59: Meet the Father

2.9M 69.6K 33.5K
                                    

Sa sobrang pagkataranta ko, pinulot ko 'yong basag na baso sa sahig. Alam kong katangahan 'yong ginawa ko pero wala na ako sa sarili ko, e. Wala na akong pakialam kahit may dugo na sa kamay ko. Para ngang wala akong naramdamang sakit. Maya-maya, may kamay na humawak sa sa 'kin.

"Candice, anak, pabayaan mo na 'yan."

Inalis ko agad 'yong kamay niya sa kamay ko. Tiningnan ko siya. Anak? Wow, ha?

"Anong ginagawa mo rito?"

"Candice, I'm here for you."

Natawa ako sa sinabi niya, ang sama tuloy ng tingin sa 'kin ni Mama. Alam kong nakita 'yon ni Jeydon pero wala akong pakiaalam. Tama lang na malaman niya kung gaano ko kinamumuhian 'yong tatay ko.

"Pagkatapos ng tatlong taong hindi mo man lang ako naalala, bigla-bigla kang magpapakita sa 'kin tapos sasabihin mong nandito ka para sa 'kin? Sinong niloloko mo?"

"Alam kong galit ka sa 'kin. Patawarin mo ako. Candice, anak..." Hahawakan sana niya 'yong kamay ko pero nilayo ko agad 'yon sa kanya.

"Hindi mo ako, anak!"

"Candice! He's still your father!"

Nainis ako bigla. Feeling ko, maiiyak ako sa inis ko. "Simula nang tinalikuran niya ako, kinalimutan ko nang may tatay pa ako! Kaya pwede ba? Huwag niya na akong guluhin!" Naramdaman ko na 'yong galit.

"Mianheayo, Candice."

"Dakcho!" Ayaw ko nang makarinig pa sa kanya. Umalis ako ro'n at umakyat ako sa kwarto ko. Bakit kailangan pa niyang bumalik? Okay naman na ako na wala siya, e. Okay na okay na ako.

"Candice!" Tinawag ako ni Mama pero narinig kong pumasok na sina Kuya Charles sa loob kaya pinigilan lang siya nito.

Pumasok agad ako sa kwarto ko at isinara 'yong pinto. Sumandal ako sa pintuan. Napaupo ako roon at hindi ko na napigilang umiyak. Tuwing nakikita ko ulit si Papa, halo-halo na 'yong nararamdaman ko. Galit, inis tsaka kalungkutan. Hindi ko naman gustong kamuhian 'yong sarili kong ama pero tuwing naiisip ko 'yong ginawa niya sa 'min, lalo na sa 'kin, kahit anong pilit ko, wala akong ibang magawa kundi kamuhian siya. Masama ba ako? Sobrang sama ko bang anak?

"Candice... buksan mo 'yong pinto."

"Jeydon, iwan mo muna ako. Gusto kong mapag-isa." Hindi ko siya nakita pero alam kong nakasandal na rin siya sa pintuan ng kwarto ko.

"Hindi, hindi kita iiwan. Alam ko kung anong nararamdaman mo, at alam kong matagal mo na 'yang kinikimkim sa sarili mo. Candice, kailangan mo 'yang ilabas. Nandito ako, makikinig ako sa 'yo."

Hindi ako nagsalita, pareho kami ni Jeydon na hindi nagsalita. Inisip ko 'yong sinabi niya. Kailangan ko na nga sigurong ilabas ang sama ng loob ko. Sa tagal ng panahon, hindi ko siya masabi kina Mama at Kuya kasi alam kong hindi nila ako maiintindihan. Si Jeydon, naranasan na niya 'yon sa mommy niya kaya sigurado akong kaya niya akong intindihin.

"Bata pa lang ako, si Papa na 'yong palagi kong kasama. Daddy's girl ako, sanggang-dikit nga kaming dalawa, e. Alam mo 'yong papa ko siya pero at the same time, best friend ko siya."

Hindi ko napigilang maiyak. Kapag naiisip ko 'yong panahong 'yon, nasasaktan ako. 'Yong panahon kasing 'yon, masaya pa kami ni Papa, masayang-masaya.

"Noong pumunta kaming Korea, akala ko, magiging masaya pa rin kami pero mali pala ako. Nakilala niya roon 'yong best friend ng mama ko. Wala pang isang taon, naging sila na. Nagbulag-bulagan ako noon. 'Yong papa kong iniidolo ko, niloloko pala 'yong mama ko. Kahit ilang beses kong pilitin ang sarili ko na walang ginagawa si Papa na masama, hindi ko kaya. Sobrang sakit no'n, e. Ang sakit para ako pa ang makakita."

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon