34

126 4 3
                                    

"Mamita," bungad ko sa pinto ng bahay. "Nandito na po ako."

Sa halip na sumagot ay may biglang lumipad na tsinelas papunta sa mukha ko. Tinamaman ako sa noo at kamuntik nang matumba. Kakamot-kamot na sinundan ko ang pinanggalingan no'n at nakita ko si Mamita. Nakataas ang dalawang kilay niya, nakahalukipkip na para bang makikipagiyera sa mga Hapon.

"Hoy," taas-kilay pa rin na sabi niya sa'kin. "Saan ka nanggaling? Bakit ngayon ka lang? Siguro nakipagkita ka sa boypren mo, ano?"

"Diyos ko! Manliligaw nga wala, boypren pa kaya, Mamita? Puwede bang kumalma nga muna kayo diyan, please."

"Eh saan ka kasi nanggaling?" patuloy niyang usisa. "Bakit ginabi ka?"

Kinuwento ko sa kanya ang nangyari. Kinuwento ko rin sa kanya ang ginawa ni Paul. Nagliliwanag ang mukha na niyakap niya ako.

"Congrats, moon pie! Mukhang ito na ang simula ng whirlwind romance ninyo ng future manugang kong si Paul! Sa wakas, magkakatuluyan na rin kayo ng destiny mo!"

"Grabe, Mamita? Sinabayan lang maglakad tapos feeling mo mamamanhikan na agad si Paul? Nakokonsensiya lang 'yun kasi bruha 'yung pinsan niya."

"Ha?" Biglang kumunot ang noo ni Mamita. "Sinong pinsan?"

"Ah, eh," napakamot ako ng ulo. Nakalimutan kong hindi ko pa nga pala naikukuwento kay Mamita ang tungkol kay Maggie. Naisip kong 'wag na lang ikuwento sa kanya kasi siguradong maghahalo ang balat sa tinalupan 'pag nalaman niya ang mga kalokohang pinagggawa sa akin ni Maggie. "Mamita, OK lang next time na lang natin pag-usapan? Pagod na po kasi ako eh. Aakyat na po ako sa kuwarto."

"Teka, kumain ka na ba?" tanong niya. "Kumain ka muna!"

"Mamaya na lang po!" sigaw ko sa kanya. "Good night, Mamita!"

May sasabihin pa sana siya pero hindi na niya nagawa pang ituloy dahil nagtatakbo na ako paakyat ng kuwarto. Inihagis ko ang bag ko sa bed at agad na nagtungo sa dresser. Kinuha ko ang jar kung saan nakalagay si Gin.

"Gin," tawag ko sa kanya mula sa loob ng garapon. "Nandito na ko, Gin."

Napakurap-kurap si Gin. "Bakit ginabi ka yata?"

"Uy," nakangising sabi ko sa kanya. "Nag-alala ka ba para sa akin?"

Hindi agad nakasagot si Gin. Napansin kong nagningning na naman ang asul niyang buhok. Naaaliw na pinagmasdan ko siya.

"Aminin mo na," patuloy na panunukso ko sa kanya. "Nag-alala ka para sa akin, no?"

Nagbuntong-hininga si Gin. "Ikaw ang master ko. Natural mag-alala ako para sa'yo. Ano ba kasing nangyari sa'yo?"

"Hay, nako, mahabang kuwento." Nahahapong naupo ako sa bed. "Nakatulog ako sa library kaya napagsarahan ako ng librarian. Ang buong akala ko nga ay doon na ako magpapalipas ng gabi. Mabuti na lang at dumating si Paul."

"Si Paul?" biglang nagsalubong ang dalawang kilay ni Gin. "'Yung crush mo?"

Tumango ako. "Nag-sorry siya sa akin. Gusto niya raw sanang makabawi sa mga ginawa ng pinsan niyang si Maggie. Tapos, sinabayan niya akong maglakad hanggang sa sakayan."

Hindi agad nakapagsalita si Gin. Biglang nalukot ang mukha niya. Hindi ko maintindihan kung bakit.

"O, edi ang saya-saya mo," walang kasigla-siglang sabi niya. "Napansin ka na uli niya."

Hindi ko agad nagawang tumugon. Ang totoo niyan, naninibago ako sa sarili ko. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi katulad ng dati ay hindi ako gano'n ka-excited na nagkaroon kami ng interaction ni Paul. Nagkasabay kami at nagka-usap pero hindi ako nakaramdam ng urge na sumayaw o kaya ay kumanta sa sobrang saya. Yes, gumaan ang pakiramdam ko, pero kaunti lang. Kaunti lang kasi mas nangingibabaw ang pag-aalala ko para kay Gin. Ngayong alam ko na nasa panganib ang buhay niya, hindi ako mapakali.

"Hindi bale na lang," saad ni Gin nang walang matanggap na tugon mula sa akin. "Magpahinga ka na at magpapahinga na rin ako."

"Hala, ang sungit naman nito," buwelta ko. "Sandali lang naman, sabihin mo muna sa akin kung kumusta na ang pakiramdam mo."

Hindi sumagot si Gin. Mistulang wala siyang narinig. Tinalikuran na niya ako.

"Hmp, bahala ka na nga kung ayaw mo," naiinis na inilapag ko sa bedside table ang garapon. "Good night!"

OPPOSITE WISHESWhere stories live. Discover now