25

148 4 3
                                    

"Hi."

Nag-angat ako ng ulo mula sa aking libro. Napanganga ako nang makita ko si Maggie Dela Torre. She's wearing a black faux wrap dress and I almost drool. Grabe, sa tuwing nakikita ko ang babaeng ito, parang lalo siyang gumaganda. Ang ending nito, baka ako pa ang ma-inlove sa bruhang 'to, ha.

"Hey," pinadaan niya ang isang kamay sa mukha ko. "Nakikita mo ba ako?"

Bigla akong namula sa labis na kahihiyan. Ipinilig-pilig ko ang aking ulo. Nang kumurap siya ay pasimple ko ring pinahiran ang laway sa gilid ng labi ko.

"P-pasensiya na," saad ko. "Ano bang kailangan mo?"

Ngumiti siya. "Well, I was with Paul earlier and he has a schedule raw to practice. Kaso ang dami niyang homeworks. Sabi ko, tutulungan ko siya kaso, may schedule nga pala ako ng facial later."

"Um." Napakamot ako ng ulo. "So... gusto mong ako na lang ang tumapos ng homeworks niya?"

"Yep." Mabilis niyang tugon. Kahit wala pa naman akong sinasabi ay inilapag na niya sa kandungan ko ang tatlong makakapal na libro at apat na notebooks. "Pakigawa mo na rin yung akin."

"Ha?"

"Kung OK lang!" Ngumiti uli siya. "Thank you!"

Ibinuka ko ang aking bibig. Bago pa ako tuluyang makasagot ay tinalikuran na niya ako. Napapakamot ng ulong sinundan ko na lang ng tanaw ang pakendeng-kendeng niyang balakang habang naglalakad siya palayo. Napabuntong-hininga ako nang tuluyan na siyang mawala. Namomroblemang pinagmasdan ko ang mga libro at notebook na iniwan niya.

"Hay," saad ko. "Pa'no ba 'to?"

Pinag-aralan ko ang homeworks ni Paul at ni Maggie. Nang ma-gets ko iyon ay agad akong nagtungo sa library para doon iyon tapusin. Nakasimangot naman na pinanood ako ni Gin.

"Seriously?" Hindi makapaniwalang bungad niya sa akin. "Alam mo ba talaga kung anong ginagawa mo?"

"Sshh," saway ko sa kanya. "Huwag ka ngang maingay diyan. Kita mong nag-ko-concentrate 'yung tao eh. Konti na lang 'to."

"Hay," buntong-hininga ni Gin. Napailing-iling siya. "Bahala ka sa buhay mo."

Bago pa ako muling makahirit ay naglaho na siya na parang bula. "Epal talaga ng mokong na 'yun!" bulalas ko. Hindi ko namalayan na napalakas pala 'yung pagkakasabi ko. Nang mapatingin ako sa librarian ay taas kilay na inginuso niya sa akin 'yung signage na may nakalagay na Silence. Napangiti ako nang alinlangan sa kanya at nangakong ititikom na ang bibig ko.

Dalawang oras ko ginawa ang homeworks nina Paul at Maggie. Halos maubos ang brain cells ko. Palabas na ako ng library nang biglang mag-text sa akin si Maggie. Nasa gym na raw siya at nanonood ng practice nina Paul. Isunod ko na lang daw doon ang homeworks nila. Agad na nag-skip a beat ang heart ko sa posibilidad na makikita ko si Paul. Nagmamadali akong naglakad papunta ng gym. Nang may madaanan akong sasakyan ay sandali muna akong nanalamin doon. Nilawayan ko pa 'yung dalawang kilay ko. Ngumiti ako. Hay. Ang pangit talaga. Hayaan mo na nga.



HINDI ko kaagad nagawang pumasok ng gym. Ilang sandaling nagpalakad-lakad muna ako sa harap noon. Iniisip ko kung paano ko iaabot ang mga libro at notebook kay Paul. Iniisip ko kung ngingitian ko ba siya. Iniisip ko kung kakausapin ko ba siya. Hay, ano ba talagang gagawin ko?

Huminga ako nang malalim. Nang masigurado kong nakaipon na ako ng sapat na lakas ng loob ay malalaki ang hakbang na pumasok na ako sa gym. Wala akong gaanong taong naabutan doon kaya madali kong namataan si Maggie. Nakaupo siya sa bleachers at may hawak na bottled water. Malawak ang ngiti niya habang nakatingin sa court. Nang ibaling ko ang tingin ko doon ay nakita ko si Paul. Todo-bigay ito habang dinidribol-dribol ang bola. Nag-skip a beat na naman ang heart ko. Pakiramdam ko sandaling huminto ang ikot ng mundo. Parang naengkantong pinagmasdan ko siya. Natauhan lamang ako nang tawagin ako ni Maggie.

"Hey, Ella!" sigaw niya. "Over here!"

Sinenyasan niya ako na lumapit sa kanya. Wala akong nagawa kung hindi ang sumunod. Gusto ko sanang kay Paul mismo iabot ang homeworks kaso wala akong nagawa kung hindi ibigay iyon kay Maggie nang kuhanin niya sa akin.

"Thank you," sabi niya, pero mukhang labas naman sa ilong. "Sige na, makakaalis ka na."

"Huh?" Kumunot ang noo ko. "Hindi ba puwedeng panoorin ko lang sandali 'yung practice nina Paul? Tingnan mo, o. Ang galing-galing niya eh!"

Kahit wala pang sinasabi si Maggie ay naupo ako sa tabi niya. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang pero parang nakita kong sumimangot si Maggie. Nang tingnan ko naman ay nakangiti na uli siya sa akin.

"Sure, why not?" sabi niya. "Tutal nakaupo ka na rin lang naman diyan."

Halos hindi na rumehistro iyon sa pandinig ko. Naka-focus ako kay Paul. Nang magsunod-sunod ang score na nakuha niya ay hindi ko napigilan ang sarili ko. Para akong sinapian na kumendeng-kendeng habang kumakanta.

"I love you baby! And if it's quite alright, I need you baby, to warm my lonely nights! And let me love you, baby, let me love you!"

Umalingawngaw sa buong gymnasium ang pagak kong boses. Napahinto sa paglalaro ang players at maging ang coach ay nakanganga rin na pinagmasdan ako. Huli na nang mamalayan ko ang kagagahan ko. Nakakagat-labing para akong Makahiya na biglang tumiklop. Napapailing-iling naman na nagtawanan ang mga co-player ni Paul.

"Pare, ang lakas talaga ng admirer mo!" narinig kong wika ng isa. "Pag di ka pa naman ginanahan niyan ha!"

Nakita kong namula si Paul. Sinulyapan niya ako at bahagyang kumaway. Parang muling huminto sa pagtibok ang puso ko. Labas ang gilagild na kumaway ako pabalik. Grabe, ang saya-saya ko, ati. Parang puwede na akong mamatay.

"Aray!" Tinabig ako ni Maggie. Kamuntik na akong mahulog sa bleachers. Bigla akong bawi sa sinabi ko. Joke lang pala, Lord! Huwag po muna ninyo akong kunin! Magpapakasal pa kami nitong si Paul!

"Sorry," sabi niya sa akin. "Halika na. Patapos na ang practice. Sa labas na lang natin hintayin si Paul."

Sa sobrang pagkalutang ko ay wala sa loob na tumango na lang ako.



PAKANTA-KANTA ako habang sinasabon ang ma-nunal kong mukha. Parang sa araw-araw na lumilipas ay paganda nang paganda ang pakiramdam ko. Bumalik sa alaala ko ang simpleng pagkaway sa akin ni Paul kanina. Napapikit ako at hindi naiwasang hindi mapangiti. Pagdilat ko ay nakita ko si Gin sa may salamin at napasigaw ako.

"Buwisit ka!" Pinaghahampas ko siya ng kamay kong may sabon. "Ano bang problema mo ha!"

"Ikaw, may problema ka ba?" tanong niya sa akin. "Bakit ang ingay-ingay mo riyan?"

"Hoy! Para sabihin ko sa'yo, hindi ingay 'yun! Music ang tawag doon!" Muli kong naalala 'yung concert ko kanina sa gym at napangiti uli ako. "Parang 'yung ginawa ko lang kanina sa gym."

"Hay," napakamot ng batok si Gin. "Hindi mo ba naisip na baka nahiya lang sa'yo si Paul dahil ikaw ang gumawa ng homeworks niya kaya kinawayan ka niya?"

Sinimangutan ko siya. "Kahit isang libong homeworks pa ang kailangan kong gawin para lang mapalapit ako kay Paul, gagawin ko! Palibhasa hindi mo alam kung ano ang pagmamahal at kahit kailan ay wala kang kakayahang maramdaman 'yun kaya hindi mo naiintindihan! Para sabihin ko sa'yo, sacrifice ang tawag doon!"

Natigilan si Gin. Natigilan rin ako. Pakiramdam ko ay nasaktan ko siya sa sinabi ko.

"Um." Napalunok ako. "A-ang ibig kong sabihin..."

"Don't." pigil niya sa akin. "Tama ka naman eh. Siguro nga hindi ko alam kung ano ang pagmamahal. Pero ang sabihing wala akong kakayahang maramdaman iyon, doon ka nagkamali. Hindi inaalam ang pagmamahal, Ella. Nararamdaman iyon."

Napapalunok na napatitig ako kay Gin. A sudden wave of guilt rush through my veins. Gusto ko sanang mag-sorry sa kanya kaso bigla na lang siyang nawala. Napabuntong-hininga ako.

"Gin?" tawag ko. "Gin, nandiyan ka ba?"

Walang sagot. Wala na akong ibang nagawa. Hinugasan ko na lang ang mukha ko at tuluyan na akong nahiga sa kama. Matagal na akong nakahiga pero hindi pa rin ako dinadapuan ng antok. Naiisip ko si Gin. Nakokonsensiya talaga ako sa sinabi ko sa kanya. Binuksan ko ang ilaw at muli siyang tinawag.

"Gin?" saad ko. Wala pa ring sagot. Napabuntong-hininga ako. "Good night, Gin."

Huling saaad ko bago mulng patayin ang ilaw.

OPPOSITE WISHESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon