Kabanata 8

62.3K 1.9K 14
                                    


Bintana

"Ang pangit talaga ng boses ko." si Miko sa kabilang linya.

Napangiti naman ako habang nagsusulat at nakikinig sa kanya.

"Maganda nga kasi ang boses mo. Pakakantahin ba kita kung hindi?"

"Napapangitan nga kasi ako." 

Napairap nalang ako at binitawan ang ballpen saka kinuha ang selpon.

"Ilang ulit mo na akong kinakantahan tapos hanggang ngayon panay sabi ka pa rin na pangit ang boses mo. Kung audition nga lang 'to, e, perfect score ibibigay ko sa'yo ."

"Sus, binobola mo na naman ako." 

"Aba, totoo nga kasi! Hindi kaya ako bolera tulad mo."

"Hindi ako bolero, totoo kaya lahat ng mga sinasabi ko sa'yo."

"Gano'n din naman ako, kaya ikaw tigilan mo 'yang kakasabi mo na pangit ang boses mo." 

Hindi siya nagsalita pagkatapos kong sabihin 'yon kaya naman napatingin ako agad sa selpon ko dahil baka naputol ko ang linya ng bigla siyang magsalita.

"I love you."

Unti-unti namang sumilay ang ngiti sa labi ko dahil sa narinig ko. Hindi ko akalain na ganito pala ang pakiramdam? Para kang nakalutang sa bawat oras na nakakausap at nakakasama mo yung taong matagal mo ng gusto at ngayon sobrang mahal mo na.

Walang araw na hindi niya sinasabi sa'kin na mahal niya ako. Walang araw na hindi niya napaparamdam yung pag aalaga niya sa'kin. Last week nga naipakilala ko na siya ng maayos kina Mommy at Daddy, sa susunod kina Lola at Lolo naman kung sakaling bumisita sila rito o kami mismo ang bumisita sa bukidnon. 

Ipapakilala niya na rin naman sana ako sa mga magulang niya, kasi hindi niya pa raw nasasabi na kami na. Ang problema lang, e, laging may nangyayari kaya hindi natutuloy. Magiging madali naman kung sa Papa niya lang dahil nandito naman siya sa eskwelahan namin pero mas gusto niya na kompleto muna sila saka niya ako ipapakilala.

"Ah, babe, may gagawin lang ako ha? Tatawagan kita pagkatapos." paalam niya sa'kin.

"O sige, tapusin mo muna 'yang gagawin mo." 

Nang matapos na ang tawag ay ginawa ko na rin ang mga gawain ko dahil marami pa akong ipapasa sa lunes. Abala ako sa pagsusulat nang makarinig ako ng ingay. 

"Nandito na naman sila?" 

Agad akong tumayo at lumabas ng kuwarto saka bumaba para makita kung may mga bisita na naman ba ang mga kapatid ko.

"Tita, ako lang 'to, ang pinaka guwapo sa'min." si Troy at kumindat kay Mommy.

Rinig na rinig ko naman ang tawa ni Mommy habang nakikipag kuwentuhan sa mga barkada nina kuya Calvin. Naglakad ako papalapit sa kanila at kunot noong nakikinig.

"Alam niyo, siguradong matutuwa ang lolo at lola nina Ryan sa inyo kung sakaling matuloy na roon kayo magbabakasyon sa bukidnon." si Mommy ulit.

"Tuloy na tuloy 'yan, Tita! Kahit medyo matagal pa naman ang bakasyon, paghahandaan na namin 'yan." si Peter sabay inom ng juice.

Nagpaalam muna saglit si Mommy para kumuha ng makakain nila hanggang sa mapansin na ako ni Art.

"Oh, Kyla! Sabado ngayon ah, wala kayong date ng boyfriend mo?" 

"Oo nga, balita ko monthsary niyo noong nakaraang araw?" si Grey naman ngayon.

"Monthsary na pala? Ang bilis yata? Parang kahapon lang nagliligawan palang kayo tapos monthsary na pala?" si Duke sabay tawa.

"Lalaki kayo pero mga chismoso." seryoso lang ako nakatingin sa kanila ngayon.

"Porke ba lalaki hindi na puwedeng makibalita? Nakuwento lang kaya nina Ryan saka Calvin sa'min." si JB

"Whatever. Bumaba lang ako para sana sabihing pakihinaan ang boses niyo kasi--"

"Kasi nagtatawagan kayo ni Babe mo?" singit ni Troy.

Tinaasan ko naman siya ng kilay dahil sa biglaang singit niya.

