Kabanata 29

1.6K 55 0
                                    

Imposible
xMaligaya©August2023

“IMPOSIBLE,” dismayado kong bulong habang umiiling nang ang maisip kong sagot ay hindi kapanipaniwala. Minabuti ko na lamang tuloy na pumikit at pilitin ang aking sarili na matulog na. Inabot na kasi ako ng alas dos ng umaga dahil sa paghahanap ng dahilan kung bakit niya ako hinalikan.

“Ano ba talaga ang gusto niya?” namomroblema kong tanong saka ako bumalikwas sa kama matapos sumabog na ang aking emosyon.

Sumasakit na ang ulo ko pero wala pa rin akong nakukuhang matinong sagot. Kanina ay halos mahimatay na ako sa kilig, ngayon naman ay punong-puno ako ng misteryo.

“Dalawa lang naman ang alam kong dahilan. Una, mahal niya ako, pero malabo 'yon,” monologo ko bago ako muling humiga sa kama. Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi pagkatapos ay pinakalma ko ang aking sarili.

“Ibig sabihin, 'yong pangalawang dahilan ang sagot sa tanong niya.” Iritado akong nagpagulong-gulong bago ko tinabunan ng unan ang aking mukha. Hindi ko kayang isatinig ang bagay na tumatakbo sa aking isip.

Walang boses akong sumigaw para sana tanggalin ang tensyon sa aking dibdib pero lalo pa 'yong lumala nang maalala ko kung ano'ng kilabot ang hinatid sa akin ng halik niya kanina.

“H-he’s hórny. At gusto niyang sa akin ilabas 'yon.” Nag-init ang aking magkabilang-pisngi at nasabunutan ko rin ang aking sarili.

Pinagsabihan ko nang matindi ang aking puso at ipinaalala na hindi maaaring mangyari ang gusto niya.
Siya nga ang nagsabi sa akin noon na hindi ko 'yon pwedeng gawin sa hindi ko asawa pero bakit heto siya at siya pa ang nag-aaya?

“Ganoong klaseng babae ba ako sa paningin niya?” Tila nawala na parang bula ang kilig na namayani sa aking dibdib at unti-unti 'yong napalitan ng pagmumukmok.

Naalala ko ang sinabi sa akin ng lalaking muntik nang manghalay sa akin noon. Mababang klase ng babae ang mga tulad kong mahihirap. Ganoon din ba mag-isip si Bryan?

Sumakit bigla ang aking damdamin at nakailang buntonghininga ako bago ako nagdesisyon na iwaksi na lang ang nangyari sa aking isip.

Kakalimutan ko na lang 'yon at ang nararamdaman ko para sa kaniya. Tutal ay isang linggo na lang naman ang ilalagi ko rito sa Liazarde. Isang linggo ko na lang din siyang iiwasan at pagtitiisan.

Umayos na ako ng higa pagkatapos ay ipinikit ko na ang aking mga mata upang tuluyan siyang ibaon sa limot. Hindi ko na nalamayan ang oras kung kailan ako nakatulog.

Nagising lamang ako nang marinig ko ang boses ni Tita Riza habang kumakatok sa pinto, sa labas ng aking kwarto.

Mabigat naman ang aking loob na tumayo at umalis ng kama dahil nanlalambot pa ako dahil sa puyat. Ang sama-sama kasi ng aking pakiramdam.

Parang gusto ko nang mag-back-out sa inaalok sa'kin ni Lolo Alejandro at dumiretso na lang ng uwi sa probinsya namin para matapos na ang lahat ng 'to. Ang kaso nga lang ay naka-oo na ako sa matanda. Tiyak na magtatampo sa akin 'yon.

Pinilit ko munang ngumiti at inayos ko rin ang aking itsura bago ko binuksan ang pinto ng aking kwarto upang harapin si Tita na nadatnan kong nagpipigil ng kaniyang luha.

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Uuwi ka na talaga sa inyo?” pag-uusisa niya kaya tipid akong napangiti bago ako umiwas ng tingin.

“O-opo, pero makikitulog po muna ako sa kaklase ko ng isang linggo dahil may tatapusin pa po kaming project. Isasabay ko na rin po ang pag-aasikaso ng transfer papers ko.” Ingat na ingat ang aking pagsasalita dahil baka mahuli niya akong nagsisinungaling.

Hindi ko kasi masabi ang totoo dahil nalaman na nila ang ginawang panggagamit sa akin ni Bryan nang mapakinggan nilang lahat ang pagtatalo ng dalawang magpinsan noong nakaraang araw na nagpang-abot sila rito sa bahay.

Four Sandovals and I [SC: The Beginning]Where stories live. Discover now