"Ano'ng tinitingin mo?" nakairap na tanong ni Yolly kay Andy. Paano'y kung makatingin kasi ang binata sa kanya ay wagas. Pababa at pataas pa kaya nainis siya ulit dito.
"Wala. Hinuhulaan ko lang kung 'yung red na undies ba ang isinuot mo o iba. Meron ka palang gano'n, ha? Savage," pang-aasar na nga ni Andy sa kanya.
"Tse!" naniningkit ang mga matang angil niya rito. Pero deep inside ay nahihiya pa rin siya talaga. Kainis naman kasi ang p*nty na iyon, epal! Grrr!
"Hahaha!" Ang lutong na naman ng naging tawa ni Andy.
Uupakan na sana niya ito. Ang lakas mang-asar, eh, pero biglang lumabas na kasi ang nanay niya.
"Mga anak, ito na ang baon niyo." Dala ni Aling Yolanda ang mga baunan nila na nakalagay sa paper bag.
"'Nay, hindi ka na dapat nag-abala," sabi ni Andy sabay kuha sa paper bag.
"Naku, lagi ko 'yang ginagawa kay Yolly. Para makatipid," sabi rin ni Aling Yolanda.
Seryoso ang mukhang napatingin si Andy kay Yolly. Kaya pala hindi niya madalas nakikita si Yolly sa school canteen o sa café dahil may baon pala ito lagi. Saan kaya ito kumakain? Ah, baka sa loob ng classroom na rin.
"Sige na, sige na. Umalis na kayo para hindi kayo ma-late."
"Sige po, 'Nay." Humalik muna si Yolly kay Aling Yolanda.
Ginaya iyon ni Andy na ikinatuwa ni Aling Yolanda, na ikinaismid naman niya. Nakiki-nanay na nga, nakiki-kiss pa. Abusado, ah?
"Sige na. Ingat kayo, mga anak."
Naunang lumakad na si Yolly. Nga lang ay napatanga sina Aling Yolanda at Andy nang tuloy-tuloy na lumabas ito ng gate.
"Wait lang, 'Nay." Naibalik tuloy ni Andy ang baon nila kay Aling Yolanda. Madaling hinabol niya si Yolly, at suwerte dahil napigilan niya ito sa braso nang akmang sasakay na ang dalaga sa jeep.
"Ano ba?!" angil ni Yolly.
"Where you going?" Salubong ang kilay ni Andy habang hawak sa braso ang dalaga.
"Papasok na sa school. Sa'n pa ba?" sarkastikong sagot naman ni Yolly.
"Eh, 'di sabay na tayo. I have my car."
"Sorry, pero ayoko pa lang dumikit sa 'yo. Kaya ko pala ang sarili ko." Totoo 'yon, habang kinukuha ni Yolly ang tulog niya kagabi ay nag-isip siya. At naisip niya na mas baka mapapahamak lang pala sila ng anak niya kung didikit siya kay Andy.
"What? Hindi ba't may napag-usapan na tayo kagabi?" Dismayado ang boses ni Andy. Umasa kasi siya, umasa siya na pagkakatiwalaan ulit siya ng dalaga, kaso hindi pala. Nakakasakit ng damdamin.
"Binabawi ko na. Kung gusto mong mag-aral, mag-aral ka at gano'n din ako pero mag-aaral ako na hindi ko kailangan ang tulong mo."
"You're crazy! Ang labo mo talagang kausap!"
Sumabad ang driver ng jeep sa usapan nila. "Hoy, sasakay ba kayo o hindi?!"
Nahiya si Yolly dahil pati mga pasahero ay masama na ang tingin sa kanila. "O-opo. Sasakay po ako," sagot niya sabay bawi sa braso niyang hawak ni Andy. Walang anumang sumakay na siya sa jeep.
Kaso ay sumunod si Andy. Tabi sila ng upuan.
Sinamaan niya ito ng tingin, pinapababa niya, pero iniwas ni Andy ang mga mata. Pasimpleng patingin-tingin sa kung saan-saan.
Pati si Aling Yolanda na nakatingin sa kanila ay nagulat dahil parehas silang sumakay na at hindi na nakuha 'yong baon nila.
"'Tong baon niyo!" sigaw ng ginang ngunit hindi na ito narinig ng dalawa.
"Ano'ng ginagawa mo?! Bumaba ka nga!" pabulong na singhal ni Yolly kay Andy pero dedma pa rin si Andy sa kanya. Sa halip ay umayos pa nga ito ng pagkakaupo. Sumiksik pa ito sa kanya nang may sumakay pang pasahero.
"Ano ba?!" angil niya rito dahil panay ang siksik sa kanya.
"Masikip, eh," mahinang reklamo ni Andy.
Inirapan niya ito ng pagkasama-sama. Sana nga nakakamatay ang masamang tingin nang mawala ito sa landas niya. Hindi na nakakatuwa, eh.
Nag-peace sign sa kanya si Andy habang nagpapa-cute.
Tss. Kaysa patulan pa ito ay ibinuntong-hininga na lang niya ang inis. Hinayaan na lang niya ito dahil nakatingin na naman sa kanila ang mga kapwa nila pasahero. Parang mga nagtataka sa kanilang kulitan o bangayan.
Kinalikot na lang niya ang bag niya. Kukuha sana siya ng pamasahe, kaya lang ay inunahan siya ni Andy.
"Dalawa po kami diyan." Agad na may inabot si Andy na pera sa konduktor ng jeep.
Nga lang isang malutong na isang libo iyon. "Boss, maaga pa, wala pa kaming pambarya rito. Barya lang po sa umaga," kaya sabi ng konduktor. Ibinalik ang pera kay Andy.
"Pero ito lang po ang cash ko," maang na katwiran ni Andy. "Credit or debit card? Tumatanggap po kayo?"
Tinginan na naman ang pasahero sa kanila.
Nagtakip na talaga ng mukha si Yolly. Hiyang-hiya siya sa pinagagawa ni Andy. Ano'ng akala nito sa jeep may pang-swipe? Naku naman talaga!
Bahagyang siniko na siya nito. Nagpapatulong na. Nagmamagaling kasi, eh!
"Wala akong barya," bulong sa kanya ni Andy. Ibinibigay sa kanya iyong isang libo.
Wala na naman siyang choice kahit labag man sa kalooban niya. "Kuya, dalawa na kami rito," sabi na niya sa konduktor. Inabot niya ang bente pesos dahil walong peso lang naman ang pamasahe.
Nahihiya na ibinalik ni Andy ang pera nito sa wallet nito. Pangisi-ngisi na lang ito sa kanya. Pahiya pa more.
Hindi nagtagal at kapansin-pansin na pawisan na si Andy. Namumutla na rin ito at paminsan-minsan ay napapaubo dahil sa alikabok at usok ng mga sasakyan. Halatang hindi talaga sanay sa pampublikong sasakyan. Pero kapag titingnan naman niya ito ay pinipilit nitong ngumiti.
"Okay ka lang?" Kahit paano ay nag-alala na si Yolly para rito. Namumutla na kasi ang binata.
"Yeah. I'm fine," pagsisinungaling ni Andy kahit na napapabuga na ito. Kinakapos na ito ng hangin. Hindi na masyado makahinga at parang masusuka pa.
Mabuti na lang at nakarating pa sila sa Sanchi College na buhay ang binata. Umabot ng buhay.
"Hoh!" Nakahinga nang maluwag si Andy nang bumaba na sila sa jeep.
Tiningnan niya ito nang masama. "Alam mo ang arte mo?"
"I'm just not used to commuting," paghingi ng dispensa ni Andy. Okay naman ang pagsakay sa jeep. Para sa kanya ay enjoy nga, eh. Ang kaso hindi lang niya talaga nakayanan ay ang halu-halong amoy na nalanghap niya.
"Sabagay lagi ka kasing naka-kotse at naka-motor. Sana all," ani Yolly.
"First time, eh. Pero siguro sa mga susunod kayang-kaya na."
"Wala nang susunod. Ayokong mag-alaga ng taong mahina ang sikmura sa jeep," nakairap namang sabi ni Yolly. Pero in fairness, ang cute pa rin ni Andy tingnan kahit nahihirapan ang hitsura nito. Mas gumawapo pa nga sa wet look nito gawa ng pawis. Kung siya 'yon siguro nagmukha siyang ginahasa ng maligno. Nasa'n ang hustisya? Pfft!
"Let's go. Late na tayo." Nauna nang lumakad si Andy.
Bumuntong-hininga naman siya bago sumunod. Nakabuntot siya sa likod ni Andy. Ang hitsura niya'y parang may tinataguan.
"What on earth are you doing? Bodyguard ba kita at nandiyan ka sa likod ko?" pansin sa kanya ni Andy.
"Hayaan mo na ako. Lumakad ka lang," halos pabulong sa sabi niya rito.
At tulad ng inaasahan nila, hayan na nga ang mga matang mapanghusga. Isa-isa nang tumingin sa dako nila.
Kinabahan si Yolly. Kakayanin ba niya ito? Juskolord!
Nang biglang inakbayan siya ni Andy. Natigil siya dahil imbis na kiligin ay parang sinikmuran siya nang wala sa oras sa kanyang pakiramdam. Napatingin siya sa kamay ni Andy na nasa balikat niya.
"Ako na ang nakikiusap sa 'yo, Yolly. Stay close to me for the sake of our baby. Isipin mo lagi na safe siya kapag kasama mo ako lagi," pakiusap ni Andy sa kanya na hindi tumitingin.
Dahan-dahan ay sa guwapong mukha naman ni Andy napatingin si Yolly. At nakita niya na balik maangas na ang hitsura nito. Nakataas ang noo, seryoso at astig. Ang mga mata nito'y parang kakain na naman ng buhay sakaling masaktan siya o ang anak nila.