"Kasi gumagawa ako ng assignments ko. Nakakaistorbo kasi kayo. At isa pa, ano naman kung nagtatawagan kami ni Miko? Bawal ba yun?"

"Hindi naman, ang korni lang kasi." aniya kaya naman nagsi-tawanan sila.

"Inggit lang kayo, hindi kasi kayo marunong makuntento sa isa. Araw-araw, iba-ibang babae."

"Sus, akala mo naman magtatagal kayo."

"Anong sabi mo? Puwede ba, h'wag mo akong dinadamay riyan sa pagiging bitter mo. Magtatagal kami kasi yun ang gusto namin."

"Paano kung hindi yun ang gusto ng mga taong nakapaligid sa inyo?" bulong niya kaya hindi ko masyadong marinig.

"Ano? Hindi ko narinig."  

"Wala, gawin mo na yung mga assignment mo, isipin mo nalang na background music mo yung boses namin." 

Inirapan ko nalang siya at agad na umakyat. Nang makapasok ako sa kuwarto ko ay hindi ko na narinig pa ang ingay nila sa baba kaya naman nagpatuloy na ako sa ginagawa ko.  

Nang gumabi na ay hindi ko pa rin tapos ang ginagawa ko hanggang sa nakaramdam ako ng antok at hindi na namalayang nakaidlip na pala. Nagising nalang ako dahil nakaramdam ako na may nakatingin sa'kin sa kung saan.

Dumilat ako at madilim na ang buong kuwarto dahil sa nakalimutan kong buksan ang ilaw. Nang dumapo ang tingin ko sa bintana ng kuwarto ko ay bigla nalang akong nakakita ng anino ng isang tao.

Agad akong tumayo at dahan-dahang lumapit sa bintana habang sinusubukang silipin kung sino ang taong 'yon.

"Sino 'yan?"

"Kyla!"

"Ay palaka!" gulat kong sigaw ng biglang bumukas ang pinto at narinig ko ang malakas na tawag ni kuya Calvin sa'kin.

"Bakit ang dilim ng kuwarto mo?" tanong niya saka binuksan ang ilaw.

Hawak-hawak ko naman ang dibdib ko sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Matalim na tingin ang ibinigay ko sa kapatid ko ng lingunin ko ito.

"Oh, bakit ganyan ka makatingin sa'kin? Wala naman akong ginawa sa'yo ah."

"Anong wala? Pumapasok ka ng biglaan ng hindi man lang kumakatok! Kung may sakit lang ako sa puso baka kanina pa ako inatake dahil sa'yo!"

"Ano ba kasing ginagawa mo riyan? May pasilip-silip ka pa para kang tanga." 

Bumalik naman ang tingin ko sa bintana at dali-daling tiningnan kung may tao ba pero wala. Napabuntong hininga nalang ako at binalik sa kapatid ang tingin.

"Wala! Ano ba kasing kailangan mo?" 

"Kakain na raw tayo. Kanina ka pa kinakatok ni ate Yan pero hindi ka raw sumasagot kaya ako nalang inutusan ni Mommy." 

Huminga naman ako ng malalim bago nag salita. "Susunod ako, aayusin ko lang yung gamit ko." sambit ko.

Lumabas naman siya agad sa kuwarto kaya agad kong sinarado ang pinto at bumalik sa may bintana para silipin ulit kung may tao ba.

Walang bakas ng kahit ano sa bintana ko. Hindi siya basta-basta makakasilip dahil wala namang espasyo para tayuan dito, siguro gumamit siya ng hagdan? Pero kung gumamit siya, mahihirapan naman yata siyang umalis agad lalo na kanina?

Tinakpan ko nalang ng kurtina ang bintana at huminga ulit ng malalim dahil hindi pa rin nawawala ang nerbyos ko kanina dahil kay kuya Calvin. 

Sigurado akong may tao kanina sa bintana. Hindi ako puwedeng magkamali. Pero ang ipinagtataka ko, masyadong mabilis ang kilos niya para makaalis agad at hindi ko alam bakit siya nakasilip sa bintana ko.

Paano kung may masamang balak siya sa'kin? Posible kayang yung taong nakita ko sa resort na pinuntahan namin ni Miko ay siya rin yung taong nandito at nakasilip kanina? Masyado na akong naguguluhan, pakiramdam ko hindi na ako ligtas sa tuwing nakikita ko yung taong yun na nakabantay sa'kin. Baka hindi ko mamalayan, isang araw bigla nalang siyang may gawing masama sa'kin.


Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon