"Bagong Vladimir ...Ang Bampira
-------
Nagsisimula ng bumagsak ang niyebe at nasa huling buwan na ng taglamig sa Europa. Isang karuwahe sa isang kubling lugar malapit sa hangganan ng Rusya at Ukraine hila ng apat na kabayo ang nakahimpil. Sa loob sina Ivan at Yorac ang naka-upo at sa tapat nilang upuan ay ang tulog na taong lobo. Sa tuwing gumagalaw ang ulo nito ay hinahataw ni Ivan sa ulo ng hawak niyang bakal na pamalo.
"Ano ba ang kailangan ni Ginoong Yuri sa halimaw na ito Ivan? Bakit hindi pa natin siya patayin?"
"Hindi ko alam insan. Basta't hintayin natin siya." Sabi ni Ivan habang minamasahe niya ang kanyang mga paa na parang naninigas na sa lamig.
"Nakita mo ba ang ginawa ni Ginoong Yuri kanina Ivan? Napakabilis at napakalakas niya. Hindi ako makapaniwala na nagapi niya ang higanteng halimaw na ito ng ganoon kadali."
"Oo nga! Pero kilala na si Ginoong Yuri noon pa. Mahusay siya talaga halos sa lahat ng duelo. Pero ang nakita natin ay parang ibang Yuri!"
"Hindi ka ba natatakot insan?"
"Saan?"
"Baka malaman ng mga kasama nitong halimaw ang nangyari sa kanya at tayo naman ang hanapin nila."
"Hindi insan. Sakali man na malaman nga nila ay lalaban tayo."
May marahang kumatok sa bintana ng karuwahe. Binuksan ni Ivan ang pinto. Nasa labas si Yuri. Tumingin sa paligid si Ivan muna. Napansin niya ang mga bakas lang ng tao sa niyebe. Naglakad lang si Yuri? Naisip niya. Pero hindi niya alam malayo pa lang si Yuri ay naririnig na nito ang usapan ng dalawa at ngayon ay ang nasa isip niya.
"Ginoong Yuri kayo pala!" Sabi ni Ivan.
Pumasok si Yuri sa loob ng karuwahe at umupo sa tapat nila.
"Dito na kayong dalawa sa loob at ako na sa labas. Masyadong malamig ang panahon. Basta't bantayan ninyo siya."
"Kayong masusunod Ginoong Yuri. Maitanong ko lang ho, bakit kailangan natin siya ng buhay?" Tanong ni Ivan.
"Siguro panahon na para malaman ninyo ang aking lihim. Sasabihin ko sa inyo mula sa simula at sana ay maunawaan ninyo ako at matanggap kung sino ako."
Sabi ni Yuri at nagsimula siyang magkwento sa dalawa. Habang nagsasalita siya ay pinagmamasdan niya ang reaksyon ng kanilang mga mukha at kung ano ang iniisip nila. Natapos ang kanyang kwento.
Mangha-mangha ang dalawa. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nalaman.
"Kung ganoon ho ay isa kayong bampira maging sina Madam Sofia? Pagkagitlang tanong ni Ivan.
" Oo Ivan." At nagbago ang anyo ni Yuri para makita ng dalawa.
"Huwag kayong matakot!"
"Hindi ho ako natatakot Ginoong Yuri. Kung halimaw nga kayo ay matagal na sana kaming patay." Sagot ni Ivan.
"Ako rin Ginoong Yuri, naniniwala ako sa kabutihan ninyo!" Ani ni Yorac.
"Salamat sa inyong dalawa. Isinumpa ko na lilipulin ko lahat ng mga alagad ng kadiliman maging ang may likha sa akin."
"Hanggat buhay kami Ginoong Yuri ay katulong mo kami sayong layunin." Sabi ni Ivan.
*****
Sa mansion ng mga Gustav ay humahangos na pumasok ang isang alagad ni Assov. Nasa bulwagan ang magkapatid.
"Assov, nawawala si Rigor ang isa nating bantay sa hangganan. May mga bakas na nakipaglaban siya!"
"Sino ang nakalaban niya?"
"Hindi pa namin alam pero tatlo ang nakita naming bakas ng tao. Nawala ang amoy nila dahil sa umulan ng niyebe.!"
"Ahhhh! Malakas si Rigor. Hindi siya basta na lang matatalo." Sabi ni Petrovich.
Narinig ni Boris ang usapan nila. Bumaba siya sa hagdan.
"Malakas ang kutob ko na si Yuri ang may gawa mga anak."
"Kung siya nga alam ay na niya na narito ka Papa at kung sino tayo!"sabi ni Assov.
" Huwag kang matakot kapatid. Marami tayo at higit na malakas sa kanya."
"Hindi ako natatakot Assov. Gusto ko lang maghanda tayo at maging alerto sa lahat ng oras."
"Ang mabuti pa ay magpadala ka ng mga tao sa Vladivostok. Magmanman at magtanong doon para malaman natin kung nasaan si Yuri." Sabi ni Boris.
"Masusunod papa."
*****
Bumaba sa karuwahe si Yuri at binuksan niya ang pinto ng karuwahe. Nasa tapat na sila ng mansion. Halos magdamag silang naglakbay.
"Ivan dalhin ninyo siya sa basement sa katabing silid nina Vladimir."
Sumunod sina Ivan. Pumasok si Yuri sa bulwagan at sinalubong siya ni Sofia na agad na yumakap sa kanya
"Na-missed kita mahal." Bulong ni Sofia.
"Ako rin mahal ko. Kaya nagmadali akong maka-uwi na kami."
Ginawaran niya ng halik sa mga labi ang asawa.
