Kabanata 3

64 5 1
                                    

Kabanata 3

Araw ng Kalayaan


Ang Araw ng Kalayaan ay isang malaking kasinungalingan.

Ito ang naging tradisyon sa bawat taon ay ang parangalin ang Araw ng Kalayaan, kailangan magbigay ng saludo at respeto sa araw na ito habang kinakanta ang pambansang awit.

Mula nang umupo si Pangulo Liberato, naging batas ang pag-awit sa kanya habang nakikita namin ang kanyang nakangiting mukha sa mga iskrin malapit sa poste ng mga bandila dahil siya talaga ang binibigay namin ng karangalan, hindi ang tela ng bansa.

Sa bawat taon ay kailangan namin ito sundin, walang aangal o pipiglas sa tungkulin na inako sa taong-bayan, kahit ano pang estado mo sa buhay, kailangan mo humarap sa bandila at kantahin ang pambansang awit.

Naalala ko pa noon na halos walang bumibiyahe sa isang buong oras sa umaga dahil lahat sila ay nakatipon sa plaza o ibang lugar kung saan may makikita silang bandila na sumasayaw sa ihip ng hangin sa dulo ng tagdan upang kantahin ang Lupang Kinagisnan.

Madalas din gawin ito sa mga paaralan tuwing napapadaan ako sa eskwelahan, naririnig ko silang kumakanta ng Lupang Kinagisnan habang nakatayo sa harap ng tagdan ng watawat.

Mula pa noon at hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung bakit ito ginagawa ng mga tao, kung bakit sila nanunumpa sa isang bandila na hindi naman totoo.

"Tandaan mo na wala tayong isasaktan na tao. Ipapalaganap lang natin ang ating mensahe hanggang sa marinig ito ng kanilang puso."

Nakatayo kami sa aming pwesto, nagtatago sa dilim at naghihintay.

Nilingon ko si Binatang Bukid, napansin kong nagtiim ang panga niya at nakakuyom ang kamao nito. Bakas ang lumiliyab na galit sa likod ng kanyang mata.

Ito ang araw na tinutukoy ni Binatang Bukid, ang araw na inaabangan niya at ang iba pang mga Ibong Maya.

Ang boses namin ay ang aming sandata. Ang apoy ay ang makapangyarihan na mensahe na siyang magtutunaw ng lingas ng namamahala at pundasyon ng kasakiman.

Kasalukuyan kaming nakatayo sa tinatawag nilang overpass sa EDSA sa pinakamataas na bahagi nito. Nakatanaw kami sa mga pumapasadang kotse sa kalsada, ang mga pasikot-sikot na mga tao sa paligid, ang mga nagtataasan na mga gusali na halos maabot na nito ang langit, at ang mahabang tulay kung saan dumadaan ang LRT at MRT.

"Nakakalungkot isipin na kailangan natin mabuhay nang ganito araw-araw. Gigising ng alas-kwatro ng umaga, sasakay sa biyahe at malulunod sa trapiko, dadating sa trabaho na pawis at amoy usok, sabay babawasan ka pa ng sweldo dahil na-late ka.

Pagkatapos ng walong oras ng nakakapiga ng utak na trabaho, babalik ka ulit sa mahabang trapiko, uuwi na kapiranggot na lang ang natitirang oras para sa'yo, at ang nagawa mo na lang ay matulog. Uulit at uulit hanggang sa unti-unti ka nang sinasakal ng rutina dahil ganito umiikot ang sistema."

Nawindang ako sa mga katagang iyon. Kahit pulubi man ako, ang pinoproblema ko lamang ay makahanap ng pagkain ngunit hindi lang pala ako ang nagdurusa.

May mga ordinaryong tao na naghihirap din at pinagtitiyagaan kung ano ang mayroon sila ngunit hindi pa rin ito sapat sa kanilang kabuhayan.

Ang akala ko'y sila ang swerte pero may sarili rin silang kamalasan na dinadala sa buhay.

Sumandal ako sa rehas ng overpass, nabigatan ang puso ko sa aking natuklasan habang dinadama ang ihip ng hangin, naririnig ang busina mula sa mga bus at jeepney sa malayo, habang pinapakinggan si Tyranny magsalita.

Rebelation (Unity Series #1)Where stories live. Discover now