CHAPTER 74: All My Heart

38 3 6
                                    

Nag-aayos na ako ngayon sa kuwarto ko at ito ang huling araw ng school year. Pupunta lang kami ng school para sa mga ibang detalye bago kami tuluyang mag-Grade 12.

At dalawang linggo na rin ang nakalipas mula noong araw ng kasal nina Caden at Elisa.

Masakit pa rin syempre para sa'kin ang kinahinatnan ng relasyon namin ni Caden. Pero, kailangan kong magpatuloy kaya kinakaya ko. Aabante lang ako sa buhay kahit hindi ko na siya kasama.

Nakaharap ako sa salamin ngayon tapos ay napatingin ako sa kuwintas na suot ko na niregalo niya sa'kin noong Pasko.

Katatapos ko lang din ilagay sa buhok kong nakaayos ng half ponytail 'yong burgundy ribbon na bigay sa'kin dati ni Caden noong mga bata pa kami.

Dahil huling araw na ng pasukan, ngayon din ang huling araw na isusuot ko ang mga bagay na 'to na may alaala ni Caden. Bumuntonghininga ako nang malalim at lumabas ng kuwarto.

---

Wala pang teacher na napunta sa'min kaya't ang iingay ng mga kaklase ko. Kuwentuhan, tawanan, kulitan, 'yong iba nagpi-picture-an pa. Naisip ko namang lumabas ng classroom para bumili ng meryenda sa canteen. Paglabas ko naman ay nagulat ako nang may humablot bigla sa magkabila kong braso.

"Mariya. Cheska."

"Sama kami sa'yo, Roma. Sa canteen ka pupunta, 'di ba?" sambit ni Mariya.

Natawa ako nang kaunti, "Oo."

"Bibili din kami," ani Cheska.

Nang makarating kami sa canteen, marami-rami na rin ang tao pero nagawa pa rin naming makipagsiksikan sa mga tao rito.

Nang makabili na ako ng pagkain at inumin ay hinanap ko muna sina Cheska at Mariya pero nakita kong bumibili pa sila kaya't nauna na akong lumabas. Dito ko na lang sila hihintayin.

Habang pinagmamasdan ko ang kumpulan ng mga tao na dumadaan sa harap ko ay may napansin akong isang pamilyar na mukha sa may kalayuan mula sa'kin.

Nakatitig lang ako at nakatulala sa taong 'yon. Nakangiti lang siya sa'kin habang nakatayo ro'n at nakatingin sa'kin.

Naramdaman kong biglang lumukso ang puso ko.

"Caden?"

Dahan-dahan akong humakbang para lapitan siya. Nakipagsiksikan ako sa gitna ng mga tao para lang malapitan siya. Pero pagdating ko kung saan siya nakatayo ay hindi ko siya nakita.

Walang Caden na nakatayo rito. Bumigat bigla ang dibdib ko, maging ang paghinga ko. Nilibot ko pa ang paningin ko at baka sakaling nandito lang siya sa paligid.

Pero wala. Hindi ko siya makita. Namalik-mata nga siguro ako.

"Roma!"

Napatingin ako sa tumawag sa'kin. Sina Mariya at Cheska pala. Hinawakan nila ako sa braso at hinila kasama nila para bumalik sa classroom.

Lumilingon-lingon pa rin ako kung saan ko siya nakita hanggang sa tuluyan na kaming makaalis.

Namalik-mata lang talaga ako. Kasi imposible namang nandito siya, 'di ba? Pinagtulakan nga niya ako palayo noon at kinasal na rin siya sa iba kaya bakit pa siya babalik dito?

"So, proceed na tayo sa awarding?"

Narinig naming anunsyo ng adviser namin sabay palakpak naman ng mga kaklase ko pagkapasok namin ng classroom.

"Awarding?" pagtataka ko.

"Third place, Flores Trina," announce ni Ma'am. Pumalakpak kami tapos ay pumunta sa unahan si Trina at binigyan siya ni Ma'am ng award na certificate.

Under Our Starry SkyWhere stories live. Discover now