Kabanata 36

49.8K 1.5K 103
                                    


Layas

Walang pagdadalawang isip akong tumakbo palabas kahit na malakas ang ulan. Wala akong pakialam kung maligo ako sa ulan, basta aalis na ako sa bahay na 'to. Rinig ko pa ang tawag nina kuya Ryan sa'kin pero hindi ko na sila nilingon pa. Wala akong dalang kahit ano. Wala akong pera, selpon at kung anong gamit. Bahala na kung mamulubi ako ngayon, basta makaalis lang ako sa mapanakit na bahay na yun.

Lamig na lamig ako habang naglalakad papalayo ro'n. Kasabay rin ng lakas ng buhos ng ulan ang pag buhos ng mga luha ko. Hindi ko mapigilan ang sariling umiyak sa sobrang bigat ng pakiramdam ko. Para bang may humihila sa puso ko pababa. Hinayaan ko nalang ang paa ko kung saan ako balak dalhin nito. Pinagtitinginan na rin ako ng mga taong nakakasalubong ko sa daan pero hinayaan ko lang sila. 

Hindi ako sigurado pero parang lagpas isang oras na akong naglalakad ngayon at malakas pa rin ang buhos ng ulan. Sumasama na rin ang pakiramdam ko pero hindi pa rin ako tumitigil sa paglalakad. Hindi ko rin kasi alam kung saan ako pupunta. Hindi ko na rin alam kung saan na ako napunta dahil wala na masyadong sasakyang dumadaan sa kung saan ako napadpad.

Nanginginig na ang buong katawan ko sa sobrang lamig kaya naman umupo muna ako saglit sa gilid ng daan at niyakap ang sarili ko. Napatingin nalang ako sa mga kamay kong sobrang putla at nanginginig na. Masaya na ba si Aya ngayon? Na ito na yung nangyayari sa'kin? Kanyang-kanya na ang pamilya ko. Hindi ko na ipilit yung sarili ko kahit pa sabihin nating ako yung totoong anak.

Ilang minuto akong nanatili ro'n hanggang sa napagdesisyonan kong maglakad ulit. Ilang hakbang palang ang nagagawa ko ng bigla nalang naputol ang tsinelas ko. Nanghihina akong napatingin dito at binitbit nalang saka nag lakad ng nakayapak. Hindi ako sanay sa ganito pero wala akong magagawa. Walang nang atrasan 'to.

Hapon na nang tumigil ulit ako sa paglalakad sa layo na ng narating ko. Medyo humina na rin ang ulan pero lamig na lamig pa rin ako. Umupo ulit ako sa may gilid at tiningnan ang mga sasakyang dumadaan. May mga tao ring napapatingin sa'kin at nagtataka sa kalagayan ko ngayon. Yumuko nalang ako at tiningnan ulit ang tsinelas kong naputol. Napabuntong hininga nalang ako sabay punas sa mga luhang tumakas sa mga mata ko.

Kyla, kaya mo 'to. Mahihirapan ka dahil kahit piso wala kang dala, pero makakaya mo 'to. Niyakap ko nalang ulit ang sarili ng biglang lumakas na naman ang buhos ng ulan. Puwede akong magkasakit dahil ilang oras na akong naliligo sa ulan pero mas kailangan kong makahanap ng matutuluyan sa ngayon. At dahil nga hindi ko alam kung saan ako dinala ng mga paa ko kanina, kailangan kong hanapin yung daan kung saan makakapunta ako sa bahay nina Cara. Siya nalang ang maaasahan kong makakatulong sa akin ngayon.

Ilang minuto bago ako tumayo ulit para sana maglakad na naman ng bigla nalang may humarang sa daan ko. May hawak itong payong habang nakatayo sa harapan ko. Nang iangat ko ang tingin ko ay mas lalo lang bumigat ang pakiramdam ko.

"Bakit ka nagpapaulan?" aniya at pinayungan na rin ako.

Hindi ko na napigilan ang sarili kong maiyak lalo habang nakatingin sa kanya. Mas lalo akong nanghihina sa harapan niya. Napapikit nalang ako ng yakapin niya ako kahit sobrang basa ako. Mainit ang katawan niya kumpara sa'kin na kulang nalang ay manigas sa sobrang lamig. Sa sobrang init ng yakap niya pakiramdam ko tuloy ligtas na ako. Na kahit manghina at bumagsak ako ngayon, may sasalo sa'kin.

"Hali ka, sumama ka sa'kin." aniya at inalalayan ako papunta sa sasakyan niya.

Hindi ko alam kung paano niya ako nakita. Siguro aksidente niya akong nadaanan habang nakaupo ako kanina. Nang makapasok kami sa sasakyan niya ay may inabot siya sa'king jacket at ipinasuot sa'kin yun. Nakakahiya man pero wala akong ibang magawa dahil sobrang lamig na lamig na ako. 

Tahimik lang ako sa sasakyan habang nagmamaneho siya. Hindi rin siya nag balak na tanungin man lang ako kung anong nangyari. Nang tumunog ang selpon niya ay pareho kaming napatingin do'n. Sumulyap muna siya sa'kin bago niya sinagot ang tawag.

"Oo, nakita ko siya. Ako na ang bahala. Sige." 

