Tumigil siya sa pag kain at tiningnan akong mabuti. 

"May dahilan ako kung bakit ako nandito kasama mo. Nandito ako para samahan ka. Nandito ako para damayan ka dahil alam kong malungkot ka. Nandito ako para pagaanin ang loob mo at mapasaya ka. Sapat na dahilan 'yon para hindi muna ako pumasok. Kasisimula lang din naman ng pasukan, makakahabol pa naman ako."

"Kahit na! Dapat man inuuna mo pa rin ang pag-aaral mo kaysa sa'kin. Ayaw kong pinapabayaan mo ang pag-aaral mo dahil lang gusto mo akong mapasaya at maalagaan."

"Per--"

"Walang pero-pero. Papasok ka bukas at hindi mo na mababago pa ang isip ko."

"Oo na!" halata sa mukha niya ang inis dahil sa mga sinabi ko. "Pero hindi ako uuwi mamaya."

Aangal na sana ako pero nagpatuloy naman siya sa pagsasalita.

"Bukas na ako uuwi. Aagahan ko na lang ang pag gising para makapag-handa pa ako ng umagahan mo bago ako umalis. Kakausapin ko na lang din si Lolo at Lola na samahan ka rito habang wala ako, sila na ang bahala para sa tanghalian at meryenda mo. Pagkatapos ng klase, babalik ako rito."

"Mapapagod ka kapag gano'n palagi ang gagawin mo. Mag stay ka na lang muna ro'n."

"Ikaw na nga ang masusunod na papasok ako bukas, 'di ba? Ngayon, ako naman ang masusunod kung uuwi ako rito o hindi."

Napanguso na lang ako dahil ramdam ko talaga ang inis sa tono nang pananalita niya. Pagkatapos nang usapan namin, hindi na niya ako ulit kinausap. Balak ko nga sanang mag sorry, kaso pinangungunahan ako ng pride ko. 

Tama lang naman ang ginawa ko, 'di ba? Hindi niya naman talaga dapat pabayaan ang pag-aaral niya dahil lang sa'kin. Mas mahalaga pa rin 'yon. Mas malinaw pa ang magiging kinabukasan niya ro'n kaysa sa'min. Kaya dapat lang na unahin niya 'yon.

Gaya nang sinabi niya, ibinilin niya nga ako sa Lolo at Lola niya. Mabuti nga at hindi na sila nag tanong kung bakit nandito ako at kung bakit hindi ako sasama kay Troy sa siyudad. Nakatulog ako kinahapunan dahil na rin sa ganda ng panahon. Para bang pagod na pagod ang katawan ko at ngayon lang nakapag-pahinga ng matagal. 

Gabi na nang magising ako. Nang pumunta ako sa kusina, bumungad sa'kin si Troy na tahimik na nagluluto. Naglakad ako papalapit sa kanya saka sinilip kung anong niluluto niya.

"Anong niluluto mo?"

"Pork kaldereta." maikling sagot niya.

Tumango-tango ako at tiningnan naman ang mukha niya. Seryoso lang siyang nagluluto. Wala ba siyang balak na kausapin ako? Galit kaya siya dahil kanina?

"Galit ka?"

Matagal bago siya nag salita.

"Hindi."

"Galit ka e."

Tiningnan niya ako saglit saka nag patuloy ulit sa ginagawa.

"Hindi nga ako galit."

"Kung hindi ka galit, bakit kanina mo pa ako hindi kinakausap?"

Tumigil siya sa ginagawa niya. Akala ko kakausapin niya na ako pero tinalikuran niya lang ako. Sinundan ko siya ng tingin habang inaayos niya ang mga plato sa lamesa. Para bang humahanap siya ng dahilan para lubayan ko siya ngayon.

"Troy," tawag ko sa kanya.

Hindi niya pa rin ako nililingon at nilalagpasan lang ako. Hindi na ako sanay na ganito siya. Dati naman normal lang 'to pero ngayon, iba na. Binalikan niya ang niluluto niya at tiningnan kung luto na ba 'yon. Mukhang luto na nga pero hindi ko alam kung bakit hindi niya parin pinapatay ang apoy.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Where stories live. Discover now