"Hindi ka muna papasok bukas. Si Cara naman, nasa restaurant kung saan ka nagtatrabaho para kunin yung mga gamit mo."

Tumango ako at tumayo na rin.

"Kumain ka muna bago ka magpahinga." aniya sabay lingon sa'kin.

"Sasabayan mo akong kumain?"

Umiling siya at nag iwas ng tingin. Malungkot naman akong ngumiti at tumango na lang. Mag-isa pala akong kakain ngayon dahil wala pa si Cara. Mauuna na sana akong lumabas ng kuwarto nang bigla siyang magsalita ulit.

"Tapos na akong kumain kaya hindi na kita masasabayan. Pero sasamahan pa rin naman kita rito habang wala pa si Cara.

Ngumuso naman ako para itago ang ngiti. Mukha siyang galit pero hindi pa rin nawawala ang pagiging maalaga niya. Seryoso ang mukha niya hanggang sa pareho na kaming nakalabas ng kuwarto. 

Inalalayan niya ako hanggang sa makaupo na ako. Siya na rin ang nag lagay ng pagkain sa plato ko at nagsalin ng tubig sa baso ko. Maingat ang bawat galaw niya hanggang sa umupo na siya sa katabi kong upuan.

"Kumain ka na." aniya 

Tumango ako sa kanya at nagsimula na ngang sumubo. Habang kumakain ako, ramdam ko ang titig niya. Hindi tuloy ako komportable sa pag nguya ng pagkain dahil hindi ko alam kung anong iniisip niya habang nakatingin sa'kin.

"Tigilan mo nga ang kakatitig sa'kin." sambit ko sabay inom ko ng tubig.

Akala ko gagawin niya ang sinabi ko pero hindi siya tumigil sa pagtitig sa'kin. Nang hindi ko na talaga matiis, napairap na ako bago siya nilingon.

"Tigilan mo nga kasi ang kakatitig sa'kin! Tusukin ko kaya 'yang mata mo?"

"Sana sinabi sa'kin na nagkita pala kayo ni Miko." 

Natigilan naman ako dahil sa sinabi niya. 

"At sana sinabi mo rin sa'king may trabaho ka pala kaya panay ang tanggi mo sa tuwing inaaya kitang lumabas. Ang hirap kapag wala kang alam kung ano ng nangyayari sa buhay ng girlfriend mo kasi marami siyang tinatago sa'yo. Halos hindi ako makatulog nang maayos kakaisip kung bakit palagi kang tumatanggi sa'kin."

Halos pigilan ko ang hininga ko habang nakikinig sa mga sinasabi niya.

"Tago na nga ang relasyon natin, ang dami mo pang hindi sinasabi sa'kin. Nadagdagan lang ang mga iniisip ko no'ng sinabi ni Lane na nakita niya kayong magkasama ni Miko. Kahit sabihin kong may tiwala naman ako sa'yo, ex mo pa rin ang kasama mo. Masakit pa rin yun para sa'kin." nag iwas siya ng tingin sa'kin. "Selos na selos na ako pero ayaw kitang pigilan sa mga gusto mong gawin kasi ayaw kong masakal ka sa'kin."

Natigilan na lang ako habang nakatingin din sa kanya. Ganitong-ganito yun e. Ganito ang sitwasyon namin ni Miko noon. Pero ang pinagkaiba lang, si Troy ang nasa posisyon ko noon. Siya ang nahihirapan. Siya ang umiintindi. Bakit hindi ko napansin yun? Bakit hinayaan kong maramdaman niya yung naramdaman ko dati?

Ayos na ayos lang sa'kin na tago ang relasyon namin pero hindi ko naisip kung ayos lang din ba sa kanya. Inuna ko ang trabaho ko at ang dami kong hindi sinabi sa kanya, halos hindi ko na rin siya makausap sa isang araw. Naging normal yun sa'kin pero hindi ko naisip na siya yung nahihirapan. Bakit hindi ko 'to naisip? Bakit hindi ako nakiramdam? Inakala kong ayos lang sa kanya kasi wala naman siyang sinasabi sa'kin. Mali pala ang akala ko. Sobrang mali.

Dahan-dahan kong hinawakan ang mukha niya. Malungkot akong ngumiti habang tinitingnan siya. Bakit ko ba sinasaktan ang taong 'to? Wala siyang ibang ginawa kung 'di ang mahalin at alagaan ako.

"Shit!" bigla siyang tumayo at hindi pa rin makatingin sa'kin. "Pasensya na, naistorbo pa kita sa pagkain mo. Kumain ka na ulit, do'n lang ako sa sala." aniya saka ako tinalikuran.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Where stories live. Discover now