Mabilisan lang ang tawag nila pero alam kong isa sa mga kapatid ko ang tumawag kay Troy. Umiwas nalang ulit ako ng tingin at hinayaan ang luhang bumuhos habang nakatingin sa labas. Kahit papaano naaalala pa rin ako ng mga kapatid ko. Hindi ko nga sila makasundo sa bahay pero mas may pake naman sila sa'kin kesa kina mommy na pinagpalit ako kay Aya.

Nang makarating kami sa lumang bahay ni Troy ay siya na mismo ang umalalay sa'kin papasok do'n. Kumpara sa unang punta ko rito, mas naging maayos ang itsura ng loob ng bahay. Nadagdagan na ang mga gamit at mas mukha ng may taong nakatira.

"Gusto mo ba ng tubig?" tanong niya.

"Hindi na, ayos lang ako." 

"Sige, mag bihis ka muna kasi baka magkasakit ka pa. Damit ko na muna ang suotin mo." aniya sabay hila sa'kin papunta sa kuwarto niya.

Kumuha siya ng itim na t-shirt at shorts para yun daw ang suotin ko. Masyadong malaki yun sa'kin pero kinuha ko nalang dahil sobrang lamig na talaga. Nanghihina akong pumasok sa banyo niya at saglit munang natulala. Parang naiwala ko ang sarili ko kung saan. Hindi ko alam kung anong iisipin ko sa mga oras na 'to. Ang alam ko lang nasasaktan ako, ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Nanghihina ang buong katawan ko at gusto ko nalang bumagsak ngayon.

Ilang minuto akong nanatiling tulala hanggang sa tuluyan na akong makapag-bihis. Nang malakabas ako sa banyo ay bumungad naman sa'kin ang nakatayong si Troy. Seryoso siyang nakatingin sa'kin kaya ako na mismo ang umiwas ng tingin.

"Ah, salamat dito." mahina ang boses ko pero sapat na para marinig niya.

"Pinapatanong nga pala ni Ryan kung kailan ka raw uuwi." 

Mapait akong ngumiti sabay yuko. Bakit pa nila iisiping uuwi ako ro'n? Wala na akong balak na umuwi pa sa bahay. 

"Hindi na ako uuwi ro'n. Ayaw ko nang bumalik pa sa bahay na yun para lang maging anino." 

"Pero pamilya mo pa rin naman sila, Kyla. Maaayos din ang relasyon mo sa mga magulang mo. Hindi mo kailangan mag layas."

"Maaayos? Troy, bago pa man ako mag layas may pamalit na sila sa'kin. Bago pa man ako sumabog may bago na silang anak. Sinanay nila ako sa pamilyang masaya, mapagmahal, maalaga, tapos isang araw magigising nalang ako na wala na yung nakasanayan ko? Sinong anak ang matutuwa na makitang nasa iba ang atensyon ng mga magulang niya? Sinong anak ang magsasaya na makitang kaya ng mga magulang niya na wala siya? Sino, Troy? Mayro'n ba?" umiiyak ko sabi sa kanya.

Siguro para sa iba ang babaw ng dahilan ko. Pero masakit e. Nasasaktan ako kapag nakikita ko silang masaya kasama si Aya. Kasi dati ako yun. Dati ako yung paborito nilang anak. Masaya pa naman kami bago nila nakilala si Aya. Tapos ngayon nagkagulo-gulo na.

"Hindi ko talaga alam kung anong mayro'n si Aya. Sa kanya na umiikot ang mundo ng mga magulang ko. Ni hindi na nila iniisip ang nararamdaman ko. Nasigawan ko lang si Aya sobrang galit na sila pero hindi man lang sila nag alala no'ng sinabi kong muntikan akong matuklaw ng ahas. Nando'n ka, 'di ba? Nakita at narinig mo mismo. Ano bang mayro'n sa kanya, Troy? Bakit sa kanya na umiikot ang mundo ng mga taong malalapit sa'kin?"

Yumuko lang siya sa harap ko dahilan para mas bumuhos ang mga luha ko. Mas lalo akong nanghihina. Sumasakit na rin ang ulo ko at lumalabo na rin ang paningin ko.

"Ikaw, Troy? Kagaya ba ng mga magulang ko, si Aya na rin ba ang kakampihan mo? Sa kanya ka rin ba maniniwala? Sa kanya na rin ba umiikot ang mundo mo? Ang saklap, 'no? Hindi ko akalain na yung babaeng pinagtanggol ko sa mga nambubully sa kanya, siya rin pala yung sisira sa kaligayahan ko. Hindi ko 'to inaasahan e. No'ng una gusto ko siyang tulungan, pero ngayon gusto ko nalang siyang mawala sa buhay ko."

Dahan-dahang lumapit sa'kin si Troy at niyakap ako ng mahigpit. Napapikit nalang ako dahil mas sumakit lang ang ulo ko at dumidilim din ang paningin ko.

"Shh, tahan na." bulong niya.

"Sana naman h'wag na niyang agawin lahat sa'kin. Sana naman makuntento na siyang nasa kanya na ang pamilya at buhay na mayro'n ako dati. Sana hindi ka na niya kunin.."

Sa sobrang panghihina ay hirap na akong mabigkas pa ang huling salita na dapat kong sabihin. Bumigay nalang ang tuhod ko at tuluyan ng natumba. Kung hindi lang ako yakap ni Troy, baka ang matigas na sahig ang sumalo sa katawan ko.

"sa'kin.." huling salitang nabitawan ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon