30

26.9K 1.1K 993
                                    

• 🏐 •

Dumaan ang Sunday na sobrang bagal. Hindi ko alam kung inaasar ba ako o ano pero effective siya. Bored na bored ako kasi wala akong magawa since sinabi ni number eleven na magpapahinga lang daw siya ng buong araw. Gusto ko pa naman sanang ipakita sa kaniya iyong chalk art sa Session Road.

Ano kayang ginagawa ngayon ni number eleven?

Malamang, Kai, nagpapahinga. Pero hindi ba pwedeng i-check niya iyong phone niya habang nagpapahinga siya? Tsk. Ang clingy ko naman yata sa part na iyon? Nag-DM kasi ako pero hindi pa niya nababasa.

Tulog pa siguro?

Pinagod mo kasi kagabi, Kai.

Napapikit na lang ako at diretsong ininom iyong kape ko kahit umuusok pa. Napaso ang dila ko pero hindi pa rin sapat iyon para tumigil ang utak ko sa mga kalokohang naiisip.

Umayos ka nga, Kaizen.

Mga pinag-iisip mo, e.

Kung kumakain ngayon si number eleven, sure akong nabibilaukan na iyon.

"Kai, kumusta ang date mo kahapon?" Nakangising tanong ni Tita Melba habang nag-aalmusal kami.

Badtrip. Ako pa yata ang mabibilaukan!

"Hindi po iyon date, 'ta," sagot ko.

"Asus! Ganiyang ganiyan din ako no'ng kabataan ko. Sasabihing hindi date pero ang totoo ay nakipagkita sa isa sa mga manliligaw. Kahit tanungin mo pa itong mama mo."

Ngumuso lang ako sabay kain ng pandesal. Kung high school pa siguro ako ngayon, considered na date iyong ginawa namin ni number eleven. Kahit ako lang ang nakakaalam. Pero iba na ngayon. Alam ko na ang kaibahan ng reality sa delusyon.

At speaking of reality, grabe, nararamdaman ko pa rin iyong yakap ni number eleven sa 'kin ng gabing iyon. Totoo na nangyari iyon, 'di ba? Tinanong ko pa nga iyong taxi driver no'n kung totoong nakasakay ako sa taxi niya, e. Sumagot naman siya ng oo. Kaya ro'n talaga nag-sink in sa 'kin na niyakap ako ni number eleven.

Kaya rin ang sarap ng tulog ko kagabi, e.

Nakatulog nang nakangiti ang Kaizen. Tsk. Ang landi.

"Sinong kaibigan pala iyong kasama mo kahapon, Kai?" Tanong naman ni mama.

Napakurap ako. "Uhm, si Roen po."

"Sinong Roen?"

"Uh, tanda n'yo po iyong pinanood nating finals sa TV no'ng last ko pong uwi rito? Iyong kapareho ko po ng jersey number na tiga-Westmore University."

Saglit na nag-isip si mama. "Ah! Iyong pinakita ang girlfriend sa audience?"

Automatic na kumunot ang noo ko ro'n. "Hindi niya po girlfriend iyon."

"Gano'n ba? Pero kaibigan mo pala iyon? Nandito siya sa Baguio?"

"Opo. Ano, nagtanong po siya kung pwede ko ba siyang i-tour dito. Kaya iyon po..."

"Lalaki?" Tanong naman ni Tita Melba at tumango ako. "May picture ka? Patingin ako!"

Nilabas ko iyong phone ko at pumunta sa IG profile ni number eleven. Doon ko nga lang din nakita na may bago pala siyang post. Picture iyon ng view mula yata sa hotel room niya.

"Ang gwapong bata naman niyan, Kai. Ba't hindi mo dalhin dito? Ipakilala mo kami!"

"Melba, parang anak mo na iyan," sabi ni mama.

Natawa ako lalo na no'ng magsimulang magbangayan sina mama at tita. Hindi ko na lang sila pinansin at nag-focus na lang ako sa pagkain at paghihintay ng reply ni number eleven... na 2PM na dumating! Late na nagising ang MVP.

Jersey Number ElevenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon