Isang Araw

156 8 10
                                    

Isang araw
Nag-message ka. Nagtanong kung kumusta ako.
Sa dami ng tumakbong ideya sa isip ko
Ay di ko malaman alin ang uunahin ko
Kaya nanahimik ako.
Pinili kong huwag magsalita
Sa takot na baka may masabi akong di tama.
 
Hindi tama
Dahil baka masabi kong na-miss kita.
Baka masabi kong gusto kitang makita.
Baka masabi kong sana ay kaharap kita.
Baka masabi kong, “Uy, mahal pa rin kita.”
 
Mahal. Pa. Rin. Kita.
Ang bigat pala
Kapag sabay na nag-iingay ang isip at puso ko
Na parehong napupuno ng pangungulila sa’yo;
Na parehong gustong isigaw ang pangalan mo;
Na parehong gustong muli ay may ikaw at ako.
 
Ikaw at ako.
Parang kahapon lang noong naging tayo
Na sinubok at pinaglayo ng kaliwa’t kanang tukso.
Mga tukso na di naglaon ay naging dahilan ng pagguho
Ng mga plano at pangarap na sabay nating binuo.
 
Binuo.
Binuo ko ang sarili kong nawasak ng iniwan mo
At sa isang mensahe’y nabuhayan ng panibagong pag-asa
Na baka isang araw, babalik ka at tatanggapin ako.
Napabulong tuloy ako, “isang araw, mamahalin mo muli ako.”
Isang araw.

*Hello! Just dropping by to post this. 😊 I love you all and thanks for the support. 💜

Kalipunan ng mga Salita ng Pusong SugatanWhere stories live. Discover now