XXXVI - Flightless

83 10 2
                                    

Sa tulong ni Bullet, maaga akong nakarating sa academy. Mag-iisang linggo palang kaming nag-aaral pero parang napakarami ng nangyari sa akin.

"Salamat kaibigan." Sabi ko kay Bullet. "Dito muna kita iiwan. Kung magugutom ka, kainin mo lang yung mga damo. Yung damo lang ah, huwag yung mga halaman baka magalit sila sa atin."

Kahit na kainin niya ang mga halaman basta't may butong natira ay madali ko lang itong mapapatubo. Naalala ko pa noon ang sinabi sa akin ni Gaby na hinding-hindi daw ako mamatay sa gutom at pwede pa akong makapagtayo ng isang pamilihan para sa mga sariwang prutas at gulay pati na rin ang mababango at makukulay na bulaklak.

Si Gaby.

Minsan naisipan ko rin iyon pero papaano naman ang mga maayos na naghahanap-buhay na magsasaka? Pinagtyatyagaan nilang magtanim ng manwal at pinagpapawisan, samantalang ako sa isang pilantik lang ng kamay ay agad-agad ng uusbong ang kung ano mang halaman.

Iniwan ko siya sa isang puno malapit sa gate ng academy, malago naman ang mga halaman dito kaya walang mag-aakalang may nakatagong pegasus dito.

Papaalis na sana ako ng meron akong biglang naalala.

"Bullet, aalis ka lang dito kapag tatawagin kita ha." Sabi ko sakanya sabay kumpas ng aking kamay upang makapagpatubo ng sariwang damo sa kanyang paanan.

"Pakabusog ka."

Tinignan lang ako ni Bullet habang dahan-dahan akong nawawala sakanyang paningin.

~~~~~~~~~~

Ilang minuto pa ay nakarating na rin ako sa main gate ng Academy. Pagkapasok ko, nakita ko na marami-rami na rin ang mga nakakalat na estudyante. Nakasuot ng kani-kanilang mga uniporme. Dilaw, pula, at asul ang kulay na pumuno sa lugar.

Naroon pa rin ang mga paintings na gawa ng mga estudyante at maayos na nakahelara ang mga larawan ng lahat na naging pinuno ng Concrelus, labing apat lahat, pinakabago si Ms. Lucy.

Sa pangalawang pagkakataon, napahinto ako pagkarating sa dulo, ganito rin ang pakiramdam na naranasan ko ng makita ko ang kanilang larawan sa silid aklatan.

Tinitigan ko lang ang larawan sa pagitan ni Ms. Lucy at ang bago sakanya, hindi ko alam pero parang pakiramdam kong merong kulang. Parang merong tinakpan o itinago.

Ilang minuto akong nakatingin sa mga larawan hanggat sa makaramdam ako ng isang mahinang tapik sa balikat. Pagkaharap ko isang babaeng nakangiti.

"Ikaw pala Dawn." Sabi ko.

"Ano bang tinitignan mo diyan?" Tanong niya.

"Ah itong mga larawan ng mga naging pinuno ng Concrelus." Sagot ko.

"Hmmm ok, sabay na tayong pumasok." Ngiti niyang sinabi, tumango naman ako.

Nagsimula na kaming maglakad sa corridor papunta sa silid nang makasalubong namin ang isang pamilyar na babae.

Makintab, mahaba at unat na unat ang kanyang maitim na buhok, kasing tangkad lang ni Dawn, na-aalala ko ang babaeng ito.

"Mona." Sabi ni Dawn. "Siya yung babaeng nabunggo natin noong isang araw."

Tama si Dawn, siya nga. Hindi pa rin nawawala sa aking isipan kung ano ang naging reaksyon niya ng makita niya ako ng harapan.

Lalapitan sana ni Dawn si Mona, pero nung nakita ni Mona na kasama niya ako, bigla na lang nag-iba ang timpla ng kanyang mukha.

Nagsimulang tumaas ang mga balahibo ko nang makita ko ang kanyang reaksyon. Nakita ko sa kanyang bilugang mata ang takot. Takot na parang nakakita ng isang mabangis na halimaw. Ganitong-ganito rin ang kanyang reaksyon ng una namin siyang nakita. Pagkatapos non ay bigla na lang siyang kumaripas ng takbo.

CamelliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon