Chapter Thirty-Two

363 38 4
                                    


"Pasensya na kung dito lang kita dinala ha?" Nakangiting paumanhin ni Teo at pinaghila siya ng upuan upang doon siya maupo.

Naupo naman si Talya doon habang ang tingin ay lumilibot sa karinderyang pinagdalhan sa kaniya ni Teo. Ang sabi nito, ang karinderyang iyon ay pagmamay-ari ng ina nito. Ipinagmamalaki sa karinderyang iyon ang Minudo at Afritada.

"Okay lang. Pinangarap ko rin naman noong makakain sa karinderya." Sagot niya pa na tumawa ng mahina habang inaalala ang mga panahong siya'y muwang na bata pa lamang habang nasa harap ng isang karinderya at nakanganga.

Totoong nagdalawang isip siya kung saan siya pupunta ngunit nauwi lamang iyon kay Teo. Ano naman ba kasing mapapala niya kay Oddy kung may kasintahan na ito? Kukunin niya ang kaniya? Sinong niloko niya? Kahit bali-baliktarin man ang mundo hindi magiging kaniya si Oddy, sadyang nag-assume lang siya dahil isa siyang dakilang assuming.

Kay Teo niya napiling sumama dahil hindi naman siya nito itataboy. Mas may kasiguraduhan pa siya kay Teo dahil manliligaw niya ito. Isa pa, naisip niya rin na bigyan na lamang ng chance si Teo total naman ay hindi pa ganoon kalalim ang kaniyang nararamdaman para kay Oddy. Mabait si Teo, magalang, masipag, mapagmahal, iyan ang mga katangiang nakikita niya dito at kung sakaling magkakaroon sila ng relasyon, tiyak na niya ang kaniyang kalusugan dahil siguradong aalagaan siya nito.

"Sandali lang ha?" Anito at lumipat sa kabilang mesa at kinausap doon ang tatlong lalaki.

Napangiwi siya nang makita ang kaniyang kuya Cevin. Nagpaalam nga siya dito na magde-date sila ni Teo, ang akala niya nga noong una ay hindi ito papayag ngunit nagulat siya nang sumagot ito ng oo. Ngunit ang kundisyon nito ay kailangang masunod kaya't sumama ito sa kanila upang bantayan siya.

Nakilala na rin niya ang dalawang lalaking palaging kasa-kasama nito. Ang dalawang private bodyguard niya na kaibigan ni Cevin, sina Orion at Duke.

May bigla na lamang lumapit sa kaniya at hinawakan ang dalawa niyang kamay na nakapatong sa lamesa. "Ikaw nga!" Tuwang saad ng babaeng medyo kulubot na ang mukha ngunit makikita pa rin ang kagandahan.

Naalarma ang tatlong lalaking nagsisilbing bodyguard niya at agad na tumayo ngunit pinigilan ang mga ito ni Teo at humingin ng paumanhin.

"S-sino po sila?" Gulat niyang sambit.

"Ay, sorry, hija ha? Na carried away lang ako." Binitiwan nito ang kaniyang kamay. "Ako nga pala si Mara, ang mama ni Teo."

Namilog ang kaniyang mga mata at mabilis na tumayo. "Hala sorry po! Ako po si Talya---"

"Huwag kang mataranta, hija. Kilala kita. Ikaw ang nililigawan ng anak ko." Nakangiting pagputol nito.

Bago pa siya muling makapagpaumanhin ay umakbay na dito si Teo. "Ma..." Nahihiyang saad nito.

Tinaasan ng kilay ni Mara ang anak. "Oh bakit? Totoo naman diba?" Tugon nito.

"Oo na po." Ngumiti ng malaki si Teo. "Nasaan po si Ted at Teb?"

"Ay naroon sa kwarto at pinag-aaral ko dahil puro laro ang inaatupag ng dalawa!" Sagot ni Mara na bahagyang kumunot ang noo ngunit agad rin siyang tinignan. "Hija, anong gusto mong kainin?"

Ngumiti naman siya dito. "Iyong espesyal niyo po dito. Okay na po sakin yun."

"Abay sandali at ihahain ko lang ha?" Ani Mara at nagtungo ng kusina.

Napakamot naman sa batok si Teo. "Pasensya ka na sa mama ko ah?"

"Okay lang, ano ka ba?" Tumawa siya ng mahina saka muling naupo.

Kahit nakaupo lamang siya, nakikita niya pa rin ang palakad-lakad ni Mara sa loob ng kusina na may kung anong inaasikaso. Napangiti siya ng kusa. Sa totoo lang ay naiinggit siya dahil wala na ang kaniyang ina. Hindi niya ramdam ang pag-aaruga nito dahil maaga itong kinuha sa piling nila. Ngunit masaya na rin naman siya dahil naranasan niya ang mga bagay na iyon kay Phemie na siyang kumupkop sa kaniya.

Stupid SpecieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon