18

145 4 1
                                    

Naabutan ko si Mamita na naghahain ng hapunan pag-uwi namin sa bahay. Muntik ko nang makalimutan na hindi nga pala nakikita ni Mamita si Gin. Nagpababa agad ako sa bakuran bago pa niya ko makitang lumulutang sa ere. Sigurado akong aatakihin sa puso 'yun kahit wala siyang sakit sa puso.

"Mano po, Mamita."

"O, saan ka ba nanggaling na bata ka?" Inabot niya ang kanyang kamay. "Maghugas ka na ng kamay at nang makakain na tayo, sige na."

Gusto ko sanang sabihin kay Mamita na hindi muna ako kakain. Wala akong gana dahil sa pagkawala ng bote. Kaso bukod sa ayaw ko siyang kumain mag-isa, natakot rin akong mag-usisa siya kung bakit ayokong kumain. I am in a vulnerable state at baka bigla na lang akong magtapat ng katotohanan sa kanya. Siguradong 'pag narinig niya ang kwento tungkol kay Gin ay aakalain niyang may saltik ako. Baka sa halip na sa school ay sa mental hospital niya ako ipasok.

"Hoy, kanina ko pa napapansing nakasimangot ka riyan, ha. Bakit ba? Ano bang problema? Masiyado bang maasim ang sinigang ko?" Humigop siya ng sabaw. "Hindi naman, ha."

"Mamita, hindi. Masarap ang sinigang ninyo, OK." Napayuko ako. "Hindi pa lang talaga ako gutom."

"Uy, yumuko ka! Hindi ka makatingin sa akin ng diretso! Nagsisinungaling ka, ano?"

Anak ng tinapay, lihim kong naisaloob. Kilalang-kilala talaga ako ni Mamita. Alam na alam niya ang mannerisms ko lalo na kung hindi ako nagsasabi nang totoo.

"Ano bang nangyari sa'yo talaga?" Nameywang siya. "Magsabi ka ng totoo kung hindi papaluhurin kita sa asin!"

Siyempre alam kong joke lang 'yun. Tumayo ako mula sa upuan ko. Nilapitan ko siya at niyakap mula sa kanyang likuran.

"Mamita, mahal mo ba ako?"

"Ano ba namang klaseng tanong 'yan!" sikmat niya. "Siyempre naman mahal kita. Anak kita eh. Gaga ka talaga!"

Napangiti ako. "Mahal mo ako kahit pangit ako?"

Kumawala si Mamita sa pagkakayakap ko at salubong ang kilay na pinagmasdan ako.

"Sino may sabi sa'yong pangit ka? Sino?! Sabihin mo sa akin at talagang aahitan ko ng kilay 'yang lapastangan na 'yan!"

Hindi ko na napigilan ang sarili ko at bumulanghit ako ng tawa. "So maganda ako?"

"Eh sa akin ba nagagandahan ka?"

"Aba'y siyempre naman po!" I said, proudly. "Nanay kita kaya maganda ka!"

"O, eh, parang gano'n lang din 'yun." Aniya. "Anak kita kaya maganda ka!"

Muli kong niyakap si Mamita. Kung makikita niya lang kung anong totoong hitsura ko ngayon, sasabihin pa rin kaya niyang maganda ang kanyang anak? Or worse, kikilalanin pa kaya niya akong anak?

"Sige na, sige na. Tigilan mo na ang drama na 'yan at kumain ka na. Lalamig 'yang sabaw."

Bumalik na ko uli sa upuan ko. Nasulyapan ko si Gin sa isang sulok na nagmamasid sa amin. Ano kayang iniisip ng mokong na 'to?

OPPOSITE WISHESWhere stories live. Discover now