Kabanata 47

16 3 3
                                    

Umaaraw, Umuulan by Rivermaya (December Avenue cover version)

***

Kabanata 47

Death Penalty


Pinalitan nila ang Dr. Jose Rizal Monument ng mas malaking plataporma para sa Capital Punishment, ang dating istatwa ng bayani noon ay naging pang bitay na ngayon. Ang bagong Death Plaza.

Ang daming binago ni Pangulo Liberato para sa kanyang kagustuhan. Wala akong maaasahan na magandang maidudulot ang kanyang pamumuno. Puro paghihirap lang ang aming naranasan dahil sa kanya.

Ang sunod kong napansin ay ang mga bandila ng Pilipinas. Nakabaluktot ang mga ito kung saan nasa ibabaw ang pula at nasa ibaba ang asul, ang ibig sabihin nito'y digmaan.

Iyan ang nakikita ko sa bawat bandila na nakasabit sa tuktok ng mga poste, pinapakita nila sa amin na kami ang nilalabanan nila sa gyera at sakop nila ang buong bansa, na wala kaming kontrol sa magiging resulta ng digmaan dahil kami ang bibitayin ngayon.

Sumigaw ang kumander sa harap ng mga Liberators na nasa ibaba ng plataporma. Inangat nila ang kanilang palad na kapantay ng kanilang tainga. Ang Pledge of Loyalty at Pledge to the Flag. Ang pangako nila sa mga Oligarkiya na nagmamay-ari ng mga batas.

"Ako ay tagasunod ng batas, matapat na lumilingkod sa bandila at bansa,
Handang ialay ang aking isipan at katawan para sa aking bayan,
Palaging susunod sa kataas-taasan na gobyerno,
At luluhod para sa awa na nagmamay-ari ng mundo."

Pumalakpak ang mga deboto ng pangulo. Maraming mga nanunuod sa ibaba habang sinisigawan kami at inaabangan ang aming pagkamatay. May mga naghahagis pa ng bato at tinatawagan kaming mga 'demonyo' at 'traydor'.

Sila ang mga deboto sa pangulo na kahit nasa harap na nila ang katotohanan ay maniniwala pa rin sila sa kasinungalingan.

"Dali! Diyan kayo pumwesto! Tumayo kayo nang tuwid para makita ng buong masa ang pagmumukha ninyo!" sigaw ng guwardiya.

Dinala kami sa bawat pwesto kung saan may guhit ng parisukat sa aming tinatayuan sa plataporma at isa-isa kaming sinabitan ng lubid sa leeg simula kay Tyranny, Ylang-Ylang, Luisa, Eufemio, Caloy, at ako. Mukhang iyon ang huling sahig na aming tatapakan bago ito bumagsak.

Nanggigil ako sa kanila dahil sa dami ng kanilang naging biktima na binitay dito. Ginawa pang katuwaan ito ng mga deboto niya.

Ilan leeg na ba ang nasakal nitong lubid? Ilan na ba ang namatay sa plataporma ng kamatayan? Marami na. Uso ang diskriminasyon sa mundo pero pagdating sa pagbibitay, lahat ng tao'y pantay-pantay ngunit maliit na grupo lang ng herarkiya ang may dispensa sa Capital Punishment at iyon ang mga taong nagdidikta kung sino ang susunod na mamamatay sa lubid.

"Malaya, nahuli rin pala kayo." Napalingon ako sa nagsalita.

Nanlaki ang aking mata nang makita ko na kasama rin namin si Doctor Lionel at iba pa naming kasama na katutubo. Nahuli rin pala sila. Tiningnan ko ang gilid at may mga bangkay ng kasama namin na naging burol sa dami nilang binitay. Marami silang nahuli at pinatay na habang nakakulong pa kami sa hawla.

"May mga ginagamot kaming mga kasama na nabaril sa kasama. Nahanap nila kung saan kami nagtatago. Binaril nila ang pasyente namin atsaka dinala kami rito." Paliwanag ni Doctor Lionel. Napansin ko lang na may mga pasa siya sa katawan at mukha, may natulo pang dugo sa bibig at ilong niya at halos hindi na maimulat ang kanan niyang mata dahil sa pagmamaga nito.

Binugbog sila sabay pinatay pa nila ang mga sugatan! Ang dami nilang sala na ginawa sa mga tao!

"Ikamamatay niyo ang pagpatupad nitong sala." Banta ko sa kumander at berdugo, matatalim ang aking mata na tiningnan sila.

Rebelation (Unity Series #1)Where stories live. Discover now