Chapter 36: One team

3.4M 71.1K 52.9K
                                    

TROY

Ang tagal namang mag-reply ng Baby Jaycee ko. Ano kayang ginagawa niya? Kumain na kaya 'yon ng lunch? Hindi pa nagte-text, anong oras na? Damn, I miss her.

Nag-beep ang phone ko.

From:Tiffany
Lunch ka na :-)

Tsk. Lintek na kagwapuhan talaga ang meron ako. Ang daming babaeng nahuhulog sa 'kin. Mukhang tinamaan talaga sa 'kin 'yong si Tiffany. Kahit sinabi ko na sa kanya 'yong totoo. Naalala ko noong lumabas kami noong birthday niya, nagpunta kami sa Sbarro. Nagutom agad ako kaka-drive. 'Lang-hiya, ang layo kasi ng bahay nila sa bahay namin, e. Hindi pa ko nag-almusal. Baka mabawasan ang kagwapuhan ko niyan, e.

"Anong... anong gusto mo, Troy?" Bakit kaya parang nahihiya siya sa 'kin? Ang tagal na naming magkasama sa mall noong araw na 'yon, e.

"Hmm... kahit ano... Sige, order ka na, my treat."

"Hehe, sige!"

Napalingon ako sa labas.

Taena, muntik ko nang maibuga 'yong tubig na iniinom ko. Bakit nandito si Candice? Mukhang nagmamasid siya sa 'min ni Tiffany, ah. Wala talagang tiwala sa 'kin 'yon pagdating sa babae. Sabagay, hindi ko naman siya masisisi. Malakas naman kasi talaga ako sa chicks, e. Kaso kasalanan ko ba 'yon? Sila kaya ang lumalapit sa 'kin. Real talk 'yon, ah.

Hinayaan ko lang muna si Candice, baka napadaan lang, e.

Pagkatapos naming kumain, niyaya ko muna si Tiffany na maglibot para malaman ko kung sinusundan talaga kami ni Candice.

Nakailang shops na kami, nakikita ko pa rin si Candice. Potek! Sinusundan nga kami. Noong dumaan kami ng DQ, nakita ko naman si Jeydon bumibili ng ice cream. What a small world nga naman. Pustahan, magkikita pa 'yong dalawang 'yon. Mukhang exciting 'to, ah.

"Troy, saan na tayo?"

"Nood tayo ng sine?"

"Gusto ko 'yan!" Ang cute naman ng smile ni Tiffany, tapos ang laki pa ng ano niya... ng pisngi. Hehe.

Hindi ko na makita sina Candice. Nagkita na kaya 'yong dalawa? Dapat sundan nila kami sa may sinehan para masaya. Tapos 'pag nando'n na sila, may gagawin ako.

"Tiffany, pwede bang makihiram ng phone?"

"Uhm... okay, sige..." Bago niya ibigay sa 'kin, may ginawa muna siya sa phone niya. Nagbura kaya siya ng message? Siguro may secret sila ni Candice.
Tinext ko si Candice, kunwari ako si Tiffany. Sabi ko, nasa sinehan kami maya-maya. Sana kasama niya si Jeydon 'pag sinundan niya kami ro'n.

Walang reply si Candice sa text ko. Nag-abang na lang kami ni Tiffany sa may Krispy Kreme. Kita kasi mula roon 'yong mga bibili ng tickets. Hindi naman ako nagkamali kasi nakita ko nga si Candice at kasama si Jeydon. Sabi na, e. Ang two lovebirds talagang 'yon.

Wala nang tickets para sa Fast 6. Amp, paano kaya 'yon?

Hmm... ayun! Bigla na lang may nilapitan si Jeydon na dalawang babae. Siguro, hihingin niya 'yong ticket no'ng dalawa. Ang talino talaga ng ugok na 'yon. Pumaparaan, makasama lang si Candice.

"Troy! Bili na tayo ng popcorn, malapit nang mag-start 'yong movie, e."

"Ah, sige, tara."

Doon kami sa kabilang side bumili para hindi nila kami makita. Wooo! Exciting 'to. Kailangan ko ng malaking popcorn para rito! 

Pagpasok namin ni Tiffany sa loob, nakapatay na 'yong ilaw. Hinanap ko sila pero wala 'yong dalawa. Nasaan kaya 'yon?

Bago kami makaupo, may napansin akong dalawang tao sa taas na nakayuko. Malamang sila na 'yon. May patago-tago pang nalalaman, e, halata ko naman 'yong cap ni Jeydon.

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon