Kabanata 25

1.6K 62 8
                                    

Monique
xMaligaya©July2023

TUMAKBO ako nang tumakbo hanggang sa hindi na ako naabutan pa ni Bryan. Mabilis din akong lumabas ng school gate at hindi na ako nag-abala pang lumingon dahil nagmamadali akong umalis upang takasan ang aking mga problema.

Hindi naman iyon totoo pero parang wala na akong maihaharap ba mukha sa mga tao. Iniisip ko pa lang na mag-viral ang post na iyon sa buong DASU ay parang mahihimatay na ako matinding kahihiyan.

Wala akong kapag-a-pag-asa habang bumiyahe ako papauwi. Sumasakit ang aking puso dahil sa nalaman ko tungkol sa ginawa sa akin ni Bryan tapos mayroon pa akong mas mabigat na problema.

Hindi tuloy maubos ang aking mga luha hanggang sa makapasok na ako sa loob ng gate ng apartment ko.

"Oh, Joy, ano'ng nangyari sa'yo?" bungad na tanong ni Tita Riza nang makasalubong ko siya.

"Hindi ko po alam ang gagawin," paos kong salaysay. Nang tanungin niya naman ako kung ano ang nangyari ay hindi ako makasagot dahil sa sobrang sikip ng aking dibdib. Inalo niya naman agad ako at inaya papasok sa loob ng bahay.

Pinaupo niya ako sa sofa sa salas at inutusan niya rin ang isang tenant na bigyan ako ng isang baso ng tubig.

"Ano'ng problema?" tanong muli ni Tita Riza matapos kong uminom ng tubig. Hindi naman ako nagsinungaling. Ikinuwento ko ang lahat, maliban sa problema naming dalawa ni Bryan.

"Mas mabuti pa ay bumalik tayo roon. Kakausapin ko ang kung sino man ang dapat na kausapin sa school mo," tila nanggagalaiting sambit ni Tita Riza kasunod ng pag-uutos niya sa isa kong kasamahang babae na manghiram ng motor sa kapitbahay. Kaagad naman itong tumugon at lumabas ng bahay.

Pinigilan ko naman agad siya at hinawakan ko ang kaniyang kamay. "Hindi na po, Tita," mahina kong usal sa gitna ng aking mga paghikbi kaya napailing siya at ayaw pumayag.

Wala rin naman kaming magagawa. Hindi ko alam kung sino ang nagpakalat ng post na iyon kaya hindi rin kami pakikinggan ng school.

"Ano na lang ang sasabihin ng Mama mo sa akin kapag tinawagan niya ako?" na-stress niyang tanong bago niya inagaw inagaw sa akin ang baso at nilagok ang natitirang tubig dito.

Nakagat ko tuloy ang aking pang-ibabang labi. Kinuha nga pala ni Mama ang numero ni Tita Riza noong napatira ako rito. Naging magkaibigan na silang dalawa at regular din silang nag-uusap.

"Huwag niyo pong ipaalam. Ako na po ang bahala," pakiusap ko ngunit hindi siya kumbinsido. Ramdam ko ang kaniyang pag-aalala at ang kagustuhan niyang tumulong.

Nang malaman naman ng ibang tenants ang aking problema ay tinanong nila ang pangalan ng account na nagpapakalat ng maling balita tungkol sa akin para ma-report at ma-take down agad ang post na iyon.

Pinalalakas nila ang aking loob at binibigyan ng payo nang muling bumalik ang isang tenant na inutusan kanina ni Tita Riza.

Hinihingal ito at suminghap muna ng hangin bago tumingin sa akin. "Joy, nasa labas si Bryan," anunsyo nito na umani ng iba't ibang reaksyon mula sa aming mga kasamahan.

"Papasukin mo," tugon ni Tita Riza. "Siguradong matutulungan ka ni Bryan," dagdag niya pa na kaagad ko namang sinalungat kaya napatahimik silang lahat.

"Wala akong balak na kausapin siya," pagalit kong sabi na ikinagulat nilang lahat. Nahuli ko pa silang nagpalitan ng tingin sa isa't isa kaya umiwas na lamang ako ng tingin.

Kilala na nila si Bryan dahil palagi siyang narito sa apartment kaya hindi nila inaasahan ang kanilang narinig mula sa akin.

"Papasok na po ako sa loob ng kwarto ko, Tita. Kapag tumawag po si Mama, huwag niyo na lang pong banggitin ang problema ko," pagpapaalam ko kahit na hindi pa man sila nakakabawi.

Four Sandovals and I [SC: The Beginning]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon