Part 40

607 58 9
                                    

London, England

NAKATUNGHAY si Mary Grace sa harap ng laptop. Nagpadala sa kanya ng e-mail si Andrea mula sa Chile. Naroon ngayon ang babae dahil sa trabaho nito. Apat na buwan na ang nakalilipas magmula ng magising siya sa comatose. Hindi ito umalis tabi niya hanggang sa ma-discharge siya sa ospital. Wala siyang maalala na kahit na ano tungkol sa buhay niya. Nalaman niya mula dito na ulila na siyang lubos at nag-iisa sa buhay. Na isang fiance lang ang meron siya na panandaliang lumisan at di ito sigurado kung babalik pa. 

Iniwan siya ng taong 'yon sa pangangalaga nito. Nang tanungin niya ang babae kung saan nagpunta ang fiance niya, hindi ito sumagot. Di na rin siya nag-usisa at di niya alam ang dahilan. Sinabi ni Andrea na mas mabuting kusa niyang maalala ang lahat. Dahil mahirap ipaliwanag ang mga pangyayari. Iniwan lang nito sa kanya ang singsing na pinabibigay ng taong 'yon. Fortunately, she had a place to stay at in that country—an elegant house in Essex. May sariling pera din siya sa bangko. Lahat ng iyon ay iniwan sa kanya ng fiance niyang nagngangalang Xeph. Isang eksistensiyang wala siyang kaide-ideya kung ano ang itsura. Ni larawan nito ay walang maipakita si Andrea.

Mary Grace de Dios ang pangalan niya. Twenty-years old. Filipino ang citizenship. At mag-isa siyang naninirahan sa bahay na 'yon. Iyon lang ang tanging nalalaman niya. Tumatakbo ang oras na hindi niya napapansin. At lumilipas ang araw na tila siya nabubuhay sa karimlan. Pakiramdam niya ay nasa malalim na bahagi ng panaginip pa rin ang diwa niya. At minsan naiisip niyang mas mabuting kalimutan niya na lang ang lahat. Dahil sa tuwing pinipilit niya ang sariling makaalala, basang-basa ng luha ang mga pisngi niya ng hindi man lang niya namamalayan. 

At hindi niya alam ang rason sa napupunit na sakit ng kanyang puso. Kumikirot ang sugat niya sa malapit sa dibdib dulot ng tahi ng operasyon. Kadalasan sa kalagitnaan ng gabi, nagigising siyang humahagulgol. Naririnig niyang may tumatawag sa pangalan pero walang boses na lumalabas sa bibig niya sa tuwing gusto niyang sumagot pabalik. And it was very excruciating. Kaya mas nais niyang ma-blanko na lang sa mga nagpapahirap na memorya sa kanya.

Napabuntong-hininga na lang si Mary Grace at nagdesisyong buksan ang video file na pinadala ni Andrea. May kalakip iyong mensahe sa ibaba.

Grace, how are you? Maayos ba ang kalusugan mo? Kumakain ka ba sa tamang oras? May naalala ka na ba? Kung noon, gusto 'kong bumalik ang mga ala-ala mo... medyo nagdadalawang-isip ako ngayon. You are unconsciously protecting yourself from hurting. At naiintindihan ko...You became a precious friend to me. And I don't want to hurt you more than you'd ever hurt before. Pero wala akong karapatang itago sa'yo ang katotohanan. Although it's a bad news, I need to spill it to you... Xeph... your fiance. I heard from someone that he's... dead.

Natigagal si Mary Garce nang mabasa ang mga salitang 'yon. Suminghap siya at natuptop ang dibdib. Again... that pain... the throbbing of her chest was overly familiar.

Maaring maging mahirap para sa'yo 'to pero hindi ako magdedesisyon para sa sarili mo. Ang nilalaman ng video file na 'to ay ang mga huling salita ni Xeph sa organisasyong dati niyang pinagtatrabahuhan. Ikaw ang magpapasya kung gusto mong makita o ibaon na lang sa limot ang lahat... Just call me if you need a shoulder to cry on...

Napalunok siya matapos basahin ang mensahe nito. Ilang sandali siyang tulala habang inaanalisa ang isip niya. Pumako ang mga mata niya sa file na nasa screen. Gayunpaman, kumilos ang isang kamay niya para i-click ang video. 

It's just my curiosity.

Isang bulto ng guwapong lalaki ang nasa gitna ng screen—a green-eyed guy with a brandy colored hair.

"Hi. This would be just a simple and short message. First of all I want to say that I really wanted to live but I can't... anymore." Yumuko ito at huminga ng malalim. "Kung ano man ako sa HYDRA at kung ano man ang naging buhay ko noon bago makapasok sa organisasyon, iisipin nino man na isang himala na umabot ako hanggang dito. Losing my whole family... being an assassin, and experiencing cruel things I could never imagine as a kid, it's like a stupid arrangement movie. Pero hindi ito isang pelikula kundi nangyayari sa tunay na buhay at... mahirap tanggapin ang katotohan. Isang parte ko ang tumakas sa reyalidad na 'yon at isang parte ang hindi matanggap kung anong kinahinatnan ko. Naisip 'kong kamatayan ang sagot para matapos na ang lahat. Madaling tanggapin ang kamatayan kung walang naging silbi ang buhay. At mahirap tanggapin ang buhay kung niyakap mo na ang kamatayan. Akala ko sa mga salitang ito lang iikot ang kapalaran ko. Pero may isang taong bumago doon. Masayang mabuhay kasama ang taong pinahahalagahan mo at hindi ka basta-basta susuko sa kamatayan kung alam mong may lugar kang babalikan. And I wanted to go back to her... alive and kicking. Pero na-realize kong maghahatid lamang ng panganib at kalungkutan ang eksistensiya ko sa buhay niya. Kung mamamatay man ako, ilalaan ko ang huling hininga ko para sa taong 'yon. Hindi 'yon sapat para sa akin dahil gusto ko talaga siyang makasama. But it's not bad to see her living a peaceful life. Bismuth, isa ka sa mga taong naging malapit sa 'kin at sana makita mo rin ang hinahanap at hinahangad mo sa hinaharap. You can replace me as being one of the top-rate frontliners. Tin, you would always be a dear friend to me. And Paul... thanks for not acting like Lambert. Truth is... I really respect you." Muli itong huminga ng malalim at lumapit sa camera. "Gusto kong sabihin na hindi ako mamamatay para sa wala... and I was able to live a blissful life even once. Maikli pero ayokong makaramdam ng panghihinayang. This is Brutch Xeph Crimson... Under the codename of Lead from HYDRA, I am permanently... signing off!" Sumaludo ito bago nawala ang pigura.

At mula naman sa kinauupuan ni Mary Grace, isang hikbi ang kumawala sa kanyang lalamunan. Sumigok siya ng sunod-sunod at nagtuluy-tuloy ang paglalandas ng kanyang mga luha sa pisngi. Kinabog niya ang dibdib dahil feeling niya ay hindi siya makahinga. Parang rolyo ng sine na bumalik sa isip niya ang lahat ng pinagdaanan niya kasama ang binata. Kung paano siya iniligtas nito ng napakaraming beses. Kung paano siyang nagtapat dito at kung paano nitong inabot ang kamay niya. Kung paano sila nagsama sa bansang 'yon at kung paano nila ipinagdiwang ang kaarawan niya. Kung papaano siya halos malagutan ng hininga sa mismong harapan nito. Ang takot, hindik, at sakit na lumatay sa mukha nito habang tinitingnan siya ng mga sandaling 'yon... bakit nawaglit 'yon sa isipan niya? Gaano naging kahirap para dito ang sitwasyong 'yon gayung alam niya na abot-langit ang pagpapahalaga nito sa buhay niya.

