Chapter 23 (Part 2)

7 1 0
                                    

Ikalawang gabi pa lang ng lamay ng kanyang mama ay unti-unting dumarami ang mga taong nakikiramay. Nasa maliit lang na chapel ang labi ng kanyang mama nakaburol.

Patuloy lang sa pag-iyak si Blythe. Inaalo na siya nina Zam at Matthew ngunit hindi pa rin naibsan ang sakit na naramdaman niya. Hindi pa niya matanggap ang nangyari. Sobrang bilis. Parang kailan lang ay tumatawa pa sila at ngayon ay nakahiga na ang mama niya sa coffin.

"Blythe kumain ka muna," alok ni Matthew habang nagdala ng pagkain. "Mamaya na. Wala pa akong gana," sabi ni Blythe habang patuloy na naghihinagpis pa rin.

Mayamaya ay lumapit ulit si Matthew sa kanya. "Kumain ka muna kahit konti lang. Baka malipasan ka pa ng gutom. Magkakasakit ka pa," mahinahong sabi ni Matthew.

"Wala akong gana. Ayaw ko pang kumain," sabi ni Blythe. "Sige na. Kumain ka muna kahit konti lang. Baka makakasama yan sayo at sa anak natin," alok pa ni Matthew habang pilit na ngumiti.

"Wag mo muna akong guluhin!" sigaw ni Blythe. Napatingin naman ang mga tao sa kanilang kinaroroonan dahil sa pagsigaw ni Blythe. Nabigla man si Matthew ngunit pilit pa rin siyang ngumiti at tumango. Tapos dahan-dahan siyang umalis sa tabi ni Blythe.

Ilang sandali pa ay si Zam na naman ang lumapit. "Bly, kumain ka muna. Kung nandito si Tita at nakikita ka niya ay siguradong malulungkot iyon. Alalahanin mo, niligtas ka ni Tita. Malulungkot iyon kapag nakita kang ganito," wika ni Zam habang daladala ang pagkain na dinala ni Matthew kanina.

"Hi-Hindi ko lang matanggap ang nangyari. Ang bilis lang. Ni minsan hindi ko naisip na mangyayari ang ganito. Si mama ang nasa tabi ko mula noon. Kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para matanggap ang trahedyang ito," sabi ni Blythe at humahagulhol na naman.

Niyakap siya ni Zam at pinapatahan. Hinahaplos niya ang likod ni Blythe. Mayamaya ay tumigil na si Blythe sa paghikbi. Susubuan sana siya ni Zam ngunit umayaw siya. Napangiti na lang si Zam nang kinuha ni Blythe ang plato at kumain na.

Samatala napahinga naman nang malalim si Matthew nang makita na kumain na si Blythe. Kahit papaano ay para siyang nabunutan ng tinik. Kahit pa sigaw-sigawan siya ni Blythe ay hindi ito nagtanim ng galit sa kanya. Mas umiral ang pagkaawa at pagmamahal niya sa kanyang nobya. Ganoon pa man, ipinangako niya sa sarili na nasa tabi lang siya ni Blythe at handang unawain hanggang makausad na ito at matanggap ang sakuna ng buhay nila.

Abala pa rin si Matthew sa paghahanda ng makakain sa mga taong nakikiramay. Katulong rin naman niya si Zam. Madalas ay napatingin siya sa kinaroroonan ng kanyang nobya. Kung iiyak na naman si Blythe ay lalapitan niya ito. Kung sisigawan siya ay si Zam na naman ang lalapit at mag-aalo.

Biglang may magarang sasakyan ang huminto sa tapat ng chapel. Ang mga tao na nandoon ay napatingin rin sa sasakyan. Inaabangan nila ang pagnaog ng tao na sakay sa magarang sasakyan.

Napatakip at nanlaki ang mga mata sa lahat ng tao nang makita ang taong lulan sa magarang sasakyan. Isang mayaman at gwapong lalaki!

Nakasuot ng puting polo shirt at black pants. Nakasuot rin ng branded na sapatos. Makikita na galing sa mataas na antas ng socialidad. Maayos at maganda ang style ng buhok nito. Napakatangos ng ilong at nakakabighaning bibig at labi. Napakaganda ng angle ng kanyang chin at malaporselana ang balat nito. Matangkad rin ito at napakatikas ng tindig. Nakasuot rin ng mamahaling eyeglass na nakapagdadag sa kagwapuhan nito kahit nasa kwarenta y nuybe na ang edad. Seryoso at malungkot itong lumakad habang dala-dala ang bulaklak. Habang pumasok ito sa chapel ay pinagmasdan ng mga tao ang mga mata nito. Kahit hindi pa nila kilala ang lalaki ay pamilyar ang mga mata nito. Katulad ang mga ito sa mga mata ni Blythe!

"Hala! Di kaya ang lalaking ito ay ang ama ni Blythe?" tanong ng mga tao sa isa't isa. Kahit pa abala ang mga tao sa pag-uusap tungkol sa lalaki ay hindi ito napansin ni Blythe. Nakayuko siya habang tumulo ang mga luha niya. Hindi rin niya napansin ang lalaki na lumapit sa kabaong ng kanyang ina. Tumulo ang mga luha nito at puno ng kalungkutan ang awra nito. Hinawakan rin niya ang salamin ng kabaong at hinaplos iyon. "Berna, ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang babaeng mahal ko. Ikaw pa rin ang nagmamay-ari ng puso ko. Mahal na mahal pa rin kita," wika ng lalaki at humahagulhol. Di naglaon ay napatigil naman siya ng may tumapik sa balikat niya. Si Matthew iyon.

"Sir, nandoon po ang tubig para mahimasmasan po kayo," magalang na sabi ni Zam. Tumango naman ang lalaki at pinunasan ang mga luha niyang sumasagisag sa paghihinagpis niya.

Uminom muna ng tubig ang lalaki. "Kape po sir? Gusto niyo po?" tanong ni Zam. Umiling lang ang lalaki at pilit na ngumiti. "Maraming salamat ngunit hindi ako umiinom ng kape," magalang rin na sagot ng lalaki.

"Kaibigan po ba kayo ni mama?" tanong ni Matthew. Malungkot na ngumiti ang lalaki habang nakatingin sa kinaroroon ng labi ng mama ni Blythe."Siya ang babaeng mahal ko," sagot ng lalaki.

Nagulat naman sina Zam at Matthew. "Po?" naguguluhang tanong ni Zam. "Kayo po ba ang ama ni Blythe?" gulat na tanong ni Matthew.

Ngumiti ang lalaki at kumislap ang mga mata. "Ako nga. Ang pangalan ko ay Caesar Julian Wellington IV," pakilala ng lalaki.

Nanlaki naman ang mga mata ni Zam. Ang apelyidong Wellington ay isa sa pinakamayaman na pamilya sa buong Asya. Noon ay sa Pilipinas lang sila narecognize ngunit nang si Caesar Julian Wellington IV ang namumuno sa mga negosyo ay saka narecognize sila sa buong Asya. Napakamagaling kasi nito pagdating sa negosyo ngunit hindi nila nakita ang totoong mukha nito dahil ayaw magpakuha ng larawan. Napakamisteryoso raw kasi ang lalaking ito. At ang lalaking ito pala ay ang ama ni Blythe!

"Magpapakilala muna ako sa anak ko. Alam kong inilihim ako ng babaeng mahal ko dahil sa nakaraan namin," pag-amin ni CJ. Hindi naman makagalaw at makapagsalita si Zam. Napatango na lang si Matthew at magalang na nagwika," Sige po."

Patuloy pa rin na nakayuko si Blythe. Nabigla siya nang makita ang dalawang mamahaling pares ng sapatos sa kanyang harapan. Napatingala siya habang nakakunot ang noo. Napangiti ang lalaki sa kaniya habang tumulo ang mga luha nito.
"Anak," sambit nito.

Hindi nakaimik si Blythe habang nakakunot ang kanyang noo. Sino ba ang hindi mabibigla na sa kalagitnaan ng kanyang paghihinagpis ay may tumawag sa kanya na "anak".

"Ako ang papa mo," diretsong pakilala ng lalaki.

Hindi makagalaw si Blythe at biglang tumulo ang luha niya. Luha na hindi na sa paghihinagpis kundi ligaya. "Talaga po? Kayo po ang papa ko?" tanong ni Blythe at hindi niya mapigilang ngumiti. Tumabi ang papa ni Bythe sa kanya.

"Oo. Bakit? May pagdududa ka ba?" nakangiting tanong ng papa niya. "Wala po. Hindi lang po ako makapaniwala. Ang tagal ko po kayong hinanap," sabi ni Blythe at niyakap niya ang papa niya.

"Kahit naghihinagpis ako ay maligaya pa rin ako dahil hindi ka galit sa akin. Buong akala ko ay kinamuhian mo ako," malungkot na wika ng papa ni Blythe.

"Hindi po. Ang tagal ko po kayong hinanap. Ngunit ayaw ni mama na pag-usapan ko po kayo. Kapag magtatanong ako tungkol po sayo ay magpapalit siya ng topic o sabihin niya po na wag po namin kayong pag-usapan. Ang pagkakaalam ko lang po ay iniwan niyo si mama noong pinagbuntis ako at wala nang iba," sabi ni Blythe at hindi pa rin mapigilang ngumiti ni Blythe sa kabila ng trahedyang hinaharap niya. Ito ay dahil nakita na niya ang papa niya! Simula pagkabata ay inaasam niya ang tagpong ito at ngayon ay nandito na.

Malungkot na ngumiti ang papa ni Blythe. "Inaamin ko na napakalaking kasalanan ko noong iniwan ko kayo. Ngunit nagawa ko lang iyon dahil naiipit ako noon at wala na akong ibang choice," malungkot na wika ng papa niya.

"Ayos lang po ba na malaman ko ang totoong kwento ninyo? Nasabi ni Mrs. Larrazabal ang ilang impormasyon ngunit wala raw siya sa lugar para sabihin ang buong kwento. Ngayon na nandito po kayo ay maari po ba na sabihin niyo sa akin? Makikinig ho ako," sabi ni Blythe na may himig na pakikiusap.

Napatango nang mahina ang papa niya. Tumingin muna ito sa kabaong ng mama niya at pumatak ang mga luha ng papa niya.

"Mahigit tatlong dekada na ang lumipas ngunit tila luntian pa rin ang mga nangyari sa amin. Ang mga maliligayang araw na nagsisilbing gunita na ngayon ay siyang tanging pinanghahawakan ko para sa babaeng mahal ko," wika ng papa ni Blythe.

Unleash (COMPLETED)Where stories live. Discover now