita sa bahay na ito bukod sa mga katulong at sa lalaking iyon. Hindi ko alam kung nasaan ang iba.

Bumuntong-hininga ako at marahang pinunasan ang huling vase sa salas. Si kuya ay umalis na kanina pa at mayroong ipinagmaneho. Si Maui naman ay kasama nina Ate Deth sa kusina. Hindi ko alam kung bakit nagluluto pa sila nang marami gayong halos wala naman ang iba rito. Kaya bang kainin ng lalaki sa second floor ang lahat?

"Tapos ka na ba sa mga vase na iyan, Malia?"

Hinawi ko ang buhok na tumatabon sa mukha ko at bumaling kay Manang Linda. Mayroon siyang hawak na basahan at mukhang katatapos lang sa den. Tumango ako at nagpatuloy sa pagpunas.

"Opo, malapit na."

"Pagtapos mo r'yan, iyong mga vase naman sa second floor. Ingatan mo at galing pang France ang mga iyon!" Utos niya.

"Opo, manang."

Bumuntong-hininga ako at binitiwan ang basahang hawak para itali nang maayos ang buhok ko. Hanggang dibdib ko kasi ang taas ng vase na ito kaya naman hindi madaling punasan. Lalo pa't babasagin.

Kinagat ko ang labi ko at pinunasan ang noo bago nagpatuloy sa paglilinis. Pati ang maliit na salaming lamesa sa tabi ay idinamay ko na. Agad akong nagmadali nang mayroong marinig na mga hakbang dahil baka si Manang Linda na naman iyon at binalikan ako.

Nilingon ko ang likuran ngunit wala namang tao. Napa-angat ang tingin ko sa second floor. Napalunok ako nang makitang naroon at nakatayo ang lalaking laging na sa terrace. Salamin ang harang sa itaas kaya naman kitang-kita ko siya mula rito.

Wala na siyang suot na salamin. Gaya noong nakaraan ay sando pa rin ang suot niya at isang cargo pants. Napako ang tingin ko sa kaniya. Bumuntong-hininga siya at umiwas ng tingin bago umalis. Halata ang pagkadisgusto niya nang makita ako.

"Ano bang problema ng isang iyon?" Bulong ko.

Palihim akong bumusangot at tinapos na ang pagpupunas. Huminga ako nang malalim bago tumungo sa second floor. Unang beses ko pa lang na makarating dito kaya naman namangha agad ako. Tama ngang mayroon pang living area rito. Marami ring kuwarto at ang opisina ay natatakpan lamang ng salaming pinto.

Tumungo ako sa living area kung nasaan ang mga vase. Hindi ko naiwasang magmasid sa paligid. Sa makitid ngunit mahabang lamesa sa tabi ng pader ay mayroong mga picture frames. Sa dingding naman at mayroon ding mga nakasabit. Ang ilan doon ay mga diploma.

Umawang ang labi ko at hindi napigilang lapitan ang isang umagaw sa atensyon ko. Diploma iyon ng isang nagtapos sa De La Salle University. Ayon sa papel ay Political Science ang kurso.

Caleb Javier L. Ponce de Leon..

Nanliit ang mga mata ko kasabay ng pagbuo ng maliit na ngiti mula sa labi ko. Magandang eskuwelahan iyon, ah? Iyong Caleb ang lalaking lagi kong nakikita, hindi ba?

"What are you looking at?"

Halos mapatalon ako sa malalim na boses na narinig ko. Mabuti na lamang at walang vase malapit sa akin na maaari kong masagi. Agad akong umiwas ng tingin at bumaling sa likuran ko.

"W-wala." Tanggi ko.

Huminga ako nang malalim at pilit na ngumiti. Umusbong ang kaba sa dibdib ko nang makita ko na naman ang seryoso niyang tingin. Kinakabahan akong naglakad palayo at sinimulan nang punasan ang pinakamalayong vase para lang umiwas.

The Stars Above Us (Louisiana Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon