XVI - Chain

133 11 0
                                    

Pulang nanlilisik na mata, matatalim na pangil at itim na itim na balahibo. Isang malaki, nakakatakot at mabangis na halimaw.

Nandito na naman ako.

Panaginip.

Alam kong panaginip lang ito pero kahit na anong gawin ko, hindi ako magising-gising.

Isa itong bangungot, mahaba at nakakatakot na bangungot.

Habang tumatagal lalong mas nagiging nakakatakot ang halimaw. Kada nanaginip ako ramdam kong papalapit siya ng papalapit sa akin.

Hindi ako makagalaw. Walang boses na lumalabas sa aking bibig. Nahihirapan akong huminga. Ganito palagi ang nararamdaman ko.

Ngayon ay nakalutang lang ako sa ere habang nakatitig ang halimaw sa akin. Madilim at malamig, tanging ang hawak kong maliit na kandila at ang mata ng halimaw ang nagbibigay ilaw sa lugar.

Ilang minuto lang akong nakatitig sa kanya hanggat sa nagsimula siyang gumalaw. Sinubukan niyang kumawala sa kadena na nakapalupot sakanya. Nagpumiglas at nagwala siya pero wala itong nagawa sa kadena. Sinubukan niyang gamitin ang kanyang malaki at malapad na pakpak pero bigo pa rin siya

Alam kong hindi kayang pigilan ng kadena ang halimaw habang buhay.

Ang kadenang nakapalipot sa halimaw ay gawa sa makakapal na klase ng bakal at sa bawat bahagi nito ay may papel na nakadikit. Nakasulat dito ang mga letrang hindi ko kayang basahin at unawain marahil ito ay mga sumpa. Sumpa na pumipigil upang tuluyang makawala ang halimaw.

Kanina ko lang napansin na ang mga kadena sa ilang bahagi ay kinakalawang. Ang ilang parte naman ng papel ay punit na.

Hindi maganda ito.

Ilang gabi na akong nanaginip na ang nakikita ko lang ang halimaw pero ang panaginip na ito ay mas nakakatakot.

Ilang minuto pagkatapos tangkaing kumawala ng halimaw sa kadena, nakita ko ang dalawang pulang mata sa gilid nito.

Papalapit ng papalapit ang mga matang iyon hanggat sa maanig ko ang kanyang katawan.

Ito ang halimaw na nakita sa academy!

Lalong bumilis ang tibok ng puso ko, gusto ko ng kumawala pero wala akong magawa, gusto kong sumigaw pero walang boses na lumalabas, derederetso ang tulo ng pawis ko.

Hanggat sa tumigil siya bago makarating tuluyan sa akin. Niladlad niya ang kanyang itim na pakpak, para itong pakpak ng anghel pero kulay itim.

Tanging ang kanyang mata, pangil, pakpak at katawan lang ang nakikita ko sa kanya. Patuloy lang ang paglipad niya sa harapan ko hanggat sa tuluyan siyang nawala sa aking paningin.

Nakahinga ako ng maluwag. Nakaramdam ako ng kapayapaan pero hindi ito nagtagal.

Nagsimula na namang kumawala ang halimaw pero mas malakas ang kanyang pagpupumiglas, gumawa ng malakas na ingay ang mga kadena, nakakabingi ito sa sobrang lakas.

Bumilis na naman ang tibok ng puso ko.

Umungol ng napakalakas ang halimaw, ngayon ko lang naranasan na gawin niya ito.

Nakakabingi!

Ayaw ko ng ganito!

Tulong!

Sigaw ko pero wala paring lumalabas na boses.

Dumagdag pa sa ingay ang pagaspas ng pakpak ng halimaw. Rinig ko ang paglipad niya. Papalakas ng lakas ang tunog ng pagaspas hanggat sa maramdaman kong nasa likod ko na siya!

Nagpumiglas ako ako.

Sa wakas! Nagawa kong magalaw ang aking katawan pero pakiramdam ko ay hinihila ako papalapit sa halimaw.

Huwaaaaaaaaag!

Nagising uli ako ng pawisan at pagod na pagod. Alas quatro palang ng umaga.

Agad akong bumaba sa kusina para uminom ng tubig. Nadatnan kong nagluluto ng almusal si Uncle Devon.

Nakita niya akong pawisan at tinanong kung okey lang ba ako. Tumango lang ako pero nangangatog ang mga binti ko sa takot. Agad akong lumabas upang makalanghap ng sariwang hangin. Halos kalahating oras akong natulala, iniisip ang halimaw sa aking panaginip.

"Echo halika na, kumain na tayo ng almusal, nakaluto na ako!" Sigaw ni Uncle Devon.

Pumasok ako sa bahay ng hinang-hina at pagod.

CamelliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon