"Nagpapasalamat sila sa atin dahil binigyan natin ng rasyon at pagkain nila para sa kanilang pamilya." Paliwanag ni Ylang-Ylang.

Natuwa naman kaming apat dahil may naitulong kami sa kanila. Ngayon ay sasali sila sa aming samahan.

"Sa kabilang dulo pa ng lawa ang isasakay natin na tren." Sabi ni Eufemio sa kanila atsaka sila tumango-tango.

Inihanda namin ang mga kanue sa gilid ng pantalan. Sumakay ang mga bagong kasapi at nauna sila lumayag habang sinusundan ang direksyon na ibinigay namin sa kanila.

Sumakay kami sa kanue, tahimik na hinihigit ni Caloy at Eufemio ang sagwan sa gilid nang napatigil kami mula sa malakas na putok ng bala na siyang nagpawindang sa amin.

"Ano 'yon? Bakit ang lakas?" Natatarantang sabi ni Caloy na palingon-lingon sa paligid namin.

Nagliparan ang mga ibon mula sa mga puno na para bang may nilalayuan sila na hindi namin makita. Isang putok na naman ng bala ang umalingawngaw pero mas malakas ito, mas malapit sa amin.

"Huwag mong sabihin nabuking na naman tayo?!" Hindi makapaniwalang sabi ni Luisa.

"Masusundan ba nila tayo sa lawa?" Tanong ko.

"Hindi nila tayo maabutan. Malapit na tayo sa kabilang pantalan." Tugon ni Eufemio.

"Pero paano tayo nahahanap ng mga sundalo?"

"They have eyes everywhere." Isang simpleng kataga ang nagpatahimik sa amin, ang salita ni Ylang-Ylang.

Mas binilisan ni Caloy at Eufemio ang pag-ikot sa sagwan. Kahit bumibilis man ang paglayag namin sa tubig, lumalakas ang putok mula sa malayo hanggang sa may napansin akong kakaiba na sumundot sa tubig na siyang nagpasabog at tumalsik ang mga patak nito.

May sumundot muli sa tubig pero mas malapit na ito sa amin. May kasunod na putok na naman ang sumundot sa gilid ng aming kanue na sinasakyan.

Ang huling putok ang ikinatakot ko lalo dahil tumama na ito sa aming kanue.

"Sniper! May sniper sa gubat!" Sigaw ko sa mga kasama namin. Kakasali lang nila sa aming samahan tapos ito na agad ang madadatnan nila.

Marahas kong tiningnan ang gubat upang mahanap ang sniper na bumabaril sa amin mula sa mga agwat ng puno pero wala akong makita. Maaaring may suot itong pagbabalatkayo. Ngunit, kung may kasama ito, panigurado na marami ang bumabaril na ngayon sa amin pero nag-iisa lang siya.

"Sino ka?! Isa ka rin ba sundalo?! Isa ka rin bang PLD?! Bakit mo kami binabaril?!" Sigaw ko sa gubat. Ang naging sagot nito ay isang putok ng bala na tumama sa tabi ng inuupuan ko.

Nahulog ang aking puso roon, napatitig sa butas sa tabi ko. Napakalapit lang sa akin! Halatang marunong itong sniper at naririnig niya ako.

Tama nga ang hinala ko. Mag-isa lang siya. Hindi niya kasama ang Liberators. Ang problema ay kahit mag-isa lang siya, kaya niya kaming patumbahin lahat dahil nasa gitna kami ng kanyang palaruan. Nakatago lang siya sa puno habang kami ay nakalantad sa gitna ng lawa.

Delikado itong posisyon namin. Kailangan na namin makarating sa kabilang dulo ng lawa!

May isang putok ng baril ang tumama sa gilid ng kanue namin na siyang naging dahilan kung bakit lumulusot ang tubig sa loob. Agad kong tinakpan ito ng makapal na tela pero may kasunod pa pala itong putok na tumama sa kanan na gilid.

"Takpan niyo bago pa tayo lumubog!"

Ilan beses itong binaril ng sniper at tinatakpan namin pero nakakapasok pa rin ang tubig. Nalulubog ang sinasakyan naming kanue!

Matalino itong sniper. Alam niya na kapag nakaabot kami sa pantalan, hindi na niya kami maaabutan na para bang limitado ang saklaw na kaya niyang barilin, pero nilubog niya ang kanue para mahuli kami sa distansya na kaya niyang mabaril.

Rebelation (Unity Series #1)Where stories live. Discover now