Kabanata 18

57.3K 1.7K 38
                                    


Basura

Buong linggo akong hindi pumasok. Hindi na rin ako lumalabas ng kuwarto ko dahil ayaw kong magpakita sa ibang tao lalo na sa ganitong kalagayan ko. No'ng una nagtaka pa sina mommy at daddy pero mukhang nasabi na rin naman nina kuya ang dahilan kaya hindi na sila nangulit pa na kausapin ako.

Yakap ko ngayon ang unan ko at tulalang nakatingin sa kawalan ng may kumatok sa pinto ng kuwarto ko kaya lumipat ang tingin ko rito. Nanatili lang ako sa kama ko at hindi nagsalita.

"Kyla, si Aya 'to."

Nang buksan niya ang pinto ay agad siyang pumasok at lumapit sa'kin.

"Kumusta ka na?" nag-aalala niyang tanong sa'kin.

Umiwas nalang ako ng tingin sa kanya at humiga sa kama ko para sana isipin niyang matutulog na ako pero nagsalita pa rin siya.

"Hindi ka raw kumakain sabi ng mommy mo. Namamayat ka na rin, Kyla. Nag-aalala na kami sa'yo."

"Hayaan niyo muna ako, gusto ko mapag-isa." tinalikuran ko siya at pinikit ang mga mata.

"Alam kong nasaktan ka sa nangyari sa'yo. Niloko ka, pinaikot ka, pero sana naman h'wag mong pabayaan ang sarili mo. Ang daming nag aalala sa'yo. Buong linggo ka na ring hindi pumasok, pinapabayaan mo ang pag-aaral mo dahil sa lalaking hindi naman nakita ang halaga mo."

Bumangon ako at tiningnan si Aya sa mata. 

"Hindi ko pa kaya, okay? Ayaw ko munang lumabas. Ayaw ko munang makisalamuha. Kasi sa tuwing sinusubukan ko, pinanghihinaan ako lalo ng loob. Sa lahat ng nakikita ko, naalala ko siya. Naalala ko yung mga ginawa namin dati. Masakit kasi Aya, kaya sana maintindihan mong hindi madali 'to para sa'kin." 

Mahigpit niya nalang akong niyakap nang magsimulang tumulo ang mga luha ko. Parang hindi maubos-ubos ang luha ko kahit na buong araw na akong umiyak. Imbis mabawasan yung sakit at hapding nararamdaman ko sa puso ko, mas lumalala at sumasakit. Gusto kong tanggapin yung katotohanang wala na talaga, tapos na at kasinungalingan lang lahat, pero ang hirap.

"Shh, tahan na. Alam kong sobrang nasasaktan ka pero kailangan mong kontrolin ang emosyon mo." aniya 

Habang nagkukulong ako sa kuwarto, sinubukan kong humanap ng paraan para malaman kung totoo nga ba ang sinabi ni Troy sa'kin. Hinanap ko ang social media accounts ni Leika dahil naka deactivate ang kay Miko para siguro hindi ko makita. No'ng nahanap ko, kitang-kita ko kung gaano sila kasayang dalawa.

May mga bagong litrato sila na magkasama, at may dating litrato kung saan pinapakita ni Leika ang singsing na binigay sa kanya ni Miko. Para akong dinudurog habang nakatingin sa mga yun. Hanggang sa nakita ko rin yung pictures nila na nasa Cebu.

Do'n ako mas pinanghinaan ng loob. Mas nadurog ako. Ang sabi niya sa'kin, emergency ang dahilan kung bakit biglaan silang umalis at pumuntang Cebu. Pero ibang emergency pala ang tinutukoy niya kaya hindi niya magawang sabihin sa'kin lahat. 

Kaya ngayon natauhan ako, na naniwala ako sa mga kasinungalingan niya. Naging uto-uto ako, tatanga-tanga ako. Mas gugustuhin ko nalang magalit sa kanya kesa ang paulit-ulit na hayaan ang sarili kong masaktan sa tuwing naaalala ko siya.

Sabado ngayon at dahil nandito naman si Aya, napag-isipan ko nang lumabas. Habang nagsusuklay ako at nakaharap sa salamin at dumapo ang tingin ko sa kahon na puno ng sulat at iba pang regalo ni Miko sa'kin. Padabog kong nilapag ang suklay at nilapitan ang mga 'yon. 

"Ate Yan!" tawag ko sa kasambahay namin.

Agad naman itong pumasok sa kuwarto.

"Ano po yun?"

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon