Chapter 24: Confession

3M 70K 27.9K
                                    


Ang tagal kong inisip kung sino ba talaga 'yong lalaking tumulong sa 'kin noong gabing pinasok kami ng magnanakaw na 'yon. Kung sino 'yong tinuturing kong si Prince Charming. Gusto ko siyang hanapin. Gusto ko siyang makita at gusto ko siyang makilala. Ang tagal kong hinintay 'yong panahong makakaharap ko siya. Habang tumatagal, nawawalan ako ng pag-asang darating pa 'yong araw na 'yon pero noong dumating na nga...

Noong kaharap ko na siya, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.

Hindi man ako sigurado pero ang lakas ng kutob ko na 'yong lalaking nasa harap ko, siya 'yon. Siya si Prince Charming. Kahit sa totoo lang, kahit kailan, hindi ko naisip na posibleng siya nga 'yon.

Kung tutuusin, meron din siyang tattoo na dragon sa likod. Malaki rin 'yong katawan niya at alam niya 'yong bahay namin. Noong gabing tinulungan ako ni Prince Charming, wala siya sa party ni Stacey. At 'yong nakakagulat sa lahat, 'yong panyo niya. 'Yong panyo niyang may Japanese name ko na kaparehong-kapareho noong nasa dog tag. Hindi naman posibleng nagkataon lang 'yon. Kaya ba ayaw niyang ipakita sa 'kin 'yong panyo niya? Kaya rin ba hindi siya makasagot sa mga tanong ko?

Hindi ako pwedeng magkamali, siya 'yon. Hindi ko lang maisip kung bakit niya 'yon ginawa. Bakit hindi niya sinabi 'yon sa 'kin?

"Jeydon, sagutin mo ako."

Hindi pa rin siya makasagot. Hindi siya makatingin sa 'kin. Nakatingin lang siya sa sahig. Bumilis lalo 'yong tibok ng puso ko. Sa inasal ni Jeydon, lalo ko lang napatunayang siya nga 'yon. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.

"Jeydon, ano ba?"

Hindi ko mabasa 'yong nasa isip niya, nakatingin lang siya sa sahig. Biglang may nagsalita.

"Nandito lang kanina si Jeydon, e."

Noong narinig ko sila, napatingin ako kina Troy at Marky pero bumalik lang ulit 'yong tingin ko kay Jeydon na tahimik pa rin hanggang sa mga oras na 'yon.

"Anong nangyayari rito? Candice, anong pinag-uusapan n'yo?"

Hindi ko sila pinansin, sobrang bilis na ng tibok ng puso ko.

"Jeydon... sagutin mo ako, please. Ikaw ba 'yon?"

"Ha? Ang ano? Ano 'yon, Jaydee?" Lumapit sa 'min si Troy, nasa likod lang namin si Marky.

"Wala." Tumingin siya kay Troy pero hindi pa rin siya makatingin sa 'kin.

"Anong wala? Anong ibig sabihin ng dog tag na 'to." Itinaas ko 'yong dog tag tsaka 'yong panyo. "Tsaka ng panyo mong may Japanese name ko?"

"Ano? Patingin nga." Kinuha sa 'kin ni Troy 'yong panyo tsaka 'yong dog tag. "Oo nga, magkapareho sila. Ikaw nga ba 'yon, Jaydee?" Tumingin siya kay Marky pero hindi naman nagsalita si Marky.

"Wala akong alam sa mga sinasabi n'yo." Paalis na siya pero pinigilan ko siya.

"Umamin ka! Ikaw ba 'yon o hindi?" Ang tagal niyang sumagot. Magsasalita pa sana ulit ako kaso nagsalita na rin siya.

"Hindi." Hindi pa rin siya makatingin sa 'kin.

Parang nanghina ako sa sinabi niya. Hindi siya? Pero sino? Tsaka anong ibig sabihin ng panyong 'yon? Bakit may gano'n siya? Nalilito na ako.

"Hindi si Jeydon 'yon. Ako 'yon."

Lahat kami, napatingin kay Marky. Parang huminto 'yong mundo ko noong oras na 'yon.

"Ako 'yong nagligtas sa 'yo noong gabing 'yon. At ako rin 'yong humalik sa 'yo sa may janitor's room."

Alam mo 'yong literal na nganga? Ako 'yon, e.

Ano bang nangyayari? Panaginip lang 'to, e, 'di ba? Sheteng kalabaw lang.

"Ano, Marky? Ulitin mo nga!" sabi ni Troy. Pareho kaming gulat sa lahat ng nangyayari. Si Jeydon nakatingin lang nang seryoso kay Marky.

"Ako 'yon... 'yong nagligtas kay Candice sa magnanakaw, ako rin 'yong humalik sa kanya."

Kinurot ko 'yong kamay ko para makasiguradong hindi ako nananaginip. Hindi nga ako nananaginip, pero nag-iilusyon kaya ako? Si Marky 'yong gumawa no'n? Siya si Prince Charming? Hindi ako makapaniwala.

"Bakit? Bakit mo ginawa 'yon?" 'Yon na lang ang lumabas sa bibig ko. Sa totoo lang naman, sobrang dami kong tanong.

Tahimik lang kaming tatlo ni Troy tsaka ni Jeydon. Hinintay namin 'yong sagot ni Marky. Feeling ko magkakaroon na talaga ako ng sakit sa puso, e. Sobrang bilis kaya ng tibok ng puso ko. Akala mo, naka-megaphone, e. Parang dinig ko na nga ang pagdagungdong no'n, .

"Gusto n'yong malaman kung bakit ko ginawa 'yon?" Nakatingin siya kay Jeydon. "Kasi gusto ko si Candice." Tumingin siya sa 'kin. Lumapit siya at hinawakan niya 'yong kamay ko. Noong oras na hinawakan niya ako, parang may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko. Feeling ko, nag-SM 'yong mundo ko—slow-motion.

"Candice, gusto kita."

Ano raw 'yon? Pwedeng i-rewind?

"Candice, gusto kita."

"Candice, gusto kita."

"Candice, gusto kita."

Teka, hinga. Pwede na bang mahimatay? As in now na? Parang hindi na talaga ako makahinga. Nakatulala lang ako. Nakatingin lang ako kay Marky. Nakatingin lang din siya sa 'kin. Feeling ko nga, nakanganga na naman ako nang literal, e. Alam mo 'yong feeling na hawak-hawak ni Marky 'yong kamay mo tapos sinabi niya nang harap-harapang gusto ka niya? Feeling ko, nasa cloud nine ako.

Hindi pa nga ako tapos sa pagdama ng mga pangyayari, nakita ko na lang na nakahiga na sa sahig si Marky.

Sinuntok pala siya... ni Kuya Charles.

"May gusto ka kay Candice? E, gago ka pala, e! Sabi ko, 'di ba, walang talo-talo?"

Pinigilan nina Jeydon si Kuya, galit 'yong mukha niya. Noon ko lang din napansing kasama na namin si Kuya tsaka sina Abby, Stacey pati si Tiffany.

"Sorry, p're."

"Anong ibig sabihin nito, Marky? May gusto ka riyan sa babaeng 'yan? Nagkakalokohan na ba tayo rito? Girlfriend mo ako!" Galit na galit si Abby, nakatingin lang din siya sa 'kin na akala mo kakainin ako nang buhay.

"Abby! Alam mo namang laro lang 'yong meron sa 'tin, e!" Tinayo siya ni Troy.

Imbes na lumapit si Abby kay Marky, ako 'yong nilapitan niya. "Ikaw! Ikaw, babae ka! Ikaw 'yong may kasalanan nito, e! Anong gayuma ba ang ginamit mo kay Marky? E, ang pangit-pangit mo naman dati! Gumanda ka lang!" Tinulak niya ako kaya napaatras ako. Sasampalin sana niya ako pero pinigilan siya ni Marky.

"Tumigil ka nga, Abby! Gusto ko si Candice! At wala ka nang magagawa ro'n."

Hinawakan na naman ni Marky 'yong kamay ko. Hinila niya ako palabas ng bahay nina Troy. Tiningnan ko sina Kuya bago kami nakaalis. Lahat sila, nagulat sa sinabi at ginawa ni Marky. Kahit ako rin naman, e.

Ang tagal din niya akong hinila palabas ng bahay nina Troy. Ang laki kasi ng bahay nila, e. Habang kinakaladkad niya ako palabas, nakatingin lang ako sa mga kamay naming magkahawak. Hanggang makalabas na kami ng bahay nina Troy, nakatingin pa rin ako sa mga kamay namin. Tahimik lang ako.

"Sumama ka sa 'kin."

"Sa-saan tayo pupunta?"

"Basta."

Tumingin siya sa 'kin tapos ngumiti siya. Sumakay kami sa kotse niya. Lahat ng nangyayari, hindi pa rin pumapasok sa isip ko. Lahat kasi ng 'yon...

Too good to be true.

Bahala na nga. Basta, ang bilis ng tibok ng puso ko. Magkakasakit na talaga ako nito sa puso, e. Huhu! Pero sobrang saya ko naman. Abnormal din yata talaga ako.

Saan naman kaya ako dadalhin ni Marky?

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon