Chapter Twenty-Nine

397 42 6
                                    


Tinanggal ni Talya ang pagkakahawak ni Kylo sa kaniyang balikat. Litong tinignan niya ito bago dumako ang tingin kay Ainsley at muling ibinalik kay Kylo.

Napahakbang siya ng isang hakbang paatras, umawang ang kaniyang labi at ang ibaba niyon ay nanginig. Sari-saring emosyon ang kaniyang naramdaman kaya naman sunod-sunod na pumatak ang kaniyang mga luha.

"Caoilfhoinn." Akma sana siyang lalapitan ni Kylo nang humakbang pa siya paatras ng dalawang beses.

Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilan iyon sa pagnginig. Ang braso ang ginamit niyang pamunas sa kaniyang luha ngunit hindi pa rin iyon maampat sa pagtulo.

"B-bakit?" Iyon lang ang tanging nabigkas ng kaniyang mga labi sa kabila ng maraming katanungang pumapasok sa kaniyang utak.

Oo nga't sabik siyang makita ang kaniyang mga magulang pero hindi pa rin maaalis doon ang pagkamuhi dahil iniwan siya ng mga ito ng nag-iisa. Nagpalaboy-laboy siya sa kalsada makakain lamang. Wala siyang matakbuhan at mayakap sa tuwing tutulo na ang kaniyang luha. Walang nagmamahal sa kaniya noon. Siya lamang ang mag-isa.

Ang dami-dami niyang tanong sa isipan. Bakit nga ba siya iniwan ng mga ito sa lolo niya? Bakit hindi niya ito nakasama? Bakit kailangang maglayo sila? Bakit hindi siya nito inalagaan kagaya ng mga bata doon sa kalsada? Bakit siya lamang ang mag-isa noon? Bakit wala ang mga ito sa piling niya? Bakit?

"Caoilf---" Bago pa man muli siyang mahawakan ni Kylo ay nanakbo na siya palabas. "Caoilfhoinn!"

Umiiling-iling na tinahak niya ang malaking pasilyo at pasalamat na lang siya at hindi siya naligaw. Malakas ang kaniyang pagtakbo hanggang sa nakarating siya sa pintuan. Mabilis siyang lumabas.

Napansin niyang marami ng naghahabol sa kaniya at humaharang ngunit madali lamang niya iyong nalulusutan.

Nang lumingon siya sa kaniyang likuran ay nakita niya si Cevin na malapit na siyang maabutan ngunit may biglang humarang sa kaniyang isang motor. Ang akala niya ay isa rin sa mga humahabol sa kaniya ngunit nakuryente siya nang mahawak nito ang braso niya.

'Oddy.'

"Sakay!" Sigaw nito.

Dali-dali naman siyang sumakay at kumapit sa bewang nito. Mabilis na pinaharurot ni Oddy ang motor paalis hanggang sa hindi na sila maabutan pa ng mga ito.

Naipikit na lamang niya ang mata at hinayaang tumulo ang kaniyang mga luha. Isinandal niya ang pisngi sa likod ni Oddy at doon humagulgol ng iyak.

Hindi na niya alam kung hanggang saan sila nakarating ngunit sa buong byahe ay nanatili lamang siya sa likuran nito na umiiyak. Hindi na niya pansin kung mabasa man ang damit nito basta't gumaan lang ang kaniyang nararamdaman.

May mga bisig na biglang sumakop sa kaniyang bewang ng mahigpit. Itinulak nito ang mukha niya sa may pagka malapad nitong dibdib. Nanuot sa kaniyang ilong ang pamilyar nitong bango. Nakahinto na pala sila at nasa bisig na siya ngayon ni Oddy na niyayakap siya at pinapatahan. Mahigpit ang kapit nito sa kaniya at ganoon din ang ginawa niya.

Hinayaan siya nitong umiyak sa dibdib nito. Ang kaniyang hagulgol ay malambing na tinig ang itinatapat ni Oddy. Sa bawat pagsigok niya ay mahinahong hihinga ito ng malalim. Ang tila nalalantang gulay niyang katawan ay inaalalayan ng bisig nito. Pinapakalma siya sa paraang alam nito.

"I don't know what happened back there but I'm here, Talya. I'm here." Tila nasasaktan ang boses nito ngunit malambing ang tinig na iyon sa kaniyang pandinig na para siyang idinuduyan.

Pinilit niyang pakalmahin ang katawan hanggang sa unti-unting humina ang kaniyang pag-iyak. Huminga siya ng malalim at unti-unting lumayo dito.

"S-salamat, Oddy." Nahihiyang saad niya at nagbaba ng tingin.

Stupid SpecieWhere stories live. Discover now