"Kumusta na sina Vladimir?"
"Mabuti na sila. Natanggap na nila!"
"Mabuti kung ganoon. Tara dala na namin ang lunas nila."
Bumaba sila sa basement at pumasok sa silid nina Vladimir. Tumayo ang mag-asawa ng makita nila si Yuri.
"Vladimir, Lucia sumunod kayo sa akin." Sabi ni Yuri.
Pumasok sila sa kabilang silid. Nasa kama ang nakahigang si Rigor at wala na ang suklob na sako sa ulo. Nakapikit ang kanyang mga mata.
"Vladimir dugo niya ang lunas para makalabas kayo sa araw. Sige na. Mauna ka na Vladimir."
Lumapit si Vladimir sa kama. Lumabas ang mga pangil sa kanyang bibig. Payuko na siya ng biglang dumilat si Rigor.
Sa lakas ni Rigor ay napatid niya ang posas sa kanyang kamay at sinalya si Vladimir na tumalsik sa pader. Hinawakan ni Rigor ang posas sa kanyang mga paa at hinila. Nasira ito at napatid. Tumayo siya sa ibabaw ng kama.
"Kayo! Magbabayad kayo sa ginawa ninyo sa akin! Growlll!"
Biglang mabilis na nagbago ang kanyang anyo. Humaba ang kanyang mga paa at kamay. Nawarak ang kanyang damit. Umusli ang kanyang dibdib at bibig. Humaba ang mga tenga at mga balahibo sa buong katawan. Ganap na siyang naging taong lobo.
"Growwl!!!"
Halos pitong piye na ang tangkad ni Rigor. Nanlilisik ang mga pulang mata. Bumuka ang kanyang bunganga at lumabas ang mahahaba ay matutulis niyang mga ngipin at dalawang pangil. Tumutulo ang kanyang laway.
Nabigla sina Sofia, Lucia sa nakita nila. Nakatayo pa rin si Yuri sa pintuan. Tumayo naman si Vladimir na nabigla rin. Nagbago na rin ang kanyang anyo. Ang mga kulay berde niyang mga mata ay naging pula na. Humaba ang mga kuko niya sa mga kamay at sumisingasing na. Masama ang tingin niya kay Rigor.
Tumalon si Rigor para dambahin sina Sofia at Lucia na nagbago na rin ang mga anyo. Nasa ere pa lang si Rigor ng biglang may yumakap sa kanyang baywang. Bumagsak sila sa kama at nagiba ito sa bigat nilang dalawa. Mabilis na nakatayo si Vladimir at binigwasan niya si Rigor. Sapol ito sa panga.
Lalapit na sana sina Lucia at Sofia ng pigilan sila ni Yuri.
"Huwag! Hayaan ninyo si Vladimir!"
Dinaklot ni Rigor ang balikat ni Vladimir. Bumaon ang kanyang mga mahahabang kuko. Napahiyaw si Vladimir. Inilalapit ni Rigor si Vladimir sa kanyang bibig na nakabuka na. Dinakma naman ni Vladimir ang leeg ni Rigor at bumaon din ang kanyang mga kuko. Itinutulak niya ang taong lobo. Pero malakas si Rigor at lalo nitong ibinaon ang kanyang mga kuko sa balikat ni Vladimir. Umagos ang dugo sa kanyang dibdib.
Hinawakan ni Vladimir ang ulo ni Rigor. Ginamit niya ang kanyang dalawang hinlalaki at diniinan ang dalawang mata ng halimaw. Pinisil niya at bumaon ang kanyang mga kuko. Napisak ang mga mata ng halimaw at binitawan si Vladimir. Sinamantala ni Vladimir ang pagkakawala niya. Isang malakas na upper cut ang kanyang ginawa. Sapol sa panga si Rigor at umalsa pa ito. Bumagsak ang halimaw sa sahig.
Kasunod na niya si Vladimir at sinunggaban na siya sa ulo at balikat. Bumaon ang mga kuko ni Vladimir. Ipiniling niya ang ulo ni Rigor at kinagat ang leeg nito. Umatungal ang halimaw at hinawakan si Vladimir sa balikat at itinulak niya palayo. Malalim ang pagkakagat ni Vladimir at sinisipsip niya ng mabilis ang dugo ng halimaw.
Bumitaw si Rigor kay Vladimir tanda ng panghihina nito.
"Lucia ikaw naman!" Sigaw ni Yuri.
Lumapit si Lucia sa dalawa. Nakabuka ang bibig at labas ang mga pangil. Bumitaw si Vladimir kay Rigor at si Lucia naman ang kumagat.
Hindi na gumagalaw si Rigor ng iangat ni Lucia ang kanyang ulo. Patay na si Rigor. Lumapit si Yuri. Hinawakan niya sa ulo ang halimaw. Iniangat niya at napaupo ang halimaw sa sahig. Pinilipit niya ang ulo ng pakaliwa at pakanan. Lumagutok ang mga buto sa leeg at kanya itong hinila. Napirat ang balat at laman sa leeg at napugot ang ulo.
"Ahhhhhhh!" Humingal si Vladimir. Warak ang kanyang damit. Huminto na sa pagdugo ang kanyang mga sugat.
"Ganito pala ang pakiramdam ng isang bambira. Ngayon makapaghihiganti na kami sa kanila." Sabi niya kay Yuri.
"Oo Vladimir. Hindi ako nagkamali na buhayin kayong muli ni Lucia. Sama-sama tayong apat para singilin ang angkan ni Boris sa kanilang kasalanan sa atin."
Kumapal ang huling pagbagsak ng niyebe sa labas na lalong pinaputi ng liwanag ng buwan.
***********