L - Play

14 1 1
                                    

"Tama na!" 

Nararamdaman ko ang pag nginig ng aking buong katawan, hindi dahil sa pagkakairita kung hindi dahil sa kapangyarihang nanggagaling mismo sa loob ng aking katawan. Parang gusto nitong makawala.

Lalong lumaki ang ngiti ni Rhea sa kanyang labi. Tumayo siya at lumapit sa akin.

"Napakalaki ng potensyal mo Echo, hindi mo lang alam kung papaano kontrolin at gamitin ang iyong kapangyarihan. " Tumayo siya at lumapit sa akin.

"At dahil tapos na ako sa aking kwento, bakit hindi natin subukang maglaro?" 

Pagpilantik ng kanyang daliri, bigla na lang kaming nakabalik sa kakahuyan kung nasaan ang bukal. 

"Napapalibutan tayo ngayon ng halaman at punong pwede mong gamitin sa ating laro. Kung tutuusin nasa teritoryo mo tayo ngayon."

"Ano ba talaga ang gusto mo sa akin?!" Sigaw ko sakanya. Hindi ko na talaga alam kung ano ang nararamdaman ko. Galit, takot, at pagkalito. 

"Gusto ko lang makipaglaro sayo." 

"Paano kung ayoko?" Tinignan ko ang buong paligid at tsaka ko lang napansin na wala si Bullet.

"Sa tingin mo ba magagawa mong tumangi sa gusto ko? Ngumisi siya. "Ganito na lang, pag nanalo ka sa laro sa laro natin, ibabalik ko sayo ang alaga mong Pegasus bilang premyo. Ang kailangan mo lang gawin ay masugatan ako."

"Halimaw ka!" 

"Mali ka Echo, ang angkan mo at ang lahi ng demonyo ang tunay na halimaw."

Hindi ko napigilan ang kapangyarihang gustong kumawala sa aking katawan. Ramdam ko ang lahat ng enerhiyang nangagagaling sa bawat puno at halaman na naka palibot sa akin.

"Ibuhos mo lahat ng kapangyarihan mo sa akin. Gusto kong makita ang iyong kakayahan." Pagkatapos niyang sabihin iyon, mabilis siyang lumutang papalayo sa akin.

Isang espada ang lumitaw bigla sa kanyang kamay. Manipis at mahaba ito, ibang-iba sa mga espadang nakikita kong ginagamit ng mga Knight.

Mabilis na lumutang siya papalapit sa akin. Gamit ang kanyang espada, tinangka niya akong sugatan pero madali ko itong na ilagan at umatras papalayo sa kanya. 

Oras na para ako naman ang umatake. Pinanitili ko ang layo ko sakanya at kinontrol ang mga ugat ng malalaking puno upang atakihin siya. Mistulang parang naging isang buhay na halimaw ang mga puno. Ngayon ko lang naranasan ang ganitong klase ng kapangyarihan. Madalas ang mga parte lang ng puno o halaman ang kaya kong kontrolin, ngayon ay buong bahagi nito.

Unti-unti umangat ang puno mula sa pagkakakapit nito sa lupa at lumakad ng mabilis patungo kay Rhea. Ngisi lang uli ang nakita ko sa kanyang mukha. 

Ginamit ko ang mga baging ng puno upang habulin at subukang itali si Rhea, ngunit sa bawat paggalaw ko madali lang niya itong nahihiwa gamit ang kanyang espada. 

"Bakit hindi ka lumapit sa akin?" Tanong niya na may halong pagmamayabang. Halata sa mukha niya ang saya kada tinatangka ko siyang atakihin. "Kung ayaw mong lumapit sa akin, ako na ang lalapit sayo".

Pagkabitaw niya ng salita bigla na lang siyang nawala at sumulpot sa harapan ko. Nagkatinginan kami ng mata sa mata , nakita kong muli ang kanyang kulay asul at luntian na mata. Akala ko ay katapusan ko na.

Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at binitawan ang espada pero gamit ang kanyang kaliwa ay nasuntok niya ako sa tiyan. Napaatras ako sa sakit  at lakas nito.

Gamit ang mga baging isa-isa ko silang kinontrol upang habulin muli si Rhea. Napapalayo muli siya sakin.

"Wala ka na bang ibang bagong kayang gawin?" ,  insulto niyang tanong sa akin.

Tumayo ako at ngumisi. Sinabi ko sa sarili ko na malakas nga ang kanyang pagkakasuntok sa akin pero wala pa rin iyon kumpara sa mga suntok na natatanggap ko kay Uncle Devon. Alam ako na nabasa niya ang aking isipan dahil ngumiti siya.

Inutusan ko ang mga baging at puno na umatras at bumalik sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung kaya ko ba siyang talunin pero hindi ako papayag ng matalo o mamatay ng hindi lumalaban.

Lumutang siya pabalik sa kanya ang espada. Inutusan ko naman ang mga baging na dumikit sa aking likuran. Nagmistula akong gagamba na ang bawat galamay ay gawa sa mga baging.

Ramdam ko pa rin ang malakas na enerhiyang nanggagaling sa akin, gayon pa man, mas malakas pa rin ang enerhiya galing kay Rhea.

"Sige pa Echo, ipakita mo sa akin ang tunay mong kapangyarihan".  Bigla na lang siyang nawala at sumulpot sa aking tagiliran. Ihahampas na sana niya ang kanyang espada pero na sangga ito ng isa kong galamay. Agad na pumalibot ang aking baging sakanyang sandata dahilan para hindi niya na ito magamit. Hindi na ako nagulat nang mawala siya uli.

"Kung sa tingin mo na ang pagkuha sa aking espada ay ang makakatigil sa aking pag-atake , nagkakamali ka". 

"Alam ko."  Ngisi kong sagot sakanya. Napangiti siya at sa pagkakataon nito, iba ang naramdaman ko sakanya.

Inutusan ko ang aking mga baging na habulin siyang muli, pero sa pagkakataon na ito, ginagamit ko ang buong mga halaman at punong nakapaligid sa amin. Mistulang bumabagyo sa loob ng kagubatan dahil sa paggalaw ng mga puno at halaman. Dahil sa bilis at dami ng humahabol sa kanya, natuon na lang ang kanyang atensyon sa pag-iwas sa aking mga atake. Mga ilang minuto ganito ang aming sitwasyon nang muli siyang nawala. 

Pinapakiramdaman ko kung saan siya pwedeng lumabas. Pinalibutan ko ang sarili ng mga baging, ilang sandali lang ay sumulpot siya sa aking harapan. Agad na sumugod ang aking mga galamay pero nagawa niyang protektahan ang kanyang sarili gamit ang isang forcefield. 

Umatras ako ng ilang dipang distansya sakanya. Hinihintay ang muli niyang pag-atake.

"Pagod ka na ba Echo?" Tanong niya sakin, iniling ko ang ulo at nginitian siya. Sa totoo lang nakakagulat na hindi man lang ako nakakaramdam ng pagod kahit na kanina ko pa siya pinapaulanan ng atake.

"Kaya ko itong gawin buong araw pero nakakabagot na lang na patuloy mong paghabol sa akin at aking pag-iwas."

Hindi na ako nagsalita dahil alam ko naman na binabasa niya ang aking isipan. 

Nakaapak na siya ngayon sa lupa at may lumitaw na naman na espada sa kanyang kamay. Dali-dali siyang tumakbo papalapit sa akin. Hinanda ko ang aking mga galamay at hinintay ang kanyang pag-atake.

Hindi na ako nagulat nang madali niyang napuputol ang mga baging na umaatake gamit ang kanyang espada. Tunog ng espada at mga halaman ang pumupuno sa kagubatan.

Umatras siyang muli at sa unang pagkakataon parang nakita ko siyang hiningal. Tama siya, aabutin kami ng magdamag kung patuloy na ganito lang ang pag-atake ko sakanya.

Tinanggal ko na ang mga baging na nakakabit sa aking likuran. Patuloy niyang mababasa ang aking isip kung nakikita ko siya. Kaya ipinikit ko ang aking mata. Hindi ko man siya makita pero nararamdaman ko ang kanyang presensya gamit ang lahat ng halaman at punong nakapaligid sa akin. 

Naririnig ko ang kanyang mga yapak papunta sa akin. Pabilis ng pabilis. 

Iminulat ko ang aking mga mata at nasa harapan ko na siya pero bago pa man niya magamit ang kanyang espada kinontrol ko ang lahat ng mga dahon papunta sa kanya. Nagmistula itong isang buhawi. 

Madali siyang nakagawa ng force field sa kanyang paligid pero merong isang dahon na nakalusot at madali itong nakahiwa ng maliit na parte sa kanyang pisngi.  Hindi niya ito naramdaman dahil sa sobrang nipis ng nagawa nitong hiwa. Tangi ang maliit na daloy ng kulay gintong dugo mula rito ang naging tanda na nagawa ko siyang sugatan.

Itinigil ko aking pag-atake at itinuro sakanya ang nagawa kong sugat. 

"Masaya ka na?" Tanong ko sakanya. Nakita ko muli ang ngiti sa kanyang labi. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Wala na ang malakas na enerhiyang nangagaling sa kanya. 

Akala ko ay aatakihin niya akong muli pero nakatanggap ako sakanya ng halik sa pisngi. Naramdaman ko ang lambot at init ng kanyang labi.

"Hindi mo ako kalaban Echo, pero hindi mo rin ako kakampi. Hindi ako masama pero hindi rin ako mabuti." Pagkatapos niyang sabihin iyon , bigla na lang lumitaw sa aking tabi si Bullet.

"Ano ba talaga ang gusto mo o kailangan mo?" 

"Malalaman mo lahat ng iyan sa ating muling pagkikita. Tatanggalin ko muna ang iyong ala-ala tungkol sa ating paghaharap. Babalik lahat ng ito oras na makita mo akong muli. " 

Sa huling pagkakataon nakita ko muli ang kanyang ngiti at dalawang magkaibang kulay na mata bago nagdilim ang aking paningin.

CamelliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon