26

124 3 1
                                    

Panay ang linga ko habang nag-a-almusal sa pagbabakasakaling makikita ko si Gin. Nasanay na akong siya ang unang bumubungad sa akin pagkagising ko, ngunit hindi ko siya nakita nang umagang iyon. Sinubukan ko siyang tawagin nang paulit-ulit, ngunit hindi pa rin siya sumasagot. Naisip kong siguro ay masama pa rin ang loob niya sa akin hanggang ngayon.

"Bakit ba linga ka nang linga riyan?" tanong ni Mamita nang mapansin ang kakaibang ikinikilos ko habang nag-a-almusal. "May hinahanap ka ba?"

"Wala po, Mamita. Masakit lang po talaga itong leeg ko. Na-stiff neck yata."

Binato ako ng nagdududang tingin ni Mamita at nagpanggap akong hindi iyon napansin.

"Siya nga po pala, ano na pong lagay ng ipinahanap ko sa inyo?" pag-iiba ko na ng usapan. "Alam n'yo na po ba kung saan makikita si Mang Gustin?"

"Wala akong anumang makita sa bolang Kristal ko. Hindi ko pa naman kasi nakikita ang Mang Gustin na 'yun. Kahit man lang sana picture o gamit ay binigyan mo ako."

Napabuntong-hininga ako.

"Teka nga, sino ba talaga 'yung Mang Gustin na 'yun?" Nagdududang usisa niya. "Bakit ba mirting-mirti kang mahanap 'yun? Ikaw, ha. Baka naman boypren mo 'yun!"

Kamuntik na akong mabulunan. "Nakakaloka! Mahigit 50 years old na 'yun, Mamita! Saka, hinding-hindi ko po ipagpapalit si Paul, ano!"

"Eh sino nga kasi 'yun?"

"Hindi po ba naipaliwanag ko na sa inyo? Si Mang Gustin ay may malaking utang sa pamilya ng isang kaklase ko. Nagpapatulong lang po sila sa aking mahanap 'yung tao."

"Eh sinong kaklase ba 'yan?" Nagdududa pa ring tanong ni Mamita. "Anong pangalan?"

"Gin!" bulalas ko. Parang nakita ko si Gin, pero agad ring nawala. Nagpakurap-kurap ako, ngunit wala na talaga. "Hay."

"Sino naman itong Gin?" tanong ni Mamita na inakalang ang pangalan ng kaklaseng inimbento ko ay Gin. "Boypren mo?"

Nasamid ako. "Mamita naman! Sinabi ko na di ba? Wala akong interes mag-boypren kung hindi lang din si Paul."

Bumuntong-hininga si Mamita.

"Tulungan mo na lang akong mahanap si Mang Gustin, ha?" pakiusap ko sa kanya. "Ipangako mo!"

Nagkibit-balikat si Mamita. "Eh ano pa nga bang magagawa ko!"

SINIPA-SIPA ko ang mga dahong nadaanan ko papasok ng university compound. Hindi pa rin mawala sa isip ko si Gin. Hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa kanya kahit na alam kong wala naman talaga akong dapat na ipag-alala dahil Genie naman siya at kayang-kaya niya ang sarili niya.

Hay, bakit ba naman kasi sinabi-sabi ko pa sa kanya na wala siyang kakayahang magmahal eh. Pero, teka lang din muna, bakit naman apektado siya masiyado? Nagmahal na ba siya tulad ng pagmamahal ko kay Paul para masaktan siya?

May bumisinang kotse sa tapat ko. Sa sobrang pagkagulat ko ay napatalon ako at natumba sa daan. Parang may malagkit akong nadaganan, pero agad ring nawala sa isip ko 'yun nang bumaba ang bintana ng kotse at sumilip ang magandang si Maggie Dela Torre.

"Hey," pukaw niya sa akin mula sa loob ng kotse. "Hop in!"

"Ha?" Napapakamot ulong napatayo ako. "Eh ang lapit na lang naman ng university. Hindi na. Kaya ko na 'to."

"No, you have to," piksi niya. "This is an emergency."

Napabuntong-hininga ako. Wala na akong ibang nagawa kung hindi ang sumakay sa kanyang kotse. Tumabi ako kay Maggie sa may backseat.

"Wait, what's that smell?" maasim ang mukha na saad niya pagkaupong-pagkaupo ko sa tabi niya. Ginamit niyang pamaypay ang kanyang mala-kandilang mga kamay. Tiningnan niya ako nang masama. "Ikaw ba 'yun?"

"Uy. Grabe naman siya. Naliligo ako para sabihin ko sa'yo. Nag-tu-toothbrush at nag-di-deodorant din!" defensive na sagot ko. "Baka naman..."

Hindi ko na nagawa pang ituloy ang sinasabi ko. Naamoy ko na ang sinasabi ni Maggie. Para bang amoy jackpot ng aso.

"Ew, what's that?" turo niya sa may laylayan ng palda ko. "Tae ba 'yan?"

Sinundan ko ng tingin 'yung itinuturo niya. Umasim rin ang mukha ko. Mukhang tama nga ang hinala ko. 'Yung malagkit na nadaganan ko kanina ay jackpot ng aso.

"My goodness!" bulalas ni Maggie na agad na nagwisik ng pabango. "Ang mabuti pa ay magpalit ka. Hindi kita puwedeng isama sa mall ng ganyan ka kabaho. Yuck."

"Mall?" Napakurap-kurap ako. "Pupunta tayo sa mall?"

Nagtirik-mata si Maggie. "Magpalit ka na muna, please!"

PINAGMASDAN ko ang sarili ko sa salamin. Dahil wala akong dalang pamalit ay pinahiram muna ako ni Maggie. Isang fitted jeans at ordinaryong top lamang ang ipinahiram niya sa akin, pero pakiramdam ko ang ganda-ganda ko.

"Bilis!" sigaw niya sa labas ng comfort room ng isang gasoline station. "We need to get going!"

Napairap ako nang marinig ang kanyang sinabi. Wala na akong nagawa kung hindi ang lumabas. Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagtungo kami kaagad sa mall kung saan inisa-isa niya ang lahat ng clothing centers na madaanan namin.

"Magtatagal ba tayo rito?" tanong ko sa kanya habang pilit umaagapay sa mabilis niyang paglakad. "Alam mo kasi, may klase pa ako eh."

"Ako rin naman. Nevermind. Kailangan kong makahanap ng magandang isusuot." Nilingon niya ako saka ngumisi. "May party kasi later sa house."

"P-party?" Nagningning bigla ang mga mata ko. "Pupunta ba si Paul?"

"Of course!" She said, proudly. "He would not miss it for the world!"

Lalo niyang binilisan ang paglakad. Para namang timang na humabol ako sa kanya. Lahat ng matipuhan niyang damit ay ihinahagis niya sa akin.

"Uy, baka naman. Imbitahan mo naman ako. Pagkakataon ko na 'yun para maka-bonding si Paul."

Salubong ang kilay na sinulyapan niya ako. Ngumiti naman ako nang malawak sa kanya pero sinimangutan niya ako. Ihinagis niya ang isang dress diretso sa mukha ko.

"K-kung gusto mong magpunta, you have to provide your own costume." Kakaiba ang ngiting saad niya. "You know, it's a costume party."

Kumunot bigla ang noo ko. Pinagmasdan ko ang isang bunton na dress na bitbit ko. Parang hindi naman pang-costume party ang mga iyon.

"Alam kong iniisip mo," pangunguna niya na. Hindi ko napansin na pinagmamasdan niya pala ako. "Nagtataka ka kung bakit dresses ang kinukuha ko? It's because I plan to be a princess in the party. Iyon lang naman kasi ang bagay na character sa akin."

Nag-flip pa siya ng buhok. Napangiwi ako. Na-realize ko, nakakabawas pala ng ganda ang pagiging mayabang. Masiyadong mataas ang confidence ng bruhang ito. Ang sarap batukan.

"Gets ko na," sabi ko sa kanya. "Ako nang bahala sa costume ko basta imbitahan mo lang ako."

"Really?" Humalakhak siya. "May plano ka pa talagang mag-costume ng lagay na 'yan ha?"

"Ha?" Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin."

"W-wala," tumatawa pa rin na saad niya. "Naisip ko lang kasi na sa sobrang unique ng facial features mo ay para ka na ring naka-costume!"

"He he he," I laughed, sarcastically. "Thank you sa pagsasabing unique ang mukha ko, ha."

"You're welcome." Balewalang tugon niya. Ni hindi man lang nahalata ang sarkasmo sa boses ko. "Dito tayo."

Tinalikuran na niya ako. Pagtalikod niya ay saka ko siya inambaan ng suntok. Ang sarap lang saktan ng bruhang 'to! Hmp!

OPPOSITE WISHESWhere stories live. Discover now