Dahil hindi ko na matiis na hindi niya ako kinakausap, ako na mismo ang pumatay sa apoy at agad siyang hinarap. Umiwas siya ng tingin sa'kin at aalis na naman sana sa harap ko pero nagawa ko naman siyang pigilan.

"Galit ka ba dahil pinipilit kitang pumasok bukas?"

Hindi niya sinagot ang tanong ko. Gusto kong mainis dahil sa kinikilos niya, pero ayaw kong sabayan ang galit niya. Hindi magiging maganda ang kalalabasan kapag 'yon ang ginawa ko.

"Kung 'yon ang dahilan kung bakit ka gali--"

"Hindi ako galit." 

"Kung hindi ka galit, bakit ganyan ang kinikilos mo? Hindi mo ako kinakausap. Nilalagpasan mo lang ako at ang lamig ng pakikitungo mo sa'kin ngayon."

"Nakakabakla 'tong sasabihin ko, pero nagtatampo ako. Alam ko namang ayaw mo lang na napapabayaan ko ang pag-aaral ko. Pero sinabi ko sa'yong kaya kong humabol. Ayos lang na mahirapan ako basta alam kong kasama mo ako sa mga panahong kailangan mo nang masasandalan. Nagtatampo ako kasi hindi mo makuha ang punto ko." 

Parang pinipiga ang puso ko habang nakatingin sa kanya ngayon. Gusto kong isipin na ang cute niya kapag nag tatampo, pero kailangan kong mag seryoso ngayon. 

Bumuntong hinga ako at hinawakan ang kamay niya.

"I'm sorry. Alam kong inaalala mo lang din ako. Gusto mo lang din ang mga bagay na ikabubuti ko. Alam kong hinding-hindi ko mararamdamang mag-isa ako dahil nandiyan ka naman palagi. Pero gusto kong malaman mo na kahit late ka na makauwi bukas at sa mga susunod na araw, hihintayin kita. Hindi mo ako kailangang alalahanin dito dahil hindi naman ako aalis."

Napangiti ako nang mag tagpo na ang mga mata namin. Para akong nabunutan ng tinik. 

"Ayaw ko ring mahirapan ka, baka sisihin pa ako ng mga anak natin sa future dahil pumapangit lalo ang papa nila sa sobrang stress." pinisil ko ang ilong niya nang makitang sumilay na ang ngiti sa mga labi niya.

"Mga anak? Ibig sabihin ba no'n, maraming anak ang gusto mo?"

"Depende?"

Hindi ko na napigilan pa ang tawa nang yakapin niya ako ng mahigpit.

"Gusto ko pa sanang mag tampo para bigyan mo ako ng kiss kapag sinuyo mo ako, sayang bumigay ako agad."

"Ang hilig mong humingi ng kiss, kulang na lang alisin mo 'yong labi ko tapos idikit mo sa'yo."

"Ang damot mo rin kasi sa kiss. Kailangan ko pang nakawin 'yon sa'yo para hindi ka makatanggi."

"Baka kasi mag sawa ka kaagad sa'kin kapag palagi kitang pagbibigyan. Baka maikumpara mo pa ako ro'n sa Trisha mo na nakahalikan mo lang naman dati sa library."

"Hinding-hindi 'yan mangyayari. Kahit madamot ka, mahal kita. Pero si Trisha, kahit ilang beses niya pa akong nahalikan dati, hindi ko siya minahal."

"Subukan mo lang talagang humalik pa ulit sa ibang babae, sasaksakin at ibebenta ko talaga 'yang mga lamang loob mo." 

"Hindi na nga ako hahalik sa iba. At alam ko ring hindi ako mag mamahal ng iba dahil mayro'n naman akong ikaw." aniya sabay halik sa noo ko.

Ang sarap pala sa pakiramdam kapag 'yong away o tampuhan, hindi na pinapaabot ng bukas bago maayos. Ang gaan sa pakiramdam kapag pareho niyo nang naiintindihan ang isa't isa. Parang hindi ko kasi 'to naranasan noon kay Miko. Iba ang pakiramdam ngayon kumpara noon. Mas masaya ako ngayon kahit maraming tutol.

Medyo matagal kaming nakatulog ni Troy dahil sa kuwentuhan namin. Hindi na rin kasi namin namalayan ang oras kaya inabot kami ng alas dose ng gabi. Pareho naman kaming mahimbing na nakatulog, pero pinilit kong magising ng madaling araw para maihanda ang mga kakailanganin niya bago umalis. 

Hinanda ko ang damit niya at ang mga dadalhin niya. Chinarge ko na rin ang selpon niya bago ako pumunta sa kusina para mag saing. Mabagal lang ang kilos ko para hindi ko siya magising dahil sa ingay. Nang binuksan ko naman ang fridge, kaunti lang ang laman. Hindi rin naman kasi palaging nandito si Troy para makapag-grocery.

Hindi naman ako marunong mag luto ng masasarap na ulam. Marunong lang akong mag prito dahil tinuruan naman ako ni Cara dati. Kinuha ko na lang ang tatlong itlog at limang hot dog ro'n para lutuin. Kahit na inaantok pa ako, pinilit ko talaga ang sarili ko na magising dahil baka masunog ang piniprito ko. Pero sa kasamaang palad, 'yon nga ang nangyari. Hindi naman siya gaanong sunod, kaunti lang naman. Pero sa tingin ko, may epekto pa rin 'yon sa lasa ng pagkain.

Nang inilapag ko sa lamesa ang niluto ko, parang gusto ko na lang maiyak. Gusto kong mag luto ulit pero baka gano'n lang din ang maging resulta. Puwede naman sigurong do'n na lang kumain si Troy sa bahay ng lolo at lola niya, 'di ba? Mas okay na 'yon, siguradong maganda ang pagkakaluto. Gusto ko sanang linisin na lang lahat ng mga nagamit ko sa pagluluto pero dahil sa sobrang kaantukan, nakatulog na ako sa upuan. 

Nagising na lang ako dahil sa tilaok ng mga manok sa labas at dahil na rin sa sinag ng araw. Nag unat-unat muna ako habang nakahiga at niyakap ang unan sa tabi ko.

Saglit lang...unan?

Agad akong napabangon nang mapansing nasa kama na pala ako! Nang lingunin ko ang kabilang side ng kama, wala na si Troy do'n. Dali-daling hinanap ng mga mata ko ang orasan sa pader. Alas otso na pala ng umaga!

Tumayo ako at hinanap si Troy pero mukhang kanina pa siya nakaalis. Napatingin naman ako sa lamesa kung saan may papel na nakadikit sa pantakip ng ulam. Kinuha ko ito at tiningnan kung anong nakalagay.

Good morning, sunshine! Kinain ko nga pala 'yong niluto mo kanina para sa'kin. Medyo napasarap ang kain ko kaya naubos ko. Pero pinagluto naman kita para sa umagahan mo. Pasensya ka na at hindi na kita ginising, masarap kasi ang tulog mo kaya binuhat na lang kita papuntang kama. Susubukan kong agahan ang uwi ko mamaya. I love you!

- Troy, your future husband.

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi. Medyo sunog 'yong niluto ko kanina pero inubos niya pa rin. Napabuntong hininga na lang ako at tiningnan ang niluto niya para sa'kin. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti habang iniisip ang future naming dalawa.

Paano kung ganito rin kami sampung taon mula ngayon? Simpleng buhay rito sa bukidnon. Magkasama at masaya. Magtatrabaho siya habang ako naman, mag aalaga ng mga anak namin. Hindi ko pa 'to naiisip dati e, kaso dahil sa kanya, kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko. Pero kung tutuusin, ayos lang sa'kin kung simpleng buhay lang ang mayro'n kami, basta masaya.

At sana gano'n nga ang mangyari. Sana matapos na lahat ng 'to.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon