Part 33

422 44 2
                                    

London, England

"So, I got the new info about Godfrey's hideout. Wala pang confirmed location pero ipapadala ko ang mapa sa ilang lugar na posibleng naroon siya," anang nagsasalitang si Nitro sa malaking screen. "Get ready."

Mula sa loob ng unit na kuta ng tatlong assassin ng HYDRA, tahimik na nagsipanaog ang mga ito. Isinalpak ni Bismuth ang magazine ng bala sa baril at ikinasa. Nakaupo ito sa isang stool at nakahilera sa mesita ang mga armas nito. Tumigil naman si Tin sa ginagawang pagsuntok sa punching bag na nakabitin at sumusuray sa hangin. Nang iwan nito iyon, tumapon sa sahig ang buhangin na nasa loob. 

Tumayo lang si Lead mula sa sofa. Dinampot ang leather jacket, ipinagpag, at suwabeng isinuot. Isinira niya ang zipper hanggang leeg. Kinuha ang pinupunasang baril kani-kanina lang at inilagay sa kanyang holster. Awtomatikong sinalo nila ni Bismuth ang tracking goggles na inihagis ni Tin sa kanilang direksiyon. Ikinabit niya ang communicator sa tainga. Ganoon din ang ginawa ng mga kasama niya.

TUUUUTTTTTTTTT!!! Sabay-sabay na nagsipagmura ang tatlo nang walang warning na tumunog ang emergency beeper mula roon. Masahol pa 'yon sa lakas ng sirena sa track ng bumbero.

"Sorry guys... testing lang." Nagkakamot sa batok si Nitro mula sa screen ng computer. "Nakakabagot kasi ang atmosphere niyo diyan. Imbes na mukhang sasabak kayo sa giyera, mas mukha kayong a-attend ng lamay. Chillax! Wala pa namang namamatay."

"Damn you!" Bismuth cursed again.

"Shit! Wala na 'kong utang sa'yo, Nitro. Kapalit ng mga kalokohan mo, quits na tayo," inis na pahayag ni Tin.

"Don't worry about that. May access ako sa bank account number mo, Tin. I can always hack it anytime I want," nakangiting saad nito.

"Buwisit! Wala talaga kaming takas sa'yo."

"Enough of that," saway niya sa mga ito. "Let's get serious—" Muli siyang napangiwi nang muling pumuno sa kanyang tainga ang ingay ng beeper. "Nitro!" napipikong sigaw na niya.

Ngumiwi ito. "Sorry. This time it was an accident... May nasasagap lang na ibang signal—"

BAANNNGG!!! Nabasag ang screen nang tamaan ito ng bala. Putol ang koneksiyon mula sa main headquarters ng HYDRA.

Pumaling ang mukha nina Lead at Tin sa direksiyon ni Bismuth. Umuusok pa ang dulo ng baril nito. Balewalang ibinaba nito ang armas pagkatapos. "Maiikli ang pasensiya ko sa mga ganitong klase ng biro."

"Drat! Bismuth! Muntik na 'kong atakehin sa puso! Wala na nga si Copper, ikaw naman ang pumalit sa pagiging sadista niya! Babarilin mo talaga ako kung personal na nasa harap mo ako?" Dinig na dinig nila ang reklamo ni Nitro mula sa earpiece na nakakabit sa kanilang tainga.

"Tch." Isnaberong inilisya nito ang mukha na parang nakikita ang kausap. "Too bad that it's not really you. Sayang ang bala."

Napasinghap si Nitro. "Mas malala ka sa lahat. Ikaw o si Ury ang malamang na magiging dahilan ng kamatayan ko."

"Stop the theatrics. Magseryoso ka Nitro," paalala ni Lead.

"Parati akong seryoso, Lead. I won't stay in my chair all day long without doing anything. At napag-alaman kong isang property ang binili mo diyan sa London. Hulaan ko, may babaeng blondie kang ibinahay, no?"

Nagtagis ang mga ngipin ng binata. Yamot na tinanggal ang earpiece sa tainga, hinagis sa ere, at pinaputukan. Sa kanya naman ngayon tigagal na nakatunghay sina Tin at Bismuth. "Bakit? May problema kayo?" nanghahamon ang tono niya. Di niya naitago ang nararamdamang inis.

"Wala. Sabi ko nga magseryoso na't maghanda." Iniiwas ni Tin ang mukha. Binuksan nito ang laptop at ikinonekta kay Nitro.

"Honestly, you got less patience than me." Isang makahulugang tingin ang ibinigay sa kanya ni Bismuth. "Property, huh?" Umismid ito at lumabas ng kuwarto. Kahit kailan ay matalas talaga ang pakiramdam nito pagdating sa kanya. It looked like the geek leech was right. He got himself a troublesome follower.

Sa totoo lang ay kinakabahan si Lead. Bawat galaw niya ay alam na alam ni Nitro. Kung may access ito sa financial account niya, dapat na rin siguro niyang matutunan ang pagbabanta sa buhay nito.

~~~~~~~~~~~~~~~~~

NGITING-NGITI si Mary Grace habang nagluluto ng dinner. Katatawag lang sa kanya ni Xeph. Uuwi ito ng bahay at doon magpapalipas ng gabi na ngayon lamang mangyayari. Sa nakalipas na isang buwan niya sa London, ang pagbili ng bahay na matutuluyan niya ang unang inasikaso ng binata. Yes. Ibinili siya nito ng isang bahay. Isang one-hundred sixty square meter up and down Victorian house sa loob ng isang subdivision sa Essex na alam niyang hindi basta-basta ang halaga. 

Sa kanya nakapangalan ang titulo ng bahay sa hindik niya. Okay na sana sa kanyang mangupahan sa isang boarding house o apartment pero hindi pumayag ang lalaki. Mas may privacy daw siya kung sarili niya mismong pag-aari ang tutuluyan niya. Di niya pa rin mawawaan ang sense sa mga idinahilan nito. Sa isang banda, wala itong rason para gastusan siya. Kusa siyang sumama dito. Bukal sa loob niya ang desisyon na makasama ang binata. 

Minsan niya nang naitanong dito kung may sarili itong bahay na inuuwian. Isang maliit na silid na may single bed at banyo. Iyon ang balewalang sagot nito. A home with no sense of living. Ganoon ang pakiramdam niya. At nakikita niya sa mga mata nito na napakahabang panahon ang ginugol nito sa ganoong klaseng buhay. Nag-iisang nakatingin sa kisame ng kuwarto habang nakahiga sa kama. Walang kahit na anong bakas ng buhay bukod tanging sa kanya. Hindi nagkukuwento si Xeph tungkol sa pamilya nito. Ang nakaraang buhay nito bago ito naging bahagi ng organisasyon. Ano ang itsura nito noong bata pa ito? Marami siyang gustong malaman tungkol sa binata.

Ngunit isa sa ikinalulungkot niya, madalang pa sa patak ng ulan kung magawi doon si Xeph. Alam niyang number one priority nito ang misyon. Hinahanap nito si Godrey Falkner sa bansang 'yon. Kaligtasan niya ang pinakamahalaga dito. Pero ilang porsiyento ba ang posibilidad na alam ng matandang bilyonaryo ang eksistensiya niya? O malamang hindi na nito pag-aksayahan pa ng oras na iligpit siya dahil wala nang saysay pa. 

Pero hindi siya ang sentro ng mundo ni Lead—ang assassin. Pagiging makasarili ba kung hihilingin niyang kumalas na ito sa HYDRA? Sobrang nag-aalala siya para dito. Marahil ay may kakayahan ito upang patumbahin si Godfrey pero paano kung biglang mapahamak ito. Walang makapagsasabi ng mga mangyayari. Alam ni Lead ang ginagawa nito at alam niyang katangahan kung katatakutan niya ang mga bagay na hindi pa nangyayari. But somehow, she had that heavy twine in her chest whenever Xeph walked out the door seeing his back. Na ano mang sandali, ang likuran nitong 'yon ang huling imaheng masisilayan niya mula sa binata. Hindi niya kakayanin kung sakaling mawawala ito sa buhay niya.

Creak... Nahinto ang pagmumuni-muni ng dalaga nang marinig niya ang pag-ingit at pagbukas ng pinto sa living area. May pagmamadali sa kilos na pinatay niya ang gas valve. Sa salas, sinalubong siya ng guwapong mukha ng lalaking pinakatatangi niya. Bakas ang pagod sa ekspresyon nito pero naroon pa rin ang kuntentong ngiti habang tinititigan siya.

"Welcome home," bati niya rito bago niya ito sinugod ng yakap.

****

- Amethyst -

LEL 3: Brutch Xeph Crimson a.k.a. LEAD [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon