Chapter 7 (Part 1)

7 2 0
                                    

Katatapos lang maligo ni Blythe kaya lumabas na siya sa kwarto. Naabutan na naman niya ang kanyang mama na naghahain ng almusal sa hapag.

"Ako na po ang magtitimpla ng kape para sa atin ma," magiliw na sabi ni Blythe. Ngumiti lang din ang mama niya. Umupo na ito sa upuan at hinintay na lang siya.

Hindi pa nga natatapos sa pagtitimpla ng kape si Blythe ay may kumatok sa pinto. Akma na sana siyang lumakad papunta sa pinto ngunit inunahan na siya ng kanyang mama. "Blythe, ako na lang ang bubukas. Ipagpatuloy mo na lang ang pagtimpla ng kape," sabi ng kanyang mama.

"Opo,"sabi ni Blythe. Binuksan naman ng kanyang mama at nabigla ito!

"Blythe, iwan mo muna iyang ginagawa mo. Halika nga dito. Bilis," tawag ng kanyang mama.

Dalidali siyang pumunta sa kinaroroonan ng kanyang mama. Pagdating niya roon ay hinihingal pa siya. "Bakit po?" tanong ni Blythe.

"Kaibigan mo raw siya," sabi ng kanyang mama. Tumingin siya sa tao na nasa labas ng kanilang pinto at napanganga naman siya.

"Matthew bakit ka naparito? Ano ang nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang hitsura mo?" gulat na tanong ni Blythe. Puno na puno ng uling ang kanyang katawan at gula-gulanit na ang kanyang T-shirt at pants. May sugat rin ang kanyang mukha at mga tuhod. Gulong-gulo ang buhok.

Hindi na mapigilang humikbi ni Matthew. "Nasunogan ako Blythe. At itong bag lang ang naisalba ko. Nawala na ang bahay na matagal ko ng pinag-iponan. Lahat ng pinaghirapan ko ay nawala na parang isang bula. Hindi...Hindi ko na alam ang gagawin. Gulong-gulo na ang isip ko. Wala na akong ibang mapuntahan kundi ikaw lang. Ikaw lang ang namumukod-tanging kaibigan na alam kong tutulungan mo ako," sabi ni Matthew at may papunas-punas pa sa kanyang mga luha na tumulo rin.

"Ha? Ano naman ang maitutulong ko wala akong..."

Hindi na pinatapos si Blythe sa pagsasalita ng kanyang mama. "Hijo, pumasok ka muna sa loob. Blythe, papasukin at alalayan mo muna ang kaibigan mo dahil may mga sunog at sugat pa siya," sabi ng kanyang mama. Naunang pumasok ang kanyang mama sa loob. Tinulungan naman ni Blythe at seryosong-seryoso talaga siya sa kanyang ginagawa. Inalalayan pa rin ni Blythe si Matthew hanggang sa pag-upo sa sofa.

"Pa-Pasensya po talaga Tita sa pag-abala dito sa inyo," sabi ni Matthew na parang sincere talaga siya sa mga sinasabi niya.

"Wag mo nang intindihin iyon, Hijo. Ang mahalaga ay naisalba mo ang buhay mo. Nasaan nga pala ang mga magulang mo?" tanong ng mama ni Blythe. Napatingin si Matthew kay Blythe. Binigyan naman ng go-kaya-mo-yan-look ni Blythe si Matthew.

"Ang totoo po niyan. Ulilang lubos na po ako Tita," sabi ni Matthew na malungkot na malungkot.

"Ga-Ganoon ba, Hijo?" sabi ng mama ni Blythe. "Pareho pala tayo. Ulilang lubos rin ako noon kaya nanilbihan ako sa mayamang pamilya para mabuhay," sabi ng mama ni Blythe at malungkot na malungkot rin siya.

"Hindi...Hindi ko na po alam kung saan ako titira ngayon. Nagsusumikap rin po ako para may tirahan ngunit ngayon ay wala na po. Sa kalye lang po siguro ang palad ko. Sa kalye lang po talaga ang patutunguhan ko kahit ano pa ang gawin ko," sabi ni Matthew at tumulo na ang mga luha niya.

Napailing-iling si Blythe at saka napatiim-bagang. Parang problemadong-problemado talaga ang kanyang awra. "Paano ba iyan? Kung sa kalye ka titira, eh di marami roong mga drug addict, tambay, o baliw na mga tao. Delikado ang buhay mo roon," sabi ni Blythe.

"Wala na talaga akong matutuluyan, Blythe,"sabi ni Matthew at pinunasan niya ang kanyang mga luha.

"Dito ka na lang tumira, Hijo. Maliit lang ang bahay namin ngunit sa tingin ko ay kakasya naman tayo dito. Ayos lang ba sa iyo na dito ka lang sa sala matulog? Dalawa lang ang kwarto dito," sabi ng mama ni Blythe.

Nagniningning ang mga mata ni Matthew. "Ta-Talaga po? Papatuluyin niyo po ako dito," hindi makapaniwalang  sabi ni Matthew.

"Oo naman. Walang problema sa akin Hijo. Hindi mapanatag ang loob ko na natutulog ka sa tabi ng kalye. Hindi rin matanggap sa aking konsensya na  may mangyaring masama sa iyo. Isa pa, alam kong mabait ka na tao kasi kaibigan mo ang anak ko. Isang himala talaga kapag may kaibigan ang anak ko kasi introvert 'yan," paliwanag ng kanyang ina.

"Marami hong salamat Tita. Utang ko po ang buhay ko sa inyong dalawa ni Blythe," maluhang-luha na wika ni Matthew. Sa pagkakataong ito, ang pagkasabi ni Matthew ay mula na talaga sa puso niya at hindi na acting.

"Si-Sige hijo. Maghahanda lang ako ng pagkain para sa iyo. Sumama ka muna kay Blythe para makaligo muna," sabi ng mama ni Blythe. "Blythe, samahan mo muna si Matthew sa kwarto mo para maligo siya at pagkatapos ay gamutin mo ang kanyang mga sugat at paso. Maghahanda lang ako ng pagkain para sa iyong kaibigan. Maaga pa naman kaya hindi ka pa mahuhuli sa trabaho mo kapag tutulungan mo pa ang iyong kaibigan."

"Opo ma," sabi ni Blythe. "Halika na, Matthew," sabi ni Blythe at tinulungan naman niya si Matthew sa pagtayo at paglalakad. Paika-ikang lumakad si Matthew. Seryosong-seryoso talaga silang dalawa sa pag-aarte nila.

Nang pumasok na sila sa kwarto ay dalidaling isinara ni Blythe ang pinto. "Nagawa natin . Dito ka na," masayang sabi ni Blythe.

Ngumiti si Matthew nang napakatamis at nagniningning pa rin ang kanyang mga mata. Naalala niya ang kanilang pag-uusap tungkol sa plano ni Blythe.

Unleash (COMPLETED)Where stories live. Discover now