Kabanata 57

48.8K 1.3K 54
                                    


Kulong

"Hindi ka pa ba uuwi sa inyo?" tanong ni lola Ressa sa'kin habang inaayos ang mga bulaklak na ilalagay niya sa vase.

Ako na kasi mismo ang nag kuwento sa kanya tungkol sa problema ko sa pamilya namin. Dahil nga may pasok si Troy, sila na lang ang nakakausap ko araw-araw. Gabi na kasi nakakauwi si Troy kaya habang wala siya, rito ako tumatambay para tumulong kay lola Ressa.

"Baka sa sabado na lang po siguro ako uuwi. Magpapahatid ako sa kanya sa bahay para makausap niya na rin sina Mommy at Daddy. Gusto kasi naming subukang baguhin ang desisyon nila."

"Wala ka pa rin bang balak sabihin ang lahat ng 'to sa lola Lourey at lolo Barrie mo? Para naman matulungan ka nila."

"Hindi na po siguro. Ayaw ko pong madamay sina lolo at lola sa gulo ng pamilya ko. Baka mapano pa sila kapag nabalitaan nila lahat."

"Alam mo, naaalala ko sa'yo ang Mama ni Troy. Gaya ng sitwasyon niyo ngayon ng apo ko, marami ring tumutol sa relasyon ni Tala at Zen. Ayaw ng Papa ni Tala sa anak ko kaya pilit silang pinaghihiwalay. Nasasakal na rin kasi si Tala sa Papa niya dahil halos ikulong niya na ito sa bahay nila. Ang daming nangyari bago sila ikinasal. Minsan pa ngang iniwan ni Tala ang anak ko kasi ayaw na niyang nahihirapan 'to. Pero hindi sumuko si Zen. Kahit buhay niya ang nakataya, pinaglaban niya pa rin ang babaeng mahal niya. Pareho nilang iniwan ang buhay nila sa siyudad at nag pakasal dito. Sobrang saya nga nila no'ng dumating agad si Troy sa buhay nila. 'Yon nga lang, hindi man lang nila nasamahan ang anak nila sa paglaki kasi pareho silang nawala."

Sa tuwing naririnig ko talaga ang kuwento tungkol sa Mama at Papa ni Troy, bumibigat ang pakiramdam ko. Ang lungkot kasi ng nangyari sa kanila. Siguro kung nasa panahon lang ako kung saan buhay pa sila, baka sinubukan ko nang pigilan ang mga puwedeng mangyari.

"Hindi ko naman sinasabi na mangyayari din sa inyo ni Troy ang nangyari sa mga magulang niya. Kaya ko nabanggit sa'yo lahat ng 'to, kasi gusto kong maayos mo muna ang relasyon mo sa pamilya mo. Gusto kong matanggap nila ang apo ko dahil ayaw kong umabot sa puntong mapaglayo kayong dalawa. Alam mo ba kung bakit?

"Bakit po?"

"Kasi ikaw ang gusto ko para sa kanya, Kyla. Alam kong sa'yo siya sasaya. Ramdam kong ikaw ang babaeng paulit-ulit niyang ipaglalaban kahit mahirap." ngumiti siya sa'kin at hinawakan ang mukha ko. "Walang may alam kung anong mangyayari sa hinaharap, pero alam kong mananatili ang pagmamahal niyo sa isa't isa hanggang dulo."

Parang nawala saglit ang pangamba ko. Ngayon, mas umaasa akong makakaya namin pareho ni Troy 'to. Siguro dapat talagang makipag-ayos na ako kina Mommy at Daddy. At sana pakinggan na nila ako. Sana hindi na nila ipilit ang bagay na hindi ko naman gusto.

Naging mahaba ang kuwentuhan namin ni lola Ressa kaya naman inabot na kami ng gabi. Gusto pa nga nilang doon na ako mag hapunan pero tumanggi ako dahil gusto kong makasabay si Troy mamaya kapag nakauwi na siya. At dahil nga hindi nila ako makumbinsing do'n na kumain, binigyan na lang nila ako ng ulam namin ni Troy at initin ko na lang daw pagkarating niya.

Mag-isa akong nag lakad pabalik sa bahay ng mga magulang ni Troy. Pahirapan ang paglalakad lalo na at gabi na. Medyo paakyat din kasi ang direksyon ng lupa kaya kailangan ay maingat sa paglalakad kung ayaw mong madulas o matalisod. Nang makapasok na ako sa loob ng bahay, hinanda ko na agad ang mga plato sa lamesa at nag saing na rin. Gusto ko, pag dating ni Troy, handa na ang lahat.

Biyernes na rin naman bukas, paano kung sumabay na lang ako sa kanya? Para makausap ko na sina Mommy at Daddy. Susubukan kong ayusin lahat ng iniwan kong problema ng ako lang. Kung hindi ko kaya, magpapatulong na lang ako kina kuya Ryan. Gaya ng gusto ni lola Ressa, gusto ko ring matanggap ng pamilya ko si Troy. 

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon