64: Lover's Quarrel

3M 67.7K 44.9K
                                    

Ang bigat pala sa pakiramdam kapag magkaaway kayo ng taong mahal mo. Walang text, walang tawag, walang kumustahan.

Buong gabi kong inisip lahat ng nangyari kahapon. Nilagay ko 'yong sarili ko sa sitwasyon ni Jeydon. Paano kung isang araw, makita ko sila ni Kim na magkayakap? Malamang, gano'n din 'yong magiging reaksyon ko. Siguro nga, mas malala pa. Ang tanga-tanga ko naman kasi, e. Hindi ko man lang naisip 'yong game nila. Hindi ko man lang siya naisip pero ang nakakainis lang, hindi man lang niya ako binigyan ng chance para mag-explain. Masyado siyang nadala ng selos tsaka ng galit. Kung tutuusin, may mali rin ako. Hindi na nga ako pumunta sa game niya tapos naabutan pa niya akong kayakap si Lucas. Kaso sapat na dahilan na ba 'yon para sabihin niyang nakikipaglandian ako? Parang sinabi niya na ring malandi ako. Ako na girlfriend niya.

Sa huli napagdesisyunan ko na lang na hayaan muna siya. May kasalanan din naman siya sa 'kin, e. Naglihim siya sa 'kin. Isa pa, kaya lang naman ako umiyak dahil sa inis ko sa paglilihim niya sa 'kin. Gusto lang akong i-comfort ni Lucas noong time na 'yon.

Ewan ko, naguluhan na ako. Bahala na kung anong mangyari kapag nagkita kaming dalawa.

"Candice, breakfast na."

"Okay, Yaya, bababa na rin ako." Sinilip ko muna 'yong cellphone ko kung may text siya pero wala, kaya bumaba na ako.

"Manang, tanghali ka nang nagising, ah."

Aba, nandoon na pala ang magaling kong kuya at mukhang kakaiba ang aura niya, ah. Tiningnan ko 'yong orasan. Ang aga pa.

"Kuya, may sakit ka ba? Ang aga mong nagising, e. Six pa lang, 'di ba?" Hindi niya ako sinagot. Busy siya sa cellphone niya tapos grabe 'yong ngiti niya. Pumunta ako sa likod niya tapos tiningnan ko kung sino 'yong ka-text niya at abot na sa langit 'yong ngiti niya.

From: Sirena ko

I love you, sweetie pie. :-*

"Waaaaaa!"

Napatingin sa 'kin sina Mama at Yaya. Nagulat si Kuya Charles noong nakita niya ako. Sa sobrang busy niya kaka-text, hindi niya ako napansin sa likod niya.

"Anak, anong problema mo?"

Ang sama ng tingin sa 'kin ni Kuya, mukhang alam na niyang nabasa ko 'yong text niya.

"Sweetie pie?!" Hindi ko napigilan 'yong tawa ko. Babatuhin sana ako ni Kuya ng diyaryo pero nakailag ako.

"Hoy, Candice, subukan mo lang!"

Ang sama talaga ng tingin niya sa 'kin. Tawa pa rin ako nang tawa. Sa lahat ba naman ng tawagang maiisip nila, sweetie pie pa? For sure, si Kuya Charles ang nag-isip no'n.

"Si Kuya Charles na at Ate Serina!" Lumayo agad ako kay Kuya at tumabi kay Mama. Gulat na gulat sila ni Yaya sa sinabi ko.

"Ang ingay mo!"

Matutunaw na siguro ako sa tingin sa 'kin ni Kuya.

"'Di ba, inunahan mo rin akong sabihin 'yong tungkol sa 'min ni Jeydon? Kaya quits lang tayo." Akala niya, nakalimutan ko na 'yon? Wahaha!

"Charles naman, bakit hindi mo man lang sa 'min sinabi? Botong-boto naman ako kay Serina, e." Obvious na obvious naman sa reaksyon ni Mama, e.

"Mama, noong isang araw lang naman naging kami. Sasabihin ko naman, e. Inunahan lang ako ng isa riyan." Nakadiin talaga 'yong pagkakasabi niya ng "inunahan," ah, with matching titig pa 'yon. E, bakit? Ginawa rin naman niya sa 'kin 'yon dati, ah.

"Aba, parehong in a relationship na ang mga alaga ko. Dapat mag-celebrate tayo niyan."

Umupo ako sa table at kumain. Celebrate? E, magkaaway nga kami ni Jeydon.

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon