Kabanata 5

9.5K 209 106
                                    

05 – Lie

Hindi na rin ako nagtagal pa sa labas nang pumasok si Sir Caleb sa loob ng kuwarto niya. Lihim akong napangiti. Nagreklamo pang mapakla ang timpla ko, hihingi rin naman pala ulit.

Kinabukasan ay mas inagahan ko ang gising para sa kapeng hinihingi niya. Naisip ko kasing mas mabuting dumating iyon na kagigising niya lang, kaysa iyong nakagawa na siya ng ibang bagay. Wala pa ring tatalo sa kape tuwing umaga, iyon ang sabi ng tatay ko kahit na lagi niyang gusto ng alak.

Nang magising ay naligo na ako at nagsipilyo bago nagpalit ng damit. Singkit pa ang mga mata ko dahil kagigising lang din. Isang simpleng T-shirt at pants lamang ang isinuot ko dahil malamig pa. Humarap ako sa salamin at sinuklay ang hanggang baywang kong buhok. Maputla ang manipis kong labi ngunit wala naman akong pakialam. Kinusot ko ang mga mata ko at iniligpit ang higaan ko.

"Ang aga, sis?"

Narinig ko ang paghikab nang magising na si Maui. Bumangon siyang singkit ang mga mata at magulo ang buhok.

"Magtitimpla ako ng kape." Ani ko.

"Timplahan mo na rin ako.."

Nang matapos magligpit ay umiling ako sa kaniya. Ngumuso siya at muling humikab. Humiga ulit siya at nagtalukbong ng kumot.

"Hindi naman para sa akin 'to. Para kay Sir Caleb."

Akmang aalis na ako ng kuwarto nang bigla siyang napabangon. Kumunot ang noo ko at bumaling sa kaniya. Nawala ang pagkasingkit ng mata niya at nanlalaki na iyon ngayon. Pinunasan niya ang gilid ng labi niya.

"Aba? May coffee service ka na ngayon sa kaniya?"

Bumuntong-hininga ako. "Unfortunately, oo."

Pumalakpak siya at tumawa. Ngumiwi ako nang hindi naintindihan ang ginawa niya. Bumaba pa siya ng top bunk at tumapat sa akin.

"You are fortunate, sis! Very fortunate!"

"Ang hininga mo!" Angil ko saka umiwas. "At bakit naman? Lalo ngang naging maaga ang gising ko."

Bumusangot siya at inamoy ang sariling hininga. Natatawa ko siyang itinulak palayo sa akin. Binuksan ko ang pinto at isinuot ang tsinelas ko para tumungo na sa dirty kitchen.

"Mayaman 'yan, sis. Gora na!"

Pinanliitan ko siya ng mata. Kahit kailan ay hindi ako naging interesado sa mayamang lalaki. Ang gusto ko ay iyong matalino. At hindi rin ako kakapit sa lalaki para yumaman. Gagawin ko iyon para sa sarili ko.

"Magiging mayaman ako nang ako lang, Maui." Sagot ko.

Tinalikuran ko siya at tumungo sa dirty kitchen. Parehong timpla sa kape ang ginawa ko. Nakita ko nang dumaan si Ate Deth ngunit hindi niya yata ako napansin. Matapos iyon ay umakyat na ako sa second floor para dalhin ang kapeng ipinapatimpla niya.

Huminga ako nang malalim saka kumatok. Idinikit ko ang tainga ko sa pinto upang marinig kung sakaling gising na ba siya. Wala naman akong ingay na narinig.

"Sir?" Tawag ko.

Huminga ako nang malalim at pinihit ang door knob. Kumunot ang noo ko nang hindi iyon naka-lock. Hindi ba siya naglo-lock ng pinto kahit gabi?

Binuksan ko ang pinto at agad na sumalubong sa akin ang lamig. Nakita ko ang agad niyang paggising nang maramdamang may pumasok. Pilit akong ngumiti at inilapag ang kape sa lamesa.

"Magandang umaga, Sir Caleb."

Umatras ako at tinignan siya matapos binitiwan ang baso. Singkit ang mga mata niya, hindi dahil bagong gising, kung hindi dahil singkit naman talaga iyon sa tuwing nakikita ko siya.

The Stars Above Us (Louisiana Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon