31

108 4 2
                                    

Nanibago ako kinabukasan dahil walang Gin na bumungad sa akin paggising ko. Medyo naalarma ako kasi ang buong akala ko ay nawala na naman siya. Nang makita ko ang garapon sa bedside table ay saka lang bumalik sa akin ang mga kaganapan noong nakaraang gabi. Kinuha ko ang garapon at pinagmasdan si Gin mula roon. Nagmulat ng mata si Gin at sinalubong ang paningin ko.

"Pasensiya na," malungkot niyang saad. "Hindi muna kita masasamahan ngayon."

"OK lang," tugon ko kahit ang totoo ay hindi talaga OK. "Magpahinga ka na lang muna rito sa bahay."

Ngumiti ako sa kanya ngunit hindi iyon umabot sa aking mga mata. Inilagay ko ang jar sa aking dresser nang sa gayon ay hindi siya makita ni Mamita sakaling pumasok siya sa kuwarto ko.

"Dito ka na lang muna sa dresser, ha?" sabi ko sa kanya. "See you later, Gin."

Ipinakat ko ang isang daliri ko sa labas ng jar at mula sa loob no'n ay ipinakat naman ni Gin ang kanyang palad. Napabuntong-hininga ako. Iniwan ko na siya nang tuluyan sa dresser at bumaba na ako. Paglabas ko ay naabutan ko si Mamita sa kusina na naghahanda ng almusal.

"O, moonpie," bungad niya nang makita ako. "Anong nangyari sa mukha mo?"

"P-po?" Kinabahan ako sandali. Ang akala ko ay nakikita na niya ang pangit kong anyo. "A-ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Ang ibig kong sabihin, bakit mukhang malungkot ka eh kay aga-aga pa lang." paglilinaw niya. "May nangyari ba?"

Hindi ko agad nagawang tumugon. Naalala ko si Mang Gustin at ang bote. Desperada na talaga akong makita siya.

"Eh, Mamita kasi, um," Napakamot ako sa ulo. "Ano, um, may balita na po ba kayo kay Mang Gustin?"

"Hay," buntong-hininga niya. "Anak, sinabi ko na sa'yo, hindi ba? Hindi gano'n kadali maghanap ng tao lalo na kung hindi ko naman alam kung anong hitsura niya."

"Mamita, sige na. Subukan n'yo lang po uli? Tingnan natin sa may bolang Kristal mo, please?"

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nagbunong-hininga si Mamita, "O siya, sige na. Halika na nga. Nang maglubay ka na."

Napangiti ako nang malawak sa kanya. Dali-dali ko siyang sinundan sa silid kung saan nakalagay ang kanyang tarot cards, potions, crystals, pati na rin ang kanyang bolang Kristal. Sinuot niya ang kanyang bandanna at naupo sa harap no'n.

"OK," pumikit siya saka huminga nang malalim. "Ilarawan mo uli sa akin ang hitsura ni Mang Gustin."

Kagaya nang hiling niya ay sinubukan kong ilarawan si Mang Gustin ayon sa pagkakaalala ko. Nang matapos ako ay hindi agad nagsalita si Mamita. Matagal niyang inikot-ikot ang kanyang mga kamay sa paligid ng kanyang bolang Kristal.

"Hmm," hindi nagtagal ay saad niya. "May nakikita ako."

"T-talaga po, Mamita?" Napalunok ako. "A-ano pong nakikita ninyo?"

"Bote," tugon niya. "Isang bote."

Natigilan ako. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Nakikita ni Mamita ang bote!

"A-ano pong tungkol sa bote?" Hindi magkandatutong usisa ko. "Mamita, sumagot ka!"

Nagsalubong ang kilay ni Mamita. "May bote at may babae. Malabo ang imahe niya. May hawak siyang martilyo at parang balak basagin ang bote."

Nagmulat ng paningin si Mamita. Hinilot-hilot niya ang kanyang sintido na parang biglang sumakit ang ulo. Ako naman ay natulala. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Sinong babae ang tinutukoy ni Mamita? Nasaan si Mang Gustin? Bakit gustong basagin ng babae ang bote?

"Mamita, ano pong hitsura ng babae?" piksi ko. "Kaya n'yo po bang alamin mula sa bolang Kristal kung saan siya matatagpuan?"

"Malabo, moon pie. Hindi ko makita. Masiyado rin siyang malayo para makita ko mula sa bolang Kristal ang kinaroroonan niya."

Hindi ako nakasagot. Napalunok ako. Sa mga nalaman ko ay lalong nadagdagan ang pag-aalala ko para kay Gin.

"Ang weird. Hindi ko nakita ang Mang Gustin na sinasabi mo. Mukhang nangangalawang na 'yata ang Mamita mo, moon pie."

Nagbuntong-hininga si Mamita. Hindi ko naman magawang sumagot. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanyang walang mali sa hula niya.

"Halika na nga, moon pie. Kumain na tayo. Huwag kang mag-alala at sa susunod ay susubukan ko uling hanapin si Mang Gustin para naman maibalik na 'yung pera ng kaklase mo."

Tumango lang ako. Napapabuntong-hiningang sumunod ako sa kanya pabalik ng kusina. May kutob akong wala na kay Mang Gustin ang bote. Kung sino man ang babaeng may hawak ng bote ay tinangka niyang sirain ang bote. Iyon ang dahilan kaya biglang nanghina si Gin. Kung nabigo siyang sirain iyon ay siguradong tatangkain niya uling sirain ito. Kailangan ko siyang makita. Sana naman bago pa niya tuluyang masira ang bote ay mahanap na siya ni Mamita.

OPPOSITE WISHESDär berättelser lever. Upptäck nu