"Aaahhhhhh....iiihhhhhh....." She yelped and cried. Napadukmo na siya sa mesa habang humahagulgol. "Xeph... Xeph... I'm sorry... I'm so sorry..." Umalog ang balikat niya at nagpatuloy lang siya sa pag-iyak. Kung hindi pa tumununog ang doorbell, wala siyang balak na tumigil. Sumisigok na pinunasan ng likod ng kanyang palad ang basang pisngi. But her tears just continued to flow down. Nakatakip ang palad niya sa mga mata nang buksan niya ang pinto.

"Hi."

Bigla niyang tinanggal ang kamay sa paningin nang marinig ang pamilyar na boses. She panted as her eyes grew wider. Ipinikit niya ang mga mata at muling idinalat. Naroon pa rin ang bulto sa harap niya. Mukhang hindi ito isang ilusyon lang.

"Totoo ako, Mary Grace." Tila nabasa nito ang nasa isip niya. Tumaas ang isang kamay nito sa kanyang pisngi. Tama. Totoo ito. Ang pamilyar na salat nito sa balat niya ay kilalang-kilala ng katawan niya. "You've been crying... Pasensiya na kung ngayon lang ako. Pero tinupad ko naman 'yong promise ko, di ba? I'm back. Hindi na kita iiwan pa. I'll be with you for good."

"Xeph..." bulong niya sa hangin. Hindi pa rin siya makapaniwala. Kani-kanina lang ay namaaalam ito sa screen ng computer at talagang tumimo sa utak niya na patay na ito. But the man is currently standing right in front her! Pero mahalaga pa ba ang mga detalye? Naroon na ito sa harap niya mismo at iyon ang pinakamahalaga! Sa naisip ay bigla niya itong dinamba ng yakap. Saka siya umiyak ng umiyak. "Sorry... Kung hindi ako gumising kaagad. Sorry kung nasaktan ka... At sorry kung nakalimutan na naman kita..."

Mahigpit na yakap ang iginanti nito. "No. I'm sorry that I'd been careless exposing you from dangers. And I'm sorry for leaving you when you were on the hospital."

Umiling siya. "Ginawa mo ang lahat ng magagawa mo di ba? Bumalik ka para sa akin..."

"Yes. Kung hindi dahil sa'yo, matagal na akong sumuko sa buhay. Pero hindi ako puwedeng pumunta sa lugar na wala ka. Kung nandito ka, ipaglalaban ko ang puwang ko dito sa mundo. Kahit isa 'kong masamang damo na hindi puwedeng tumubo sa tabi ng isang bulaklak, ilang beses man akong bunutin, tutubo at tutubo ako sa tabi mo... para protektahan ka sa kahit anong bagyo o unos. Para makasama ka habang buhay. Dahil sobrang mahal kita."

Lalo siyang napaiyak sa narinig.

"And even if you forgot me... I would make you fall in love with me again and again." Humiwalay ito sa kanya at sinapo ang kanyang mukha. "So that's why... let's make a family together. Pakasalan mo ako, Mary Grace."

Sunod-sunod ang ginawa niyang pagtango. Siniil siya nito ng mariing halik pagkatapos. "I miss you, sweetheart. Sorry kung nagpo-propose ako sa'yo nang wala man lang ako dalang singsing," saad nito malapit sa kanyang mga labi.

Itinaas niya ang kamay at ipinakita dito ang daliri niya. Naroon ang engagement ring na iniregalo nito sa kanya. "I kept this even If I didn't still remember... My heart knows and my body knows that I'm belong to you." Muli siyang yumakap dito. "Welcome back... Xeph."

"Yes... I'm finally home."

- The End -

Author: Thank you for being with Xeph and Mary Grace in their heartwarming story. 

The book is still available in any phr branch and you can also purchase the story on e-book at preciouspagesebook.com.ph

LEL 3: Brutch Xeph Crimson a.k.a. LEAD [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon