49: Candice Realization

3.4M 88.8K 61.4K
                                    

Isang linggo.

Isang linggo na 'yong nakalipas simula noong gabing nagtapat sa 'kin si Jeydon. Sa isang linggong 'yon, napakaraming nagbago.

Si Jeydon, bumalik na naman sa dati. Kada lunch, wala siya sa tambayan ng Apat. Panay pa ang pagyoyosi niya, nakakadalawang kaha yata siya sa isang araw. Tsk, nagsusunog yata siya ng baga. Kada uwian naman, pupunta siya sa bar nina Troy para uminom. Sabi pa ni Troy, ang dami niyang kasamang babae kada iinom siya. Tapos ang dami na naman niyang nilagay sa Hunt List tapos palagi pang nasa rumble. Parati pa siyang wala sa class. Bumalik na naman siya sa dating siya, mas malala pa nga yata kumpara dati.

Kami naman ni Marky, lalong napapalapit. Palagi niya akong hinahatid-sundo. Nagpaalam na rin siya kay Kuya Charles na nagde-date na kami. Hindi naman nagalit si Kuya, basta may tiwala raw siya sa 'kin. Kalat na nga rin sa buong school na nagde-date na kami ni Marky. Kaya 'yong fangirls niya, ang sama lagi ng tingin sa 'kin, isama mo pa si Abby. Kaso parang hindi ako masaya.

Si Troy, napansin kong medyo malungkot. Nabanggit kasi niya na nagiging malamig daw sa kanya lately si Ate Jaycee. Hays, naawa nga ako sa kanya kasi palagi na lang siyang puyat kakahintay kay Ate Jaycee galing sa shop niya.

Si Kuya Charles naman, palaging inaasar ni Ate Serina. Kaya ayon, palaging bad trip. May na-miss tuloy ako...

Ako naman, ayun, ang dami kong iniisip... parang may kulang... parang may nami-miss ako...

"Sa susunod, huwag mong ipapakita 'yang mukha mo sa 'kin. Ang pangit, e."

"Sorry, Jeydon."

Biglang binuhusan ng juice ni Jeydon 'yong babae. Lahat kami, nagulat sa ginawa niya. Maraming estudyante 'yong nakakita sa pinaggagawa niya pero kahit isa, wala man lang pumigil kay Jeydon. Wala man lang tumulong do'n sa babae. Umiyak na tuloy 'yong babae kaya nilapitan ko na lang siya.

"Ito, magpunas ka." Nilabas ko 'yong panyo ko. Narinig kong nagbulungan 'yong mga estudyante noong lumapit ako.

"Salamat, Candice."

"Sige na, mag-ayos ka muna."

Umalis na siya agad. Tiningnan ko na naman nang masama si Jeydon. Halata namang nainis siya sa ginawa ko. Nainis na naman siya sa pakikialam ko. Umalis na rin ako ro'n, maiinis lang din ako sa mga pinaggagawa niya.

Sa isang linggong 'yon, hindi na kami nag-usap ni Jeydon. Minsan, gusto ko siyang kausapin pero hindi pa ako nakakalapit sa kanya, lumalayo na agad siya. Hindi ko napigilang mag-alala sa kanya. Gusto ko siyang bumalik sa dati, sa dating Jeydon na nakilala ko.

Kada naglalasing nga siya sa bar nina Troy, pupuntahan ko siya ro'n para pigilan siya. Kapag nakikipag-rumble siya, kapag napapadami siya ng yosi, pinipigilan ko siya kahit na pinagtatabuyan niya ako.

Bumalik na ako sa room.

"Uy, girls, alam n'yo bang next week daw may malaking event sa hotel nina Jeydon." Ang lakas ng boses ni Blossom, rinig sa buong room.

"'Yan ba 'yong engagement nina Jeydon at Stacey?" Lumapit sa kanya si Bubbles, sumunod naman si Annie.

"Yup! At invited tayo! Oh, my gosh, kailangan na nating mag-shopping."

"Tama! Maraming mga lalaki ro'n!"

Hindi pa rin sila nagbabago, mukha pa rin silang lalaki.

Naisip ko 'yong sinabi ni Jeydon na kaya niyang itigil 'yong engagement na 'yon para sa 'kin. Kaso sa ginawa ko, hindi na ako magtatakang itutuloy na niya. Sa totoo lang, ayoko 'yong matuloy kasi alam ko namang ayaw ni Jeydon kay Stacey. Kung pwede lang niya 'yong itigil, hindi para sa 'kin, pero para sa sarili niya